Ang BABAENG hinugot ko sa aking pakpak..
ang seldang gawa ng iyong kariktan,
na akin ngayong kinasasadlakan,
ay hindi kayang buwagin ng unos,
at tunawin ng perpektong kirot
Penumbral Deja vu
July 3, 2011
…biglAng pumasok sa isip ko ‘yuNg mga sandalinG magkatabi tayo sA bus at naKatitig lang ako sayo, pinapakInggan ang iyoNg pagsasalita, pilit sinasabayan anG bawat mong Paghinga, hAbang humahaplos sa iyoNg mukha anG liwanAg ng mga lamp post na nadadaanan natin. Lumiliwanag at dumidilim ang Kabuuan mO, nag-Aagaw ang dapithapon at gabi sa iyong mata, daig pa ang pinaKamatamIs Na tula, napakasarap paGmasdan. KaManghA mangHA, Lubhang napakaganda…
-Late afternoon of May, 2011-
Ang Babae sa lamp post
Gusto kong pagbakasyunin ang aking kaluluwa sa araw,
mag soul searching sa loob ng buwan,
makipaglaro sa mga bualakaw at gawing playground ang milkyway,
gusto kong mamitas ng mga tala at bawasan ang mga patay na tuldok sa bawat constellation,
gusto kong libutin ang mga anonimus na galaxy,
gusto kong makita ang aandap andap na liwanag ng mga planeta,
hipuin ang katawan ng ulap at tuklasin kung sa likod ba noon ay naroroon ang langit,
gusto kong makipag sweetdance sa kislap ng umaga tuwing bukangliwayway,
habang ang hangin ay umaawit,
ngunit gusto kong pumasok sa loob ng iyong atmosphere,
palipasin ang bawat summer at rainy days,
sa piling mo,
dahil wala ng mas niningning pa sa kislap ng iyong mata
tuwing ikaw ay ngumingiti,
dahil wala ng mas ririkit pa sa gandang namalas ko,
habang katabi kita,
habang pinapakinggan ko ang iyong tinig,
habang humahaplos ang liwanag ng mga lamp post
sa kaamuhan ng iyong mukha,
habang pinapanood ko ang pagliwanag at pagdilim
sa iyong kabuuan,
ang pagdulas ng ilaw sa iyong buhok,
na sa puso ko ay tuloy tuloy na pumasok,
kung saan ay nagkulay sunset ang iyong
golden skin,
sa katawan mong may minahan ng mga gintong
bituin.
at doon ko nakita ang pinakamagandang kalawakan,
ang silhouette na anyo ng isang
kagandahan
kay lapit,
ngunit hindi ko mahawakan…
at kung sakaling matagpuan ko ng muli ang
sarili ko sa universe ng aking
pag-iisa,
alam kong sa dulo ng lahat ng ito,
ikaw pa din ang nag-iisang nilalang ang nanaisin at papangarapin ko,
dahil ang tanging nais ko lamang ay
ang,
masukat at masilayan at mapuntahan
ang kalawakan sa loob ng iyong
mga mata,
ang santwaryo sa puso ng aking musa.
Santina
April 28, 2011
I.
Sa tuwing tinitignan ko ang maamong mukhang yaon, lagi kong ibinubulong sa aking sarili na ang mukhang yaon lamang ang nanaisin kong ibigin at titigan sa bawat araw na ilalagi ko sa mundong ibabaw. Ang kanyang ganda ay mapaghimala, ang saglit na pagdaiti ng iyong kamay sa kanyang paanan ay simula nang paggaling ng iyong karamdaman, ang pag-ibig niya ay palaging nariyan, handang ihandog sa iyo kahit kailan, hinihintay lamang niya ang iyong paglapit, ang iyong pagdatal sa kanyang malinis at sagradong sinapupunan.
Tunay na inihandog ko sa kanya ang aking pag-ibig at ang katotohanan sa aking buhay. Isang klaseng pag-ibig na handang madapa at bumangon, masugatan at gumaling, lumuha at ngumiti, mabigo at manalo, masaktan at muling magmahal. Para sa akin, siya lamang ang nag-iisang himalang maaaring lumagot sa aking pag-iisa at walang hanggang pagdaramdam.
Walang araw na hindi ko siya dinadalaw at inaalayan ng bulaklak at dasal, walang araw na hindi ako lumuluhod sa kanyanag harapan at paulit-ulit na idinudulog ang aking natatanging pagsinta na tanging sa kanya ko lamang iniuukol.
May mga pagkakataon na naitatanong ko sa aking sarili, kung ako ba’y tatanggapin niya, iibigin at pag-uukulan ng pansin kung siya ay isang ordinaryong babae at hindi isang santa. Kung ako ba’y bibigyan niya ng pagkakataon na ipadama ang hiwaga ng aking pagmamahal kung siya’y maging tao at bumaba sa kanyang kay bangong luklukan, kung ako ba’y sisipingan niya at aangkinin kung ang katawan niya’y maging ganap na katawan ng isang babae kawangis ng ibang babaeng humihinga at naglalakad sa kaganapan ng sangkalupaan.
Ako ay umibig sa isang Birhen, ako’y umibig sa isang Santa, ako’y labis-labis na umiibig sa Birhen Maria…
II.
Kagabi,
Isang himala ang nasaksihan ko sa aking harapan. Isang batang bulag ang bumagsak at nadapa sa labas ng simbahan. Hinawakan ko ang kanyang braso at nang akmang itatayo ko siya ay isang maputing kamay ng babae ang dumantay sa mga matang hindi makakita at ang bata’y kumurap-kurap at lumuha at tumangis at sumigaw. Isang sigaw na nakakagimbal…
“Nakakakita na ako.. isa itong himala!”
At tinitigan ko ang may-ari ng maputing kamay na yaon. Isang maamong mukha ng babaeng may itim na balabal ang bahagyang nakatabing sa kay liwanag niyang mata. Ang mga matang kay hiwaga. Mga matang para bang laging susungawan ng luha. Mga matang humihingi ng awa at lumilimos ng pang-unawa… mga matang para bang kay tagal ko nang tinititigan… mga matang para bang kay layo ng tanaw ngunit kay lapit sa aking puso…
Lumuhod ang bata sa harapan ng babaeng yaon at hinagkan ang kanyang paa.
“Ang himala’y magkakatotoo kung ito’y paniniwalaan mo.”
At tumayo ang babae at siya’y pinalibutan ng mga taong nakasaksi sa kanyang ginawa. Mga nagtitinda sa gilid ng simbahan, mga naglalakad na pauwi na sana sa kanilang mga tahanan, mga nakamasid at mga naparaan lamang, lahat sila’y lumuhod sa harapan ng babae at sila’y lumuha at umiyak at sila’y sumamba sa mahiwagang babaeng yaon.
Samantalang ako’y nanatiling nakatitig sa kanya, nabatobalani’t pinag-initan ng mata. Kay lapit ko sa kanya at ang kabuuan niya’y niyayakap ng aking puso’t isipan. Ang kanyang titig ay nagpahinga sa aking mukha. Matagal niya akong tinitigan at ako’y napayuko at napaluhod at lumuha.
Ang mga taong kay tagal nang nilimot ang pagsisimba at pagpasok sa simbaha’y lumapit at lumuhod at sumamba sa kanya. At siya’y nagwika:
“Magsitayo kayong kahat. Ang panginoon Diyos lamang ang dapat ninyong niluluhuran…”
Ngunit wala isa man sa kanila ang tumayo. Bagkus, sila’y lumakad ng paluhod at gumapang patungo sa kanyang paanan at nagsipaglabas ng panyo at ipinunas sa kanyang talampakan…
Sa lumakas na saliw ng hangin, sa iyakan at pagtampisaw nila sa kahiwagaan ng Babaeng yaon, tanging ako lamang ang nakarinig at tumangis ng ipagsigawan ng isang deboto na ang Birhen Maria ng Sta. Cecilia ay nawawala.
III.
Dumulog ako sa kanyang paanan isang araw. Sa gilid ng simbahan, naroon siya sa kanyang likmuan na pinapalibutan ng mga puting rosas at kandila, sa kanyang likuran ay ang malaking Imahe ni Kristo na nakapako sa Krus, kasalukuyan siyang nanggagamot ng isang batang kipkip ng kanyang Ina sa dibdib. Ang palad niya ay nasa ulo ng batang walang malay at siya’y nakapikit at nagdarasal ng taimtim.
Ang mukha niya’y pinatingkad ng maputing kutis at matangos na ilong at mapulang labi. Isang payak na kagandahang may hatid na kagilagilalas na sumpa.
Kay daming nagtutungo sa simbahan. Nagpatuloy ang pagdating ng mga deboto at nagpapagamot at sila’y nagtiyagang maghintay upang makita lamang at makausap at mahawakan at malapitan ang babaeng yaon.
Noong ako’y naupo sa kanyang harapan, siya’y tumitig sa aking mukha, isang titig na puno ng katahimikan, ‘di mo kababakasan ng alinlangan at takot.
“Ano ang iyong kailangan?” mahina niyang tanong sa akin.
“Ang iyong pangalan.”
“Santina…” naiwika niya.
“Ako’y mayroong dinaramdam.”
“Ang sakit mo’y tumatagos sa iyong mga mata, ang sugat mo’y wala sa katawan, ito’y nasa iyong kaluluwa.”
Napamaang ako sa kanya. Hinawakan niya ang aking kamay at ito’y pinagmasdang mabuti.
“Ang mga kamay na ito’y ilang beses ko nang nakitang nagdaop upang magdasal. Ang mga daliri mo’y ilang beses ko nang nadamang dumaiti sa aking paanan. Ang mga mata mo’y ilang beses nang tumitig sa akin at nagmasid. Madaming lalaki ang naghahangad na maangkin ka, lahat sila’y handang gawin ang lahat para sa iyo, ngunit ikaw ay iba. Sadyang kakaiba.”
Hinila ko ang aking kamay na hawak niya at ako’y tumayo at tumakbo ng mabilis palayo sa kanya at ako ay nagtungo sa simbahan at tumitig sa altar at ako ay nakadama ng kahungkagan nang mapadako ang aking tingin sa likmuan ng Birhen Maria dahil ang Birheng iniibig ko ay hindi natagpuan ng aking mga mata.
IV.
Madalas ko siyang makita doon sa may labas ng simbahan. Mag-isa, nakatitig sa kalangitan. Hindi ko alam, ngunit minsan, pakiramdam ko’y binibilang niya ang mga bituin sa madilim na panginorin, at hanggang sa lumao’y nakita ko na rin ang sarili ko sa may labas ng bintana…nakikibilang sa kanya.
Tuwing ala-sais ng gabi ay madirinig sa buong bayan ang kanyang pagtugtog ng plawta, para bang isang huni ng ibon na magtutulak sa iyo sa isang malalim na pagkaidlip, dala ang isang perpektong panaginip.
Napakatahimik na tao ni Santina. Madalas siyang nag-iisa tuwing hindi siya nanggagamot. Sadyang kakaiba ang pagpilantik ng kanyang mga daliri, ang maliliit na sulyap ng maamo at malalim niyang mata at ang tahimik na buntong hininga ng kanyang musika ay wari bang mga munting tunog ng kuliglig na nalipol sa loob ng kanyang plawta at nanganak ng isang napakagandang uyayi.
Sa simbahan siya nanahan, at siya’y binihisan at inalagaan ng mga taga Sta. Cecilia at siya’y minahal ng buong bayan. Dumating si Santina kung saan ang mga tao’y tumigil na sa pananampalataya sa Diyos, kung saan, iilan na lamang ang nakakaalalang magsimba. Ngunit nagbago ang lahat dahil sa kanya. Naniniwala sila na si Santina ay isang Anghel na sugo ng langit upang pumalit sa nawawalang Birheng Maria.
Ang hiwagang dulot niya’y parang isang kay habang gabi na kumain sa aking kabuuan at nagduyan sa akin sa isang kay habang pagkaidlip.
Tuwing Linggo, ang araw ng kanyang pamamahinga’y dinadalaw ko siya sa kanyang silid at doo’y hahandugan ko siya ng bulaklak at ibabahagi ko sa kanya ang bahagi ng aking buhay na kahit kaila’y hindi ko ipinakita sa ibang tao.
At kami’y magtutungo sa tabing dagat at gagawa kami ng kastilyong buhangin at magkahawak kamay na maglulunoy sa tubig at ang dagat ay wari bang nasisiyahan sapagkat ang alon ay sisipol, ang hangin ay bubulong at ang mga ulap ay mag-aawitan.
“Sa tuwing hawak ko ang kamay mo, para bang kay tagal na kitang kilala. Para bang noong unang panahon ng ating mga buhay ay naging malapit tayo sa isa’t-isa…. Para bang noon pa ma’y nagtatagpo na tayo at nagkakasama.”
“Matagal na kitang nakikita Ada.. madalas kong pagmasdan ang iyong pagdarasal sa simbahan, dati ko nang pinakikinggan ang tibok ng iyong puso at ang mga lihim mong pagluha.”
At ako’y tuluyang nabighani sa kanya, isang pakiramdam na parang kay tagal nang nakatago sa aking puso, isang pakiramdam na hindi ko nagawang limutin at itago.
Isang araw, ako’y pinanakitan ng katawan, para akong sinisilaban, para akong nasa ibang planeta, nasa ibang mundo, ang mga tuhod ko’y nanginginig, ang mga braso ko’y ‘di makaagapay sa aking bawat kilos.
Hindi ko alam kung paano niya nalaman ang aking karamdaman, ngunit isang hapon, kung saan ang araw ay nagsasabog ng kanyang huling liwanag ay dumating siya. Nakatayo siya sa likuran ng liwanag ng araw, kaya’t para siyang nag-aapoy ng siya’y aking makita.
Lumapit siya sa akin at sinapo ng mapagpalang kamay ang aking namamawis na noo. “Pa’no mo nalaman?” tanong ko sa kanya.
“Ibinulong sa akin ng mga ibon.” Sagot niya.
At sinimulan niyang hinaplos ang aking kamay. Damang-dama ko ang maligamgam na samyo ng hangin sa aking balat.
“Pakawalan mo silang lahat Ada. H’wag mong subukang itago ito sa iyong puso. Iparamdam mo sa akin ang bigat ng iyong pagdaramdam, papasanin ko ang lahat ng ito para sa iyo. Ligtas ka sa aking mga kamay. Nakaalalay lamang ako sa iyo.” Mahina niyang bulong habang puno ng hinhing hinihilot niya ang aking kamay paakyat sa aking braso at balikat.
“Maiintindihan ba niya ako Santina?”
“Maiintindihan ka niya.”
Idinantay niya ang kanyang palad sa aking kaliwang dibdib. Sa tapat ng aking puso.
“Ano ang nadarama mo Ada?”
Pa’no ko nga ba ilalarawan sa kanya ang aking nararamdaman? Ang aking laman ay nararamdaman kong humihinga sa ilalim ng aking balat, ang init na nagmumula sa kanyang palad ay pumapasok sa aking puso, humahaplos, nakikiramdam. Ang aking katawa’y parang humiwalay sa aking kaluluwa at lumipad-lipad sa hangin at pumailanlang sa kalawakan, at isang kakaibang init ang inilabas ng aking katawan.
Nagtama ang aming mata at para siyang napaso, inalis niya ang kanyang kamay sa aking dibdib at tumayo siya at napaatras ng ilang hakbang palayo sa akin, bago siya tuluyang tumalikod at umalis, papunta sa nag-aapoy na dapithapon.
Linggo ng hapon. Magkasama kaming naglalakad sa bukirin, at ang kalabaw ay yumukod sa kanya, ang mga palay ay kumaway at bumati sa kanya. Ang dapithapon ay nagkaroon ng sigla at ang mga ibon at insekto’y humalik sa lupang kanyang dinaraanan.
“Aanihin ninyo ang palay na ito at ang mga magsisipagkain ay dadakila sa ating panginoon. Ang ulan ay magdidilig, ang araw ay magpapatuyo at…”
“Iniibig kita.”
Huminto siya sa paglalakad at tumitig sa aking mukha.
“Lahat kayo’y iniibig ko.” Naisagot niya sa akin.
“Ang nadarama ko sa iyo’y hindi tulad ng inaalay nila. Ikaw ang sumugat sa aking kaluluwa.”
At natahimik siya.
“Hindi ako kailanman maaaring magkasala.”
“At bakit hindi?” Hindi ka Santa, siguro nga’y nagpapagaling ka’t lumilikha ng himala, ngunit hindi ka Santa. Isa kang tao, tao na maaaring magkasala, magkamali at magkasugat sa kaluluwa.”
Ngunit nanatili siyang tahimik. Tumalikod siya at naglakad palayo sa akin at ako’y napaluhod at tumangis sa aking pagkabigo.
Hindi na ako kailanman pumunta sa simbahan o dumulog sa kanyang likmuan at nag-alay ng kwento… Araw gabi akong lumuluha, iniluluha ko ang pagkawala ng Birheng Maria, iniluluha ko ang aking pagkabigo sa pag-ibig.
At hindi ako nagkakain at naglalabas ng bahay. Sa tuwing nadirinig ko ang pagtugtog ni Santina ng plawta tuwing mag-a ala-sais ng gabi, kung saan ang mga tao’y luluhod at magdarasal ng Anghelus, ako’y nakakadama ng paninikip ng dibdib, tatakpan ko ang aking tainga at malakas na isisigaw ang kanyang pangalan…
Isang gabi, sa aking panaginip, habang ako’y nakahiga sa aking kama at pilit inuunawa ang kadiliman ng aking paligid, siya’y dumating. Mula sa isang aninong lumatag sa dilim ng gabi’y lumapit siya sa akin at ang anino’y nagkaroon ng mukha… nagkaroon ng katawan at ang mukhang iyon ay basa ng luha na dumadaloy sa kanyang mata at siya’y lumuhod sa gilid ng aking kama at ginagap ang aking kamay ng buong higpit at ito’y kanyang hinagkan. Inabot ng aking kamay ang kanyang mukha at pinunasan ng aking mga daliri ang kanyang mga luha. Lumapit siya sa akin at hinagkan ako sa labi. Mainit. Matagal. Punong-puno nang pagmamahal.
Sa labas ng bintana’y bumuhos ang ulan. Ang hangin ay lumakas at nagdulot ito sa akin nang matinding pangangatal.
Nang maghiwalay ang aming mga labi’y nagtama ang aming mga paningin, sa loob nito’y iginuguhit ang kakaibang pagdaramdam, at sa kauna-unahang pagkakataon, ang isang ‘di maipaliwanag na takot ay lumambong sa maamo niyang mga mata.
“Bakit mo pinapabayaan ang sarili mo?”
“Dahil mahal kita.”
“Isa itong kasalanan.”
“Maiintindihan niya ang pag-ibig ko sa iyo.”
At siya’y lumuha. Iniluha niya ang kahuli-hulihang patak na kayang iluha ng kanyang mga mata. Niyakap niya ako ng mahigpit at ang mga labi namin ay muling nagdikit at nagsalo sa isang halik na tumunaw sa takot at pagkabalisang aming nararamdaman.
At ang kulog at kidlat ay magkasabay na humalakhak sa madilim na kalangitan, wari bang kami’y tinutudyo, tinatakot at pinagtatawanan…
Nang idilat ko ang aking mga mata’y naroon siya sa sa aking tabi. Gising siya at tuwid ang pagkakatingin sa akin.
“Bibitawan ko ang langit kapalit ng kasalanang idinulot ng mapangahas na pag-ibig. Ikaw lamang, tanging ikaw lamang ang aking magiging pagkakamali…”
At doon ko naunawaan na ang lahat ay isang katotohanan, malayo sa aking pag-aakalang ang halik niya’y isa lamang napakagandang panaginip.
V.
Tuwing gabi, lihim kaming nagkikita ni Santina sa gitna ng bukid. Sa oras kung saan ang gabi’y nakahimlay sa aming pag-ibig, sa sandaling ang mga bituin ay nakatanaw sa aming pagsinta, sa panahon kung saan, ang bawat sandali ay pinuno n’ya ng mga himalang napakasarap paniwalaan.
Ang aming pagniniig ay pagtatalik ng aming kaluluwang nakatindig sa gitna ng pagdadapithapon ng aming kaligtasan. Ang mga yakap ay isang patunay na ang pusong umiibig ay hindi mo kailanman makakayang takasan.
Ngunit sumapit ang tag-tuyot. Marami ang nagutom at tinuyuan ng bukurin. Ang balon at ang mga ilog ay dinaluyan ng putik, nagkaroon ng matinding tag-gutom at ang lahat ng tao’y humangos sa likmuan ni Santina, lahat sila’y nagpabasbas, lahat sila’y nagdasal at humingi ng kapatawaran sa Diyos. Ngunit ang buong bayan ay ginimbal ng matinding paghihirap.
At ang aming lihim na pagkikita sa gitna ng bukid ay huminto at ang aming nakaraang pagniniig ay nauwi sa isang kay lawak na distansyang naging napakahirap para sa amin na muling ipaglapit
At sa tuwing pumapailanlang sa hangin ang musika ng kanyang plawta, ito’y nangangahulugan ng kamatayan. Kumalat ang epidemya at marami ang binawian ng buhay. Nanatiling tahimik at tikom ang bibig ng langit, naroon lamang ito sa taas, sa kanyang luklukan, nakamasid sa mga taong naghihintay ng tag-ulan.
At isang gabing maalinsangan, tinungo ko ang simbahan, tahimik ang buong paligid. Walang tao sa kanyang bakuran, ang tanging mga naiwang alaala ng mga nagdaang pagsamba ay ilang sagradong babasahin, mga rosaryo at iskapularyong nakabaon sa alikabok. Isang sigaw ng babae ang bumasag sa nakasusugat na katahimikan. Agad akong pumasok sa loob at doo’y tumambad sa akin ang isang babaeng hirap na hirap habang nagluluwal ng sanggol. Si Santina’y nasa kanyang paanan at buong suyong hinahaplos ang sinapupunan ng babae. Isang impit na iyak ang dumagundong sa aking kamalayan at iniluwal ng babae ang isang sanggol na hindi kumikilos, hindi humihinga, hindi umiiyak. Ang pagkakahawak ng babae sa kamay ni Santina’y unti-unting lumuwang hanggang sa tuluyan itong bumitiw at ang walang buhay nitong katawa’y lumungayngay sa sahig. Lumuluhang niyakap ni Santina ang walang buhay na sanggol at isang panaghoy ang lumabas sa kanyang bibig. Marahan niyang inilapag ang sanggol sa tabi ng wala ng buhay nitong Ina at lumuluha siyang tumayo at sinalubong ang aking mga mata. Nilapitan ko siya at niyakap. Gumanti siya ng yakap at hinalik-halikan ang aking mukha.
“Hindi kita maaaring tanggapin Ada…Hindi ngayon, hindi bukas, hindi kailanman.” At siya’y bumitaw sa akin ngunit pinigilan ko siya sa kanyang kamay at hinalikan ko siya sa labi, kumawala siya sa akin at itinulak ako palayo.
“Iligtas mo ako sa kasalanan Ada!”
“Paano?”
“Lumayo ka sa akin, limutin mo ako!”
“Hindi ko kaya!”
At muli ko siyang nilapitan at niyakap. Napahawak siya sa aking balikat hanggang sa unti-unti siyang napaluhod sa aking harapan.
“Iligtas mo ako… Maawa ka, hindi ko kayang iligtas ang sarili ko kaya’t ikaw Ada…Ikaw lamang ang makakapagligtas sa akin.” Patuloy siya sa kanyang pag-iyak. Hinawakan ko ang kanyang braso at pilit ko siyang itinayo, ngunit pagkatapos ng isang namamaalam na titig ay humakbang siya palayo sa akin at tumakbo palabas kung saan ay sinalubong siya ng kanyang mga deboto, nagtatangisan ang mga ito na nagsipagluhod at humalik sa kanyang paanan. Nilapitan niya ang mga ito at malakas siyang sumigaw.
“Tumayo kayo…kasalanan ang pagluhod sa akin…tumayo kayo, tumayo kayo!” Hinawakan niya ang mga ito at sapilitang pinapatayo ngunit nanatili ang mga itong nakaluhod at hinahalikan ang lupang kanyang kinatatayuan.
At tinakbuhan niya ang mga ito. Tumakbo siya ng mabilis patungo sa burol at doo’y tinawag niya ang Diyos at malakas siyang tumangis at inihingi ng kapatawaran ang kanyang katawang lupa.
“Binigo ko kayo…Patawad!”
At nakita ko si Santina na tumalon sa burol, at ang kanyang katawa’y niyakap ng mga alon sa karagatan. At ang ulang kay tagal ipinagkait ng langit ay parang biyayang ibinuhos at ipinamahagi sa buong bayan ng Sta. Cecilia.
Kinabukasan,
Natagpuan ang rebulto ng Birheng Maria sa tabi ng simbahan at ang mga tao’y ipinagdiwang ang pagbabalik ng Birhen at ang Sta. Cecilia ay sinikatan ng araw at diniligan ng ulan at ang epidemya’y naglaho kasabay nang paglaho ni Santina sa aking buhay.
Hindi na muling pinag-usapan sa buong nayon ang minsang pagdating ni Santina, itinuring nila na isa itong aparisyong tumulong sa aming lahat kung pa’no matatagpuan ang aming mga sarili sa dulo ng isang mahabang tulay na ang simula at katapusa’y nasa loob ng aming puso’t isipan.
VI.
Dumulog ako sa kanyang paanan isang araw. Naroon siya sa kanyang likmuan na pinapalibutan ng mga puting rosas at kandila. Sa tuwing tinititigan ko ang maamong mukhang yaon, lagi kong ibinubulong sa aking sarili na ang mukhang yaon lamang ang nanaisin kong ibigin at titigan sa bawat araw na ilalagi ko sa mundong ibabaw.
Totoo ngang ang kanyang ganda’y mapaghimala at batid kong ang kanyang pag-ibig para sa akin ay palaging nariyan, handang ihandog sa akin kahit kailan, hinihintay niya lamang ang aking paglapit, ang aking pagdatal at ako’y kanyang iduduyang muli sa kanyang bisig kahit na batid niyang maaari nitong dumihan ang kanyang malinis at sagradong sinapupunan.
Ang mga katanungan ko’y binigyan niya ng tumpak na kasagutan, at ako’y nagpatirapa sa kanyang harapan at paulit-ulit kong sinamba ang kanyang kahiwagaan, dahil ang saglit at minsang pagdaiti ng aking katawan sa kanyang paanan ay ang naging simula nang paggaling ng aking karamdaman, at ang himalang dinanas ko sa kanyang piling ay siyang lumagot sa aking pag-iisa at walang hanggang pagdaramdam ng aking puso’t kaluluwa…
indelible
…
“sa tingin mo may posibilidad pa kayang maging masaya ka sa akin?”
“siguro.”
“o hindi ka magiging masaya sa akin dahil hindi ako ang hinahanap mo?”
“sa tingin mo ba, ganyan ako kamanhid?”
“Hindi, sa tingin ko, ganyan ka kalalim na nasaktan.”
Magpakailanman
Ang pag-ibig na naluma sa katagalan,
Ay hinding hindi ko panghihinayangan,
Lalo na’t kung ito’y niluma nang paghihintay,
Sa iyong pagdatal, kahit saglit sa aking buhay.
Ang sigaw na sukbit ko’y maging isa mang impit,
At kung ang kataga’y naubos sa nakatikom na bibig,
Paulit-ulit kong patatakasin ang aking tinig,
Kahit ang lahat ng yaon ay hindi mo madinig.
Matanaw man kita’y hindi ako makalapit,
At ang kaunting paglingap sa akin ay ipinagkait,
Nais kong ialay ang walang kapantay na pag-ibig,
Kahit na ba ang layo mo sa akin ay kasing taas ng langit.
Tumangis man ako’y hindi mo ito maramdaman,
At ang pagsinta’y papalahaw sa gitna ng kadiliman,
Dahil ang aking pag-ibig ay isa lamang alon sa karagatan,
Na sa dalampasigan mo’y minsang mapapadaan.
Ang pangako ko’y muli’t muling isisilang,
Ang pagsamba sa iyo’y walang simula’t katapusan,
Sana nga’y magawa kong pahabain ang magpakailanman,
At baka sakaling ang ibigin ako’y iyong matutunan.
Babae, huhugutin ba kitang muli sa aking tadyang?
April 15, 2011ga’no ka nga ba kahalaga sa aking buhay?
ikaw nga ba ang pag aalayan ko ng aking kamatayan o ang dahilan ng aking muling paghinga sa bawat sandaling ilalagi ko dito sa mundo na ang tanging yakap sa gabing malamig ay ang sakit nang iyong paglayo?
tuluyan ko na nga bang lalagutin ang taling nagbibigkis sa iyo mula sa akin at hayaan ang aking kaluluwang matangay sa laot ng pag iisa at pagdaramdam?
Lumayo ka sa akin dahil ayon sa iyo’y hindi kita kayang ibigin sa paraang nais mo. minsan, ang bawat palatak mo’y rumirindi sa aking tainga, ang mga iyak mo’y sumusugat sa aking damdamin, ang sakit ng iyong mga salita’y ikinatitigil ng aking dugo sa pagdaloy… minsa’y masyado kang nagiging maingay, minsa’y bigla kang magiging malambing pagkatapos ng mahabang pagsusungit… minsan nama’y hindi na kita kayang patigilin sa pagsasalita na tutuldukan mo ng napakahabang katahimikan. tuwing tinatanong ko sa iyo kung ano ang nais mo’y “wala” ang iyong tugon, ngunit bigla ko na lamang maririnig ang iyong reklamong hindi ako marunong manuyo at hindi ko kayang basahin ang nasa isip mo…
napakahirap mong intindihin. ang maliit na pagtatalo’y lumalawig sa napakahabang argumento na wawakasan natin sa iyong paglayo, pagbagsak ng pinto, at hindi pagpapakita ng isang linggo.
hindi ko naging gawain ang pagsasabi ng salitang mahal kita, kaya’t ito’y laging laman ng iyong mga hinanakit. kailan ko nga ba maaaring sabihin na sawa na ako sa iyong mga pagdududa? sa iyong walang hanggang pagseselos? sa iyong pusong nilalamon ng pag aalinlangan at agam agam? kailan?
bakit ba sa tuwing tayo’y nagtatalo, pinaparamdam mo sa akin na ikaw lamang ang may karapatang magalit at sumigaw dahil sa ating dalawa, ako ang salat sa pang unawa?
ngunit hindi kita kayang kalimutan o hayaang tuluyang lumayo sa akin, dahil wala ng tutulad sa malumanay mong mga ngiti, sa mahiyain mong mga tingin, sa mabining haplos ng malambot mong kamay, sa mainit mong yakap, sa napakatamis mong ngiti, sa iyong pagmamahal na hindi kayang arukin ninuman…
babae…
Huhugutin nga ba kitang muli sa aking tadyang…
o itatanim sa aking puso magpakailanman?
buwan
February 25, 2011
…noong bata ako, hangang hanga ako dahil sinusundan ako ng buwan, tapos nainis ako nang malaman kong hindi lang pala ako ang batang kanyang sinusundan, hanggang sa natuklasan ko na hindi pala talaga siya sumusunod sa akin, akala ko lang, dahil hinahabol ko siya ng tingin…
sinta
kolisyon
Noon,
nais kong lampasan ang dilim na pumupuno
sa iyong balat,
ang mga ilog at malilinggit na tubig-talon
sa dalampasigan mong walang alat,
nais kong yapusin hindi lamang ang
naninindak na magdamag,
nais ko sanang tawirin ang kalawakan
sa balintataw mong kumunat
Ngayon,
nais kitang sunduin sa pribado mong
silid,
kung saan ang pintua’y nakatitig sa kawala’t
nakapinid,
nais ko sanang languyin ang inuunanan
mong dagat ng pusikit,
at marahang isayaw ka sa dinuduyanan
mong hilahil at pait.
sa susunod na panahon,
nais ko sanang dalawin ang isipan mong
umaapaw sa pagkalito,
ang bibig mong tinatakasan ng pagpipigil
at paghinto,
ang mga kamay mong mahigpit akong
itinutulak palayo,
upang sana’y maharana ko ang maliw ng
iyong puso.
noong nakaraang gabi,
nais kong sundan ang mga titig mo sa
indayog ng panglaw,
habang ang ngiti sa aking labi’y pilit
mong pinapalitaw,
nasi kong habulin ang halik na hinipan
mo sa hangin,
habang ang mga braso ko’y nakayapos
sa balakang ng iyong paninimdim.
sa nagdaang panahon,
nais kong makadaupang palad ang
kapalaran nating walang takda,
at makipaghalikan sa tumatakas
nating tadhana,
nasi ko sanang sipingan ang paglingap
mong may suhay ng ligaya,
at ang pagtugon mo sa aking halik na
sa ati’y hindi magpapalaya.
sa papalipas na sandali,
nais kong damhin na lamang ang mga
kapit mo sa aking batok,
ang ritmo sa ating mga kaluluwang
umiindak kahit salat sa tugtog,
ang luwalhati sa mabini mong
bulong sa aking pangalan,
lahat ng iyon, sana’y kaya kong
angkinin ng tuluyan.
sa makalawa,
nais kong sisirin ang bawat kanto ng
iyong langit-langitan,
at ang iyong palad na nakasapo sa aking mukha’y
hayaan na lamang,
alisin sa aking isipan ang sandaling
ika’y aking bibitawan,
upang ibalik ka sa mundong iyong
ginagalawan.
bukas,
nais kong pumailanlang sa ibabaw
ng iyong kaluluwa,
lakbayin ang bawat gulugod mo,
mula ulo hanggang paa,
at sa huli’y,
mas nanaisin ko pang maging hangal
na may wasak na pusong patuloy kang
iniibig,
kaysa maging isa lamang nilalang
na hindi kailanman
naging bahagi ng iyong buhay
at nakatanaw lamang sa iyong daigdig…
bagamunda
Oo, marahil nga’y hindi mo magawang
Ilatay ang iyong matutulis na tingin,
Sa puso kong iskwater at lakwatserang
Damdamin,
Siguro nga’y nahihirapan kang itatak
Sa aking sentido,
Ang inadobeng busog na maiinit na halik
Ang siyang nais kong gawin mong punglo,
Masasabi ko din na madali akong mangati
Sa mga haplos mong pinulbo,
At sinisipon ako sa mga paghihintay mo
Sa pasaway kong pangako…
Nang pag-ibig at pagsuyo.
Alam kong ikaw nga’y malapit nang
Mabilad sa bilao ng pagkainip,
Sa matagal kong pag-istambay
Sa kalye’t dooy naidlip,
Alam ko ding malapit ka nang
Mapugto sa nakakahon kong pagkakiyeme,
Sa pagtatapat kong kinakain ng
Corrupted na sistema nang pagkatorpe,
Pagkatorpe’t kahihiyan.
Takot kasi akong masaktan.
Marahil totoong mahirap paibigin
Ang katulad kong hangal na makata,
Na nagtatago sa likod nang nakapiring
Kong mga tula,
Dahil doon lamang ako humuhugot ng
Lakas at pagkagutom,
Sa puso kong sa bisyo’y nakabilanggo’t
Nakabaon,
Nakabaon at nakakubli,
Ngunit alam mo bang hindi ako mapakali?
Siguro nga’y hindi mo afford ang layaw
Ng utak kong nagmamarakulyo,
Ang talento kong inispoiled ng buong mundo
sa komentong, “Ang galing galing mo!”
Ngunit ang yabang ko’y dagling nawawala’t
Naglalaho,
Ang daldal ko’y napipi sa tuwing ikaw ay
Kaharap ko,
Hindi lamang sa iyong ganda ako nabighani,
Kundi sa tapang na ipinadarama mo sa akin
Sa bawat sandali.
Marahil nga’y mahirap patigilin ang katulad
Kong adik sa argumento,
Isang pulpol na pantas na mahilig ikritiko
Ang buhok mo’t suso,
Ngunit mas nanaisin ko na lamang tumahimik
Sa isang sulok ng ating daigdig,
At pagmasdan ka habang ang aking depensa’y
Marahan mong pinupunit.
Siguro nga’y nagsasawa ka nang madinig
Ang mga kabaliwan kong litanya,
Katulad ng, “Nais kong ibigin ka sapagkat
Ikaw ang aking musa…”
Marahil ay naiinip ka nang dugtungan ko
Ang mga hinurnong metapora,
Na hinihipan ko lamang sa hangin at
Hinihiling na ito’y kusa mong madama.
Ngunit sa dinami dami nang naisulat na salita,
Nais kong sambiting, Ikaw ang aking ligaya…
Marahil nga’y kay hirap bitagin ang puso kong
Isang alibughang alamid,
Sapagkat ako’y huhugalpos sa hawak mo’t
Dudulas ng mabilis,
At muling magnanais gumala sa kalsadang
Pakawala,
O maglunoy sa ilog ng iba’t magkukunwaring
Ako’y Malaya.
Ngunit ako’y isa na lamang bilanggo,
Dito sa seldang pinapanghi ng mga
Madungis na pagsuyo.
Ikaw…
Ang aking musa.
Alam mo ba?
Siguro nga’y hindi madaling paaminin
Ang kawangis kong lunatikang mangingibig,
At ang kriminal na tulad ko’y hindi papahuli
Ng buhay sa nanlalapnos na init,
Ngunit kung isang embalsamadong pagtingin
Ang sa iyo’y aking ihahain,
Ako kaya’y pakikinggan mo pa’t ako ba’y
Iyong tatanggapin?
Mahal—-
Mahal ang bisyong inuumang sa akin ng
Pag-ibig,
Sa patay gutom kong mundo’y mayroon
Pa ba akong maisisilid,
Sa butas na bulsa ng puso kong madalas
Na magipit,
Handa na nga ba akong muling kumayod
Upang sa gutom ay may maipantawid?
Marahil,
Siguro,
Oo…
?
Ikaw ang aking musa,
Kailangan ko bang ito’y ulit-ulitin pa?
Siguro nga’y kay hirap pisilin ang namamaga
Kong kukote’t pag-iisip,
Dahil sa sandaling makanti ito’y agad
Itong sumasakit,
Ngunit gaano man kahalang ang bituka ng
Damdamin ko’t kaluluwa,
Ako’y isa lamang na nilalang na hindi
Manhid sa sidhi ng aking pagsinta.
Oo,
Ikaw ang aking ligaya’t aking musa,
Kahit na sabihing hindi ka nababagay sa
Tulad kong bagamunda,
Ngunit ikaw pa din ay aking hahayaan,
Na ako’y kilalanin at paibigin ng walang hanggan, ↲
Daanin mo man ito sa lambing o sa dahas, ↲
maaari mong patinuin ang pagsuyong pangahas,
Pasukuin mo ang kasuluk-sulukan ng aking
Puso’t utak,
dahil ang damit ng mga lugar na iyon lamang
Ang hindi nila nagawang mahubad…
vale dicere
January 30, 2011
ang sabi mo’y subukan nating muli, baka sa pagkakataong ito’y makahabol tayo sa papaalis na tren. baka sa pagkakataong ito’y tumama na tayo at tuluyan ng bumaon ang palaso ng pag-ibig sa ating pinapangarap na pag-ibig. ang sabi mo’y huwag akong matakot sa pagmamahal, huwag akong matakot sa katotohanan, huwag akong matakot mangarap na baka sakali, na baka matupad din ang lahat ng hiling…
ang sabi mo’y panghawakan ko ang alaala ng mga nagdaang halik, ang alaala ng mga yakap, ang alaala ng isang gabing pagtatalik, isang gabing hindi na kailanman masusundan pa. ang sabi mo’y huwag akong bumitaw sa kakapiranggot na pag-asang pinanghahawakan ko.
hindi, hindi ito kailanman mangyayari. tama na ang pagkukunwari, ang pagsisinungaling, dahil tapos na ang isang pahina ng pagtitinginang hanggang duon na lamang. kailangan ng wakasan.
huwag mo ng ipaalala sa akin ang tamis ng kanyang mga ngiti, ang lambot ng kanyang labi, ang higpit ng kanyang mga hawak. huwag na. dinudurog mo lamang lalo ang iyong sarili. hindi ka ba napapagod? ako, pagod na. pagod na akong masaktan.
ang paulit-ulit na masaktan sa magkakaibang panahon, sa magkakaibang batayan, sa magkakaibang dahilan, sa magkakaibang patakaran ngunit ang sakit ay nagmumula sa iisang babae lamang.
Hindi ka ba nagsasawang alalahanin ang lahat lahat? Hindi na iyon mauulit… hindi na.
Bumitaw ka na. Parang awa mo na.
Inubos ko na ang lahat ng lakas ko para lamang bumitaw. bitawan ang lahat ng pagtingin at pagsinta. inubos ko na ang lahat ng kataga, para lamang masabi kong, tama na, ayoko na…
Ngayon ay natagpuan ko ang lakas ng loob upang lumayo, lumayo at huwag nang bumalik… ngunit bakit mo ako pinipigilan.
Kailangan na natin siyang bitawan dahil kahit kaila’y hinding hindi siya magpapahawak sa akin at hindi ka niya kailanman aangkinin.
mas masasaktan lamang tayo kung mananatili ako sa estadong hindi ko na lubusang tinatanggap, kung saa’y nawawala na sa akin ang lahat.
Tulungan mo akong magpaalam sa kanya…
sa sandaling tatalikuran ko siya’y kailangan mong magpakatatag, kailangan mong iwaksi ang ligayang minsan niyang sa ati’y pinalasap…
kahit na gaano kasakit, kahit na gaano kapait, kahit na kay saklap at kay hirap tanggapin na sa ganito kalungkot na paraan magwawakas ang isang pag-ibig na kay tagal nating inalagaan, kailangan na natin siyang kalimutan.
alam kong mahirap para sa iyo,
ngunit kailangan nating gawin ito…
Ngayon lang maging malakas ka, kahit ngayon lang maging matatag ka, huwag mo na sanang baguhin ang aking pasya, ako sa iyo ngayo’y nagmamakaawa, Oh puso, hayaan mo nalamang akong limutin siya…
+ ang paglimot ay isang kay habang proseso ng pag-unlad, at sa bawat baitang ng prosesong ito’y hindi natin maiiwasan ang muli’t muling masugatan +
Kelly Clarkson - All I Ever Wanted 06 Already Gone(1) (Kelly Clarkson)





