Ang BABAENG hinugot ko sa aking pakpak..
ang seldang gawa ng iyong kariktan,
na akin ngayong kinasasadlakan,
ay hindi kayang buwagin ng unos,
at tunawin ng perpektong kirot
Love, Mary Lauren
August 25, 2011To: starbathe@yahoo.com
Cc:
Subject: ordinary life
May 22, 2000
Claire,
Kumusta ka na?
Alam mo ba, hanggang ngayon masama pa din ang loob ko sa’yo. Bigla ka kasing umalis, hindi mo man lang hinintay ang kasal namin ni Rico. Ikaw pa naman sana ang Maid of honor ko, kaso, ewan ko ba s’yo, pagkalipas ng dalawang linggo mula nang ibalita ko s’yo na ikakasal na kami ni Rico, bigla ko na lang nalaman na nasa pinas ka na ulit. You’re so unfair Claire. Hindi mo man lang nabanggit sa akin ang tungkol sa mga plano mo, hindi ka man lang nagsabi, hindi ka man lang nagpaalam sa akin. Pakiramdam ko tuloy, binalewala mo ang ilang taon na pinagsamahan natin, parang binalewala mo ang pagkakaibigan natin. Natagalan tuloy bago kita in-email.
Sabik na ‘ko na makita ka Claire, halos dalawang taon na din t’yong ‘di nagkikita at nagkakausap… bigay mo nga sa ‘kin number mo para matawagan naman kita ‘pag may time.
Sana naman may lovelife ka na ngayon. Balitaan mo ‘ko.
Hindi ako nakalimot kahit minsan Claire. Ikaw pa rin ang bestfriend ko.
Take care.
Love,
Mary Lauren
To: marylaurenesguerracordero@yahoo.com
Cc:
Subject: Re-ordinary life
May 30, 2000
Lauren,
I’m doing well. I’m perfect. How about you? How’s Rico?
Sorry kung hindi na kita nasabihan, biglaan din kasi ang pag-uwi ko. Isa pa, alam mo naman na I hate goodbyes lalo na kung s’yo ako magpapaalam. Huwag mo ng itanong kung ano ang mga dahilan ko bakit bigla akong umuwi ng pinas, masyadong personal at ayokong pag-usapan ‘to. Babawi na lang ako s’yo ‘pag nagkita na tayo ulit.
Kumusta na ang New York? Naaalala mo ba dati, noong high school pa lang t’yo, ang bababaw ng pangarap natin n’un ‘di ba? Ngayon bigatin na, nag matured na nga talaga t’yo.
Kahapon, pumunta kami ng San Agustin. Nag volunteer ako d’un, nagbigay kami ng health services sa mga barrio. Alam mo ba, ang gaan gaan ng pakiramdam ko pag-uwi namin sa Manila, iyon ang pangarap ko Lauren, iyon pa din pala ang pangarap ko, hindi nagbago.
Hindi ako nagbago Lauren…
Kumusta na ang married life mo? May anak na ba k’yo ni Rico? Wala pa din akong love life, I don’t have time for that, wala ‘din akong lakas ng loob na sundin ang kapritso ng puso ko, mahirap na, baka kung saan pa mapunta…
Ihalik mo ako sa iyong kamay.
Claire
To: starbathe@yahoo.com
Cc:
Subject: Re-ordinary life
June 7, 2000
Claire,
Masaya ako para sa’yo, pero mas Masaya sana kung magkasama t’yo at saksi natin ang isa’t-isa sa katuparan ng lahat.
I will respect your decision Claire, kung ayaw mong pag-usapan ang mga dahilan mo, okay lang. Sanay naman na ako sa iyo, kahit noon pa man, masyado kang malihim, maraming bagay kang hindi pinapaliwanag sa akin. Pero naiintindihan kita Claire, h’wag kang mag-alala.
Kami ni Rico? We’re okay. Ganoon pa din s’ya, mabait pa din s’ya, gentleman, galante, pasensiyoso at very understanding, katulad noong college days natin sa Uste. Para pa rin n’ya akong nililigawan, minsan nga pakiramdam ko, teenager ako na kinikilig kasi nag Hi sa kanya ‘yung ultimate crush n’ya. Nakakaloka ‘no?
Sana naman Claire, matagpuan mo na ang Mr. Right mo, iyong mas matalino, mas matapang at mas magaling s’yo. Gusto ko na din kasing Makita na ikinakasal ka, nakasuot ng puti, nasa simbahan at pinalilibutan ng mga bulaklak, siguradong napakaganda mo Claire, at naroon ako, umasa ka na kahit anong mangyari, naroon ako sa tabi mo para sa iyo. Umasa ka Claire.
Darating ang araw na magkakasamang muli t’yo, at siguradong iiyak na naman ako at pagtatawanan mo na naman ako. Naaalala mo noon, n’ung nagbakasyon ka sa Iligan after nang high school graduation natin? Halos isang buwan kitang hindi nakita at nang magkita t’yong muli, umiyak ako nang umiyak, ikaw naman, tumawa ka nang tumawa.
Miss na miss na kita Claire.
Gusto na kita Makita…
Love,
Mary Lauren
To: marylaurenesguerracordero@yahoo.com
Cc:
Subject: Re-ordinary life
June 16, 2000
Lauren,
Para ka pa ring bata, nakakatuwa ka talaga. Hayaan mo, ‘pag nagkita t’yong muli, hindi na ‘ko tatawa, ngingitian na lang kita kahit na umiyak ka pa nang umiyak.
Buti naman, maayos ang pagsasama n’yo ni Rico, ang sabi ko kasi sa kanya noon, kapag pinaiyak ka n’ya at sinaktan, kukunin kita sa kanya at hinding hindi na kita ibibigay ulit.
Ang gusto ko Lauren, palagi kang Masaya, kapag Masaya ka, Masaya na din ako.
Miyembro na nga pala ako ng isang NGO ngayon. Noong isang araw, nagpunta kami sa Marasiga. Probinsiya iyon, maraming palayan, mabundok, tahimik. Pero magulo doon Lauren, ilang magsasaka na ang natagpuang patay na may busal na putik sa bibig. Pinahirapan bago ibinigti sa puno, ang iba naman ay pinugutan ng ulo. Nakakatakot pero hindi ako nasisindak, gusto ko silang tulungan, gusto kong lumaban para sa kanila.
Nakakaawa ang kalagayan nila, Pilit na inaari ang lupang sinasaka nila ng isang mayamang politiko para tayuan ng commercial building, pero hindi sila pumayag, ang iba sa kanila, sapilitang kinuhaan ng lupa, ginawan ng malaking pagkakautang sa bangko, ginigipit sila, sinasaktan, ninanakawan, tinatakot.
Sa susunod na linggo’y babalik kami sa Marasiga, magkakaroon kami ng Educational at Feeding Program doon. Maraming bata kasi ang malnourished kaya’t magbibigay kami ng libreng check-up at gamot sa kanila.
Iyon ang bahagi ng mundong hindi natin nakita Lauren, dahil masyado t’yong umibig sa buhay nating masagana, hindi natin naitanong sa ‘ting mga sarili kung pa’no naman kaya ang buhay ng mga taong hindi pinagpala.
Lauren, Isa t’yo sa mga ‘di pinagpala dahil salat t’yo sa kaalaman at mangmang t’yo sa tunay na kahulugan ng buhay at pag-ibig.
Ikaw at ako.
Claire
To: starbathe@yahoo.com
Cc:
Subject: Re-ordinary life
July 5, 2000
Claire,
Tama ka, nahihiya tuloy ako sa sarili ko dahil sa mga sinabi mo. Pero natatakot ako Claire, hindi ko alam kung bakit, basta, mag-iingat ka.
Matagal akong ‘di nakasagot sa email mo dahil na confine ako sa Hospital. Bigla kasi akong dinugo ng hindi ko alam kung bakit. Nakunan ako Claire, mag-iisang buwan na pala akong buntis, hindi ko alam, naturingan pa naman akong nurse pero hindi ko man lang naalagaan ang first baby ko sana…
Iyak ako nang iyak. Ang sabi ni Rico, gagawa na lang ulit kami, pero hindi ako kumibo. Buong araw ko s’yang hindi kinausap. Alam mo Claire na ang magkaanak ang isa sa mga pangarap ko, pero bigla akong natakot na magbuntis muli, hindi ko alam pero napuno ng pangamba ang puso ko..
Namatayan kami ng pasyente kanina, Batang babae, half-american, half-filipino. Walong taon lang s’ya Claire, Bone cancer. Maraming beses na akong nakakita ng namatay na pasyente, pero ngayon lang ako nakadama ng ganitong klaseng kalungkutan. Naikabit ko tuloy ito sa buhay namin ni Rico… kapwa kami mga magulang na namatayan ng anak. Ang bigat sa pakiramdam. Para akong nalulunod, tapos wala akong makapitan, hindi ko makapitan si Rico, dahil pati s’ya, hindi kayang lumangoy sa malikot na alon ng buhay. Pareho kaming nalulunod.
Sana nandito ka Claire, Sana…
Love,
Mary Lauren
To: marylaurenesguerracordero@yahoo.com
Cc:
Subject: Re-ordinary life
July 13, 2000
Lauren,
Kumusta ka na? nag-alala ako bigla s’yo… Kumusta na ang pakiramdam mo?
Araw araw, namamatayan ang mundo, araw araw t’yong nalalagasan, araw araw, may ibinuburol, may inililibing, pero araw araw, may mga Inang nagluluwal ng isang sanggol.
Walang sinasanto ang lupit Lauren, walang exemption, walang makakaligtas…
Tatlong batang babae ang namatay habang naglalaro sa kakahuyan. Tatlong mga walang muwang na kaluluwa ang haharap sa Diyos at magtatanong ng bakit…
Tatlong inosenteng katawan ang binaunan ng bala sa katawan, ano bang laban nila? Anong kasalanan nila? Tatlong Ina ang nakita kong tumangis habang yakap nila ang duguang katawan ng kanilang mga anak, at ang puso ko’y kasama nilang tumangis.
Lumuwas kami ng Maynila ng mga kasamahan ko upang humingi ng tulong, upang bigyang katarungan ang pagkamatay nila, ngunit bigo kami. Isinisi sa mga rebelde ang kanilang pagkamatay, ngunit hindi sila ang pumatay, dahil isa sa mga Ama ng namatay na bata’y isang rebelde, isang ama na inagawan ng lupa, isang ama na walang ibang hinangad kundi ang bigyan ng maginhawang buhay ang kanyang anak, isang ama na namundok upang doon humanap ng kasagutan sa kanyang mga tanong.
Napatunayan na ang bala ng armalite na kumitil sa mga bata’y nagmula sa armalite ng mga sundalo, ngunit walang nangyari Lauren. Wala.
Lauren, sa bawat paghihirap at pagluluksang nasaksihan ko’y kasama kita, dahil narito ka sa aking puso’t isipan, habangbuhay. Kung magkikita t’yong muli’y nais kong hawakan mo ang aking kamay, hindi mo na kailangang magsalita, ang mabining pisil ay sapat na upang maramdaman ko na sa mundong puno ng lupit at sakit, nariyan ka, ang aking pahingahan, ang aking kapayapaan.
Ikaw Lauren,
Tanging ikaw.
Claire
To: starbathe@yahoo.com
Cc:
Subject: Re-ordinary life
July 15, 2000
Claire,
Nag-away kami ni Rico, mula nang makunan ako at malaman naming malabo na ‘kong magkaanak pa’y bigla s’yang nag-iba. Biglang nawala ang mga katangiang nagustuhan ko sa kanya, bigla siyang naglaho. Hindi ko na kilala ang Ricong kasama ko at katabi ko sa higaan, isa na s’yang Rico na estranghero at walang pakiramdam.
Nasasaktan ako Claire, ano nga ba ang dapat kong gawin para sagipin ang aming relasyon?
Araw-araw kaming nag-aaway. Nakakasawa. Nakakapagod. Lahat ng masasakit na salita’y sinabi na namin sa isa’t-isa. Lahat lahat ng mga pangako at masasayang alaalang pinagsaluhan namin noon ay nawalan na ng saysay. Nauwi sa malaking kawalan. Parang ang relasyon namin ay isa lang malaking kasinungalingan.
Sana nga Claire, dumating na ang araw na muli t’yong magkita, muli kong mahawakan ang iyong kamay, simula noon hanggang ngayon, sa iyo lamang ako humuhugot ng lakas.
Love,
Mary Lauren
PS.
Malupit ang tadhana Claire…
To: marylaurenesguerracordero@yahoo.com
Cc:
Subject: Re-ordinary life
August 3, 2000
Lauren,
Masaya ako na narinig ko ang boses mo kagabi, halos dalawang taon na pala, dalawang taon na malayo tayo sa isa’t isa.
Sa kabila ng mga dinadanas kong pangungulila dito, para akong muling dinaluyan ng dugo, para akong muling hinagkan ng hangin.
Wala akong i-kinuwento s’yo kagabi dahil ayokong masira ang napakagandang sandal nating dalawa. Alam ko kasi na pawang kalungkutan lamang ang laman ng mga kwento ko… wala ng ibang istorya, iyon lamang.
Sa loob ng ilang taong pagta-trabaho ko bilang Nurse diyan sa States at dito sa Pinas, noong linggo ng gabi lamang ako nakakita ng kay raming dugo at wala kaming nagawa upang sagipin ang kanilang buhay.
Naglalakad kami, kasama ng mga magsasaka at kani kanilang mga pamilya patungo sana sa masayang pagdiriwang ng kaarawan ng isa nilang kasamai nang makarinig kami ng putukan mula sa itaas. Nagsitakbuhan kaming lahat, ngunit marami sa amin ang hindi nakaligtas. Nang humupa ang putuka’y tumambad sa amin ang mga duguang katawan, pinilit naming isinalba ang buhay ng ilan ngunit namatay sila sa aking mga kamay. Tatlo sa kasama naming mga volunteers ang namatay, isang guro, isang doctor at isang estudyante.
Ilang pagkawala pa ba ang dapat kong masaksihan? Ilan pa nga ba?
Hindi tadhana ang malupit Lauren, t’yo ang malupit.
Parang pag-ibig, hindi pag-ibig ang nananakit sa atin kundi ang mga taong minamahal natin. Iisa lang ang ibig sabihin ng pag-ibig, kaligayahan lamang ang kahulugan nito. Hindi ito maaaring maging sakit, pait at pagkabigo. Hindi kayang manakit ng pag-ibig.
Iyon ang kulang sa mundo natin Lauren, pag-ibig. Iyon ang kailangan natin. Iyon ang kailangan ko, iyon ang kailangan mo.
At isang araw…
Ang pangangailangan natin ay magtatagpo.
Maaari,
O baka hindi.
Claire
To: starbathe@yahoo.com
Cc:
Subject: Re-ordinary life
August 5, 2000
Claire,
Nagfile na ‘ko ng divorce. Totoo nga, maghihiwalay na kami. Parang napakadaling bumitaw, parang napakadaling lumimot. Siguro, dahil hindi ganoon katatag ang pundasyon ng aming relasyon, ngunit alam ko na totoo ang pagmamahal namin noon sa isa’t-isa, iyon nga lang, ang kaperpektuhan nito’y hindi permanente.
Muli kong nadarama ang takot Claire, alam kong mahalaga para s’yo ang mga pinaglalaban mo, nauunawaan ko iyon, ngunit habang tumatagal ay nagiging mapanganib ang sitwasyon, natatakot ako para sa kaligtasan mo.
Ayokong isipin na may mangyayari s’yong masama, nasasaktan ako.
Habang tumatagal, lalo kong nadarama ang pangungulila ko s’yo.
Claire…
Sana muli na kitang makita.
Love,
Mary Lauren
To: marylaurenesguerracordero@yahoo.com
Cc:
Subject: Re-ordinary life
August 20, 2000
Lauren,
Kapag nagkita t’yong muli, kukunin na kita at hindi na kita ipamimigay kahit kanino…
Ngunit hindi pa ito ang tamang panahon Lauren. Subalit darating ang oras na iyon, hindi magtatagal at muli t’yong magkikita at magkakasama, malapit na Lauren, hintayin mo sana… makapaghintay ka sana…
Claire
PS.
Hindi lahat ng perpekto ay totoo.
To: starbathe@yahoo.com
Cc:
Subject: Re-ordinary life
September 7, 2000
Claire,
Marami akong gustong itanong s’yo pero hindi ko alam kung saan ako mag-uumpisa.
Siguro kapag nagkita na tayo, doon ko na lamang itatanong s’yo ang lahat lahat.
Napakaiksi ng mensahe mo, ngunit napakaraming nais ipakahulugan.
Palagi kitang hinahanap hanap, sana’y alam mo iyon Claire.
Love,
Mary Lauren
To: marylaurenesguerracordero@yahoo.com
Cc:
Subject: Re-ordinary life
September 24, 2000
Lauren,
In this world… … … … … to the arms unfold… …
I will be… … … … … …with such bravery… …
you are my… …, … and the sunlight dance…
we will be in… … …
… … … … … together, forever…
you… … … … over the moonlit… …
in the october sky… … … … …
… … … … … … my woman… …
and everything seem to… … … … … …
how i long to… … … … … … … happy,
yes,… … …
… … … …, maybe we… … …
something that is so… … … … … …,
and the stars will fall… … … … … …
someday,
somehow… … … … … … …, … … …
… … … … … … … … … … … …
if only… … …
Claire
PS.
Gaano kahalaga ang tuldok?
Kasing halaga mo.
To: starbathe@yahoo.com
Cc:
Subject: Re-ordinary life
September 27, 2000
Claire,
Ilang gabi kong pilit pinunan ang mga nakabitin mong salita, ngunit hindi ko magawa.
Bakit hindi mo sinasagot ang tawag ko? May dinaramdam ka ba Claire?
Nais kong malaman ang mga sikretong itinatago ng iyong isipan at ng iyong puso.
Claire…
Love,
Mary Lauren
To: marylaurenesguerracordero@yahoo.com
Cc:
Subject: my last demise
September 30, 2000
Lauren,
Bukas, babalik kaming muli sa Marasiga, inilapit na namin sa Media ang mga nangyayaring patayan doon, ilang diplomatic groups at NGO’s na din ang nakipag-ugnayan sa amin at nag offer ng tulong.
Lauren, nadarama ko na ang ating nalalapit na pagkikita, ngunit ito’y may kalakip na kalungkutang hindi ko kayang ipaliwanag.
Ano’t ano man ang mangyari’y wala nang tutumbas pa sa iyo at sa aking nadarama.
Ayokong magpaalam, simula noon, tuwing nagkakalayo t’yo, alam mong kinamumuhian ko ang salitang goodbye, kaya kahit kalian, hindi mo iyon maririnig sa akin, kahit na dumating pa ang araw na hindi na t’yo magkita, sa ganoong paraan, hinding hindi mo iisipin ang aking pagkawala, hindi mo madarama ang ating pagkakalayo.
Hanggang sa muli, Mary Lauren.
Claire
PS.
Minahal na kita mula pa noon,
Higit sa kapatid, higit pa sa isang kaibigan.
Mahal kita.
To: starbathe@yahoo.com
Cc:
Subject: Re-final demise
August 13, 2001
Claire,
Ngayon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob na sagutin ang email mo sa akin, isa kasi akong malaking duwag.
Naaalala mo ba noon Claire? Lagi mo akong inaaway noong elementary t’yo. Binabali mo at kinukuha ang mga crayons ko, sinasabunutan mo ang pigtail ko, sinusulatan mo ang uniform ko at kinakain mo ang baon ko, tapos minsan itinatapon mo ang lunch box ko o kaya ang knapsack ko sa basurahan. Pero kahit na ganoon ka, gustong gusto pa din kitang maging kaibigan, kaso nawalan t’yo ng chance dahil bigla kang nag transfer sa ibang school pagkatapos mo akong itulak sa swing at pumutok ang kilay ko. Natatawa ako kapag naaalala ko iyon, kasi ‘di ba nang naging magkaklase ulit t’yo sa St. Marys nung high school na t’yo, gulat na gulat ka, tapos bigla, dinikitan mo na ako at naging bestfriends forever na t’yo. Ikaw ang naging tagapagtanggol ko sa lahat ng umaaway sa akin, hanggang college, ayaw na nating maghiwalay. Pareho t’yo ng kursong kinuha, pareho din t’yo ng University na pinasukan, kasi para sa atin, soul sisters t’yo. Hindi ba, ikaw ang nagpakilala sa akin kay Rico, sabi mo, si Rico lang ang bagay sa akin.
Alam mo ba Claire, napakasaya ko nang sabay t’yong nagreview sa Baguio para sa Board Exam? Roommates t’yo, sabay t’yong kumakain, pumapasok, natutulog at minsan, sabay din t’yong naliligo. Hanggang sa pagpunta natin ng States magkakasama t’yo, pati si Rico. Pero biglang naputol ang lahat nang magpakasal kami ni Rico at bigla kang bumalik ng Pilipinas.
Claire, sana noon ko pa sinabi…
May sikreto akong sasabihin s’yo. Naaalala mo ba noong huling gabi natin sa Baguio? Magkatabi t’yong natulog ‘di ba? Akala mo tulog na ako, pero ang totoo, hindi ako makatulog. Kasi hindi ako mapakali sa nararamdaman ko, lalo na nang yakapin mo ako palapit s’yo. Damang dama ko ang paghinga mo, amoy na amoy ko ang kabuuan mo, at hindi ako makatulog. Tapos, naramdaman ko ang labi mo sa aking noo, sa aking mata, sa aking ilong, sa aking labi. Tumalon ang puso ko nang mga oras na ‘yun Claire… hiniling ko na sana, tumigil na ang mundo sa pag-ikot at manatili na lamang t’yong ganoon. Magkatabi. Magkasama.
Claire, bakit nga ba?
Binabalik balikan ko ang huli nating pagkikita sa New York. Bigla kang dumating sa apartment ko. Nakatayo ka lang sa labas ng pintuan at nakangiti sa akin. Hindi ka pumasok, hindi ko alam kung bakit. Saglit mo akong niyakap at binulungan ng “Congrats”, pagkatapos, umalis ka na…
Masakit Claire, iyong napakarami kong nais sabihin s’yo nang gabing iyon pero hindi ko nasabi at wala akong ibang nagawa kundi panoorin ang pag-alis mo. Hindi ko man lamang nalaman na iyon na ang huling beses na makikita kita.
Ibibigay ko ang lahat Claire, kapalit lang ng mga salitang itinago ko dito sa puso ko na hindi ko kailanman naipagtapat s’yo.
Kinakabahan ako sa muli nating pagkikita, alam ko kasi na magmimistula na naman akong bata sa harapan mo, iiyak na naman ako Claire at hindi ko iyon kayang pigilan.
Inaasahan ko na Makita kang nakasuot ng puti, nasa simbahan, nakahimlay sa altar, napakaraming bulaklak sa paligid mo at alam kong napakaganda mo pa din Claire, at katulad nang ipinangako ko s’yo, naroon ako, para sa iyo.
Claire…
Tinawagan ako ng Mommy mo noong isang araw at sa kanya ko nalaman ang lahat. Ang sabi ko, hindi ‘yun p’wedeng mangyari, ngunit hindi panaginip ang lahat, totoo Claire.
Nasa Health Center k’yo ng Marasiga, naghahanda na sana k’yo sa pagluwas ninyo sa Manila ngunit pasakay na k’yo sa Service Van ng may humintong apat na motorsiklo at pinaulanan k’yo ng bala…
Tama ka Claire, malapit na t’yong magkita, uuwi na ako bukas, babalik na ako sa piling mo, upang hawakan ang iyong kamay, upang ipadama sa iyo na sa mundong puno ng lupit at sakit, narito ako, ang iyong pahingahan, ang iyong kapayapaan at sa ating muling pagtatagpo, muli kong aaninawin ang kaamuhan ng iyong mukha, alam kong iiyak ako Claire, sa ating nalalapit na pagkikita’y iiyak ako nang iiyak at habangbuhay kong hihintayin ang katuparan ng iyong pangako na ako’y iyong ngingitian…
Claire,
Mahal kita.
Love,
Mary Lauren
Rascal Flatts - What Hurts the Most(good version) (Rascal Flatts)
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.




