Ang BABAENG hinugot ko sa aking pakpak..
ang seldang gawa ng iyong kariktan,
na akin ngayong kinasasadlakan,
ay hindi kayang buwagin ng unos,
at tunawin ng perpektong kirot
Sakyubus
August 22, 2011Sakyubus
Hindi ko alam kung paano ito nagsimula. Siguro sa panaginip, siguro kasabay ko itong lumalaki at naging isang ganap na dalaga. Hindi ko alam at ayoko nang alamin pa. Natuklasan ko ito sa mismong araw ng ika-labing walong kaarawan ko. Habang kasayaw ko si Daddy, habang tumutugtog siya ng Piano, habang nakatitig ako sa kanya.
Ipinikit ko ang aking mga mata at unti unting umigkas ang aking kaluluwa. Paangat at saglit itong lumipad lipad sa mataas na ceiling at naglambitin sa makikinang na chandelier, at nang muli itong nalaglag papasok sa aking katawa’y nakaramdam ako ng napakatinding ginhawa.
Ang pangalan niya ay Laila. Iyon ang unang pagkakataong nakilala ko siya, iyon din ang unang pagkakataong pumailanlang ako at lumipad sa kay lakas na pwersa ng hanging tinawag kong, Pag-ibig.
Nang matapos ang kasiyahan ay buong gabi akong nakahiga lamang sa aking kama. Nakatitig sa kisameng may mga nakasabit na butterfly. Iba’t ibang kulay ng butterfly, pumikit ako’t sinubukang muling pumailanlang, ngunit nabigo ako. Nanatiling nakahimlay ang aking kaluluwa sa aking katawan. Payapa.
Inalala ko ang bawat galaw ng kanyang katawan, habang nakikipagsayaw siya ng waltz kay Daddy, ang init ng kanyang palad nang ipakilala siya sa akin ni Mommy, ang ngiti sa kanyang mukha nang magtama ang aming mga mata sa unang pagkakataon, ang pagkilos ng kanyang labi nang banggitin niya ang aking pangalan. Ang kaliit-liitang detalye sa kanyang katawan.
Tumayo ako’t naupo sa study table. Binuksan ko ang lampshade at nagsimula akong magsulat sa aking Diary na kahit minsa’y hindi ko pa nasulatan.
…lumipad ako’t dinalaw ko siya. Dala ang aking tula. Nakita ko siyang nakahiga sa kanyang kama at mahimbing na natutulog. Umupo ako sa gilid ng kanyang kama at hinaplos ko ang kanyang buhok. Walang sawa kong tinitigan ang kanyang mukha. Napakaganda niya. Kamangha mangha ang kanyang ganda. Hinagkan ko ang kanyang noo at pabulong kong binasa sa kanya ang aking tula…
Tinitigan ko ang mga itim na titik sa pahina ng aking diary. Hinaplos ito ng aking kamay at muli kong ipinikit ang aking mga mata. Kailangan kong umigkas. Kailangan kong lumipad, at nang idinilat kong muli ang aking mga mata’y nakita ko ang pagkilos ng mga titik. Unti unti silang kumawala sa papel at umangat sa aking harapan hanggang sa ang mga ito’y naging maliliit na paro paro…
At nadinig ko ang paglagutok ng aking buto sa likod. Napaliyad ako dahil sa parang may nais kumawala mula dito. Tumayo ako at humarap sa salamin at doo’y nasaksihan ko ang unti unting pag-alpas ng isang pakpak na kawangis ng sa isang Mariposa sa aking likod at ito’y lumaki ng lumaki hanggang sa sakupin na nito ang buong repleksyon ko sa salamin. Hinubad ko ang aking nightgown at ang balat ko’y nagkulay berde at pula at dilaw. Napakaganda. Nang ilibot ko ang aking paningin sa kabuuan ng aking silid ay naroroon pa din ang mga maliliit na paro paro, wari ba’y naghihintay sa akin at kami’y magkakasamang lumipad sa dilim ng gabi.
Kinaumagahan ay nakita ko si Laila na nakaupo sa labas ng gate namin. Mabilis siyang tumayo nang makita ako.
“Maggie…” pasimula niya. Nanatiling nakabuka ang bibig niya ngunit wala ng ibang salita pa ang nanulas mula dito. Napansin kong nangangalumata siya at puno ng kalituhan ang maganda niyang mukha.
“Bakit?”
“Napanaginipan kita kagabi.” Sambit niya sa mahinang tinig. Hindi ako kumibo. “Basahan mo ako ng tula…” hinawakan niya ang kamay ko, wari bang nakikiusap. Nginitian ko siya at umiling iling.
“Hindi ako mahilig sa tula.”
Malungkot siyang napayuko at pagkaraan ng isang malalim na buntong hininga’y nagpaalam na siya sa akin.
“Mamayang gabi… muli kitang dadalawin.” Ang mahina kong bulong sa aking sarili.
Halos gabi gabi’y ganoon ang ginagawa ko. Sa tuwing nadadatnan ko siyang gising ay nananatili lamang ako sa labas ng kanyang bintana, at kapag siya’y himbing na sa kanyang pagtulog ay doon ko lamang siya papasukin upang paulit-ulit na mahalin. Naging isa itong mahalagang bagay na pinagmumulan ng aking kaligayahan. Tuwing gabi’y nagsusulat ako sa aking Diary, at ang mga titik ay nagiging paro paro at ako’y tinutubuan ng pakpak ng isang mariposa at kami’y lilipad, upang muling dalawin si Laila, upang muli siyang pagmasdan, upang muli siyang basahan ng tula habang siya’y nahihimbing.
Bibihira ko lamang makita si Laila, tuwing dumadalaw ang kanyang mga Magulang sa ami’y doon lamang ako nagkakaroon ng pagkakataon na makita siya nang hindi ko na kinakailangan pang lumipad. Ngunit hindi ko siya nilalapitan o kinakausap man lang, nanatili akong nakakubli sa malayo, kung saan ay malaya ko siyang mapagmasdan nang hindi niya nalalaman.
Hanggang sa nagtapos ang bakasyon at sa unang araw ng pasuka’y napag-alaman kong sa iisang Unibersidad kami mag-aaral. Magkahalong pananabik, alinlangan at takot ang nadarama ko, ngunit hindi niya ito kailangang mahalata, hindi niya ito kailangang malaman. Sapat na sa akin ang aking ginagawang paglipad tuwing gabi patungo sa kanyang silid, upang muli siyang dalawin, upang muli siyang suyuin.
Ngunit dumating ang isang mapanuksong gabi. Dahil nang dalawin ko si Laila nang gabing iyon ay wala siya sa kanyang kama. Agad akong nakadama ng takot at pagkabahala. Nasaan na siya? Ang tanong ng aking puso…
Nanatili kami sa kanyang bintana. Naghintay. Nag-abang hanggang sa lumabas siya mula sa loob ng Comfort Room. Nakatapi lamang siya ng tuwalya. Nang tanggalin niya ang tuwalya na nakabalot sa kanyang katawa’y nais kong mag-iwas ng tingin, ngunit para akong nabalani sa aking nakikita. Ang magandang hubog ng kanyang katawan. Ang bawat kurba nito…
Naramdaman ko ang pagdaloy ng init sa aking kabuuan at ako’y mabilis na lumipad palayo. Buong gabi’y nanatili ako sa piling ng mga ulap, lumipad lipad paikot sa buwan habang paulit-ulit na gumuguhit ang alaala ng katawan ni Laila sa kalawakan ng aking gunita.
Hapon. Maalinsangan ang panahon ngunit may maliliit na ambon ang pumapatak mula sa kalangitan. Ipinatong ko ang aking bag sa aking ulo at mabilis na naglakad sa quadrangle nang biglang may humawak sa aking braso.
Si Laila.
Isinukob niya ako sa kanyang payong at hindi niya binitawan ang aking braso. Naamoy ko ang bango ng kanyang katawan at muling dumaloy sa akin ang kakaibang init na yaon. Napakahirap pigilan, napakahirap iwaksi sa aking isipan, lalo na nang maalala ko ang anyo ng kanyang kahubaran. Napapikit ako ng mariin.
“Maggie, hindi ko alam… pero, parang…” Ibinitin niya ang iba pa niyang sasabihin. Huminto kami sa paglalakad at hinarap niya ako.
Pinagmasdan ko ang kanyang mukha. Inangat ko ang aking kamay at hinaplos ng aking daliri ang kanyang labi. Napapikit siya at hinawakan ang aking kamay at idinikit iyon sa kanyang pisngi.
…Laila, Mahal kita…
Agad kong hinila ang aking kamay at mabilis siyang tinalikuran. Hindi niya ako hinabol, ngunit nararamdaman kong pinapanood niya ang aking paglayo.
Halos isang buwan kong pinigilan ang aking sarili sa paglipad. Pilit kong kinalimutan ang gawaing iyon, ngunit sa aking kaloob looban ay nakadama ako ng isang matinding kahungkagan at kinain ako ng napakalaking kalungkutan.
Hindi ko na kayang tagalan pa ang paghihirap na iyon, kaya’t mabilis akong nagsulat sa aking Diary. Mabilis, paspas, nagmamadali, sabik na sabik, at muling naganap ang lahat.
Lumipad kami papunta sa kanyang silid at muli ko siyang nakita. Naroon sa kanyang kama at mahimbing na natutulog. Matagal ko siyang pinagmasdan, ang kanyang kabuuan, mula ulo hanggang paa…
Lumapit ako sa kanya at hinaplos ang kanyang binti, hinagkan ko ito, puno ng ingat, puno ng hinahon habang mahina kong binibigkas sa kanya ang aking tula.
Nahulog ako sa bangin ng mga bulaklak
Sa pagitan ng puso at utak,
Kaluluwa at pangarap…
Pumatong ako sa kanya at hinagkan siya sa noo, sa ilong, sa labi, sa leeg…
at paulit- ulit akong dinadaya ng dilim,
paulit-ulit ako nitong lilinlangin…
Hinaplos ng aking mga daliri ang kanyang puting damit at ito’y marahan kong hinubad. Lumitaw ng tuluyan ang kanyang malusog na dibdib. Hinipan ko ito bago dinampian ng mariin ngunit puno ng pagsuyong mga halik.
at ang sakit ay sumikdo-sikdo sa aking ugat,
dumulas palabas,
sa aking katawan,
sa aking daliri,
sa aking utak…
At ang labi ko’y dumulas sa kanyang namimintog na mga utong na parang isang kay tamis na ubas, pababa sa kanyang sikmura, sa kanyang puson hanggang sa kanyang hiyas na kay tagal kong pinanabikang maangkin.
Kay tagal kong sinimsim ang kanyang kadalisayan. Ang kanyang angking ganda at halimuyak. Isa siyang bulaklak at ako ang kanyang Mariposa.
Muli ko siyang hinagkan sa labi at niyakap ko siya ng napakahigpit, ang mga maliliit na paro paro’y nagliparan paikot sa aming dalawa, ang katawan nami’y unti unting lumutang, kami’y lumipad pataas, lumusot kami sa bubungan at kami’y isinayaw ng hangin sa ilalim ng nakakabighaning liwanag ng buwan.
Gabi Gabi’y dinadalaw ko siya upang alayan ng tula, upang angkinin, upang ilipad at isayaw sa dilim. Doon ko lamang maipararamdam sa kanya ang aking Pag-ibig. Ang Pag-ibig kong inililihim sa mundo ng katotohanan.
“Kagabi’y napanaginipan ko ang pagdalaw ng isang napakagandang mariposa sa aking silid. Niyakap niya ako at itinago sa kanyang makulay na pakpak. Inilipad niya ako palapit sa buwan at kami’y nagsayaw sa ibabaw ng mga ulap, habang ang mga maliliit na paro-paro’y binibigkas sa amin ang isang napakatamis na tula.”
Nanatili akong nakayuko habang binabasa niya ang kanyang isinulat sa aming Literature Class. Nang matapos siya’y nag-angat ako ng tingin at nakita ko siyang nakatitig sa akin habang ako’y binibingi ng mga palakpakan ng aming mga kaklase. Muli akong napayuko. Hinawakan ko ang aking kanang kamay ng mahigpit upang pigilan ito sa panginginig. Tumatagaktak ang pawis sa aking noo. Muli siyang naupo sa aking tabi at inilapag sa aking armchair ang nakatuping papel.
Nang buklatin ko ito’y lalo akong pinanginigan ng mga kamay. Parang bahang umagos ang aking pawis sa aking katawan. Napasulyap ako kay Laila, ngunit hindi siya nakatingin sa akin. Muli kong binasa ang nakasulat sa nakatuping papel…
…Hihintayin kita sa cafeteria, kailangan nating mag-usap…
Ngunit, ako’y kinain ng karuwagan kaya’t hindi ko siya sinipot sa una sanang pagtatagpo naming dalawa.
Pagkatapos niyon ay naramdaman ko ang kusang pag-iwas sa akin ni Laila, at ako’y nakuntento na lamang sa aking pagdalaw sa kanyang panaginip tuwing gabi.
Siguro nga’y tanging iyon lamang ang aking maihahandog sa kanya, tanging doon ko lamang siya maaaring ibigin ng ubod laya…
Iyon lamang. Doon lamang.
Pasikat na ang araw ngunit nanatili akong nakaupo sa mga ulap, sinisilaw na ako ng mga silahis ng liwanag na siyang lalo lamang nagpahapdi sa aking mga mata.
Patuloy sa pag-agos ang aking mga luha. Naipon ito sa ulap at diniligan nito ang buong mundo. Ang mga maliliit na paro paro’y nagliliparan sa aking buhok, pilit akong pinapatahan sa aking pag-iyak, ngunit paano nga ba makakalimot ang isang pusong wasak?
Kapag ang katotohanan ay sumabog sa gitna ng isang panaginip, ang lahat ay mauuwi sa bangungot… dahil wala ng mas hahapdi at papait sa reyalidad na aking nakita’t nasaksihan sa silid ng bulaklak na aking iniibig…
Ang aking bulaklak ay may ibang babaeng katalik…
Luhaan ang matang patuloy ako sa pagsusulat sa aking Diary. Puno ito ng sakit at galit, at nang umigkas at umalpas ang mga titik, sila’y hindi na mga paro paro, kundi mga pangit na insektong naglalabas ng malapot na berdeng laway.
Lumagutok ang buto sa aking likod at nawasak ang aking damit. Lumabas mula dito ang isang kulay pulang pakpak na may matatalas na balahibo. Pinagmasdan ko ang aking balat, gumagapang dito ang kulay berdeng tinta. Lumabas ang dalawang mahabang sungay sa aking ulo. Pumitik pitik ang aking pakpak at ako’y inilipad nito palayo…
Bawat dampi ng aking halik sa kanyang katawa’y sumusugat sa kanyang balat, nadirinig ko ang kanyang impit na ungol, ang mga matatalas kong kuko’y parang apoy na lumalapnos sa kanyang kabuuan…
Nalalasahan ko ang kanyang dugo, naaamoy ko ang kasariwaan nito at lalo lamang tumindi ang nadarama kong pagnanasa na siya’y angkinin, ang siya’y kainin.
Iyon ang huling pagdalaw sa kanya ng aking pag-ibig… ang huli at pinakamapait na pagsalakay ko sa kanyang panaginip…
Mula sa kinatatayuan ko’y pinagmasdan ko ang buong mundo. Napakataas ng aking kinalalagyan. Mapait akong ngumiti at tumitig sa araw. Napakagandang tanawin.
Inabot ng aking kamay ang aking likod. Wala na ang aking mga pakpak. Wala na. Pinilas ko ang bawat pahina ng aking diary at itinapon ito sa hangin. Nakita ko ang paglipad nila sa magkakaibang direksyon. Pababa, pataas, kahit saan. Ligaw.
Tinitigan ko ang huling pahina na nasa aking kamay, iyon ang huling parte ng aking tula. Hilam sa luhang mahina ko itong binigkas.
at ako’y natunaw nang sumapit ang takipsilim,
at mabilis na kumupas sa piling ng mga antuking bituin.
at marahil nga’y wala nang matitira pa sa akin,
sapagkat,
ako’y iyong kinain!
At tsaka ko ito pinakawalan sa hangin. Itinaas ko ang aking mga kamay sa langit at pikit mata akong ngumiti. Hindi ba’t may pakpak ako? Kaya’t lilipad ako… lilipad.
Lilipad!
Love is a many splintered thing…
You are I am - Gravity (You Are I Am)
Previous Comments
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.






Galing naman! Gusto ko ang pagkakasulat…. at pagkakalahad…. parang gusto ko rin magsulat ng ganitong story hehehe…. Galing… kakaiba siya
Posted by jons at August 23, 2011, 3:14 am