Ang BABAENG hinugot ko sa aking pakpak..
ang seldang gawa ng iyong kariktan,
na akin ngayong kinasasadlakan,
ay hindi kayang buwagin ng unos,
at tunawin ng perpektong kirot
Hightide sa Malabon III
August 22, 2011Nine years old ako nang matuklasan ni Duday ang isang lugar na nakatago sa matataas na pader ng Skybag. Isa iyong factory ng mga papel na ang may-ari’y madalas maghagis ng kendi at laruang plastic na nakabalot sa kulay pulang tela tuwing pasko.
Sa tapat ng bahay namin ay isang masikip at madilim na eskinita na sinasabi nilang may white lady daw na nagpapakita tuwing gabi,pagpasok mo sa eskinitang iyon ay kakanan ka, doon sa looban, pang walong bahay na may sementadong hagdan na kulay brown ay ang bahay nila Duday. Sila pa lang ang up and down ang bahay noon at sa aming magkakalaro, siya lang ang may sariling kwarto. Sabi niya’y hindi niya sinasadyang matuklasan ang lugar na iyon, tumakbo daw kasi ang alaga niyang tuta na si choochoo at sa kakahabol niya’y nasuot siya sa ilalim ng lumang lababo sa labahan ni Ate Pangga. Doon sa ilalim ng lababo ay may isang butas na kasyang kasya kami. Pumasok daw siya sa butas at bongga, natuklasan niya ang lugar na iyon.
Ako ang una niyang pinuntahan. Tanghalian nang sumilip siya sa bintana namin na may hawak na lillipop na chocolate flavor. Iyon kasi ang paborito ko. Nilapitan ko siya at ibinulong niya ito sa akin. Gustong gusto ko ng sumama sa kanya at pumunta sa lugar na iyon, ngunit hindi pa pu-pwede, dahil kailangan ko pang matulog at maghintay sa pagpatak ng alas kwatro bago ako payagan ni Ate na lumabas.
Hindi ako nakatulog nung tanghaling iyon. Nakapikit ako ngunit nanatili akong gising, habang sa imahinasyon ko’y paulit-ulit kong nilalaro ang mga eksena na parang isang pelikula.
Naroon kami ni Duday sa lugar na iyon, magkahawak ang kamay habang nakikipaghabulan kay choochoo.
…
Unang araw ng Practice nang Graduation namin noong high school nang una akong sinalakay ng napakaraming paro-paro. Nasa Gym kami noon, hiwalay ang Practice namin, ang umaga ay para sa mga girls at ang hapon naman ay para sa mga boys. Hindi ko makuha ang logic ng ganoong sistema, pero nakakatamad na ding kwestyunin pa ang tumatakbo sa kukote ng Assistant Principal namin.
Mataas ang lagnat ka noon, tumatagaktak ang pawis ko at nag-iiba na ang tingin ko sa paligid ko. Napansin iyon ng Adviser namin kaya’t pinaupo niya ako sa bleachers para kahit papaano’y makapagpahinga ako. Nasa mataas na parte ako ng bleachers at pinagmamasdan ko lang ang mga schoolmates ko na mga nakaindian seat sa sahig ng Gym at nagdadaldalan. Maya maya’y dumating ang Principal namin na may dalang isang malaking kahon, agad naman siyang nilapitan ng ilang Teachers at hindi nagtagal ay namimigay na sila ng Abanikong ang mga kulay ay Plain white or blue or pink or yellow or green or orange or red. Isa isang ibinuka ng mga schoolmates ko ang kanilang abaniko at nagsimulang magpaypay hanggang sa ang lahat na’y naging abala sa pagpapaypay…
at mula sa kinauupuan ko’y pinagmasdan ko ang iba’t bang kulay ng mga abanikong pumapagaspas, parang mga pakpak ng mga paro parong may iba’t ibang kulay, napakaganda, ang ganda ganda. Ang dami dami nila, napakarami…
Tumayo ako sa kinauupuan ko at naglakad pababa, palapit sa mga paro parong iyon, manghuhuli ako ng isa, kahit isa lang… ngunit biglang umikot ang paningin ko at para akong kandilang naupos sa sahig.
Bago pa tuluyang magdilim ang paningin ko’y nakita ko ang mga paro parong nagliparan palapit sa akin, at ako’y kanilang pinagkalumpunan.
…
First time kong sumakay ng LRT, pupunta akong National Library dahil kailangan kong mag research tungkol sa Orihinal na kopya ng El filibusterismo. Sa Train na sinakyan ko’y halos puro kami babae, tatlo lamang ang lalaking nandoon, isang matanda na natutulog sa pinakadulong upuan, isang batang lalaki na walang tigil sa pag-iyak at isang teenager na kasama ang kanyang Mommy.
Nakatayo ako at nakasandal sa stainless pole at nakaharap sa glass door para makita ko ang mga madadaanan kong lugar. Tinanggal ko ang bow tie ko na checkered green (na katerno ng palda) ko at itinago iyon sa bag ko. High school na high school kasi ang hitsura ko. Dyahe.
Habang nasa daan ay wala akong ibang katitigan kundi ang malabo kong repleksyon sa glass door at pilit inaaninaw ang hitsura ko. Ang payat payat ko, para akong may sakit, kulay kalawang ang mahaba kong buhok (na sabi ng Principal nami’y hindi daw ako makakagraduate kung hindi ko iyon paiitiman) at mahaba ang mga kuko ko sa kamay. Napangiti ako, dalaga na ako. Dalagang dalaga na. Lalo akong napangiti ng maalala ko ang Shagging Moments namin ni Carlo. Isa lang kasing malaking joke ang lahat.
Sa R.Papa’y nagsakayan ang isang grupo ng mga college girls na taga Sta. Isabel. Ang i-ingay nila. Tawanan sila ng tawanan habang malalanding nagke-kwentuhan tungkol sa mga boys.
At doon biglang pumasok ang isang tanong sa utak ko. Humarap ako sa kanila at sumandal sa Glass door, pinagmamasdan ko lang sila, pati na din ang iba pang babaeng pasahero ng Train. Pinagmasdan ko din ang babaeng nakatayo sa harap ko at nakahawak ng mahigpit sa pole. Napangiti ako sa mga naiisip ko, ganoon din kaya niya hawakan ang titi ng boyfriend niya o ng asawa niya o ng kabit niya o nang kung sinong lalaking kinakalantari niya?
Sumunod kong pinagmasdan ay ang mga bibig ng mga babaeng iyon, ang iba’y nakatikom, ang iba’y nakanganga, ang iba’y nakangiti at tumatawa habang ang iba nama’y walang tigil sa kakasalita…
at naisip ko, ilan kaya sa mga bibig na ito ang nambo blow job tuwing gabi? Ilan kaya sa mga bibig na ito ang nakalasa na ng tamod ng isang lalaki?
…
Four years old ako nang bihisan ako ni Ate Oli, iyon ang paborito kong damit, iyon ang regalo sa akin ni Mama noong birthday ko. Hindi ko masyadong iniintindi noon ang pag-iimpake ni Mama, ang pananahimik ni Papa at ang mga walang hanggang bilin ni Mama sa mga kapatid ko. Para sa akin noon, wala iyong saysay, dahil ang akala ko noon, mamamasyal lamang kami.
Dumating si Uncle Mario dala ang owner niya. Nag-usap sila saglit ni Papa at maya maya’y binuhat na nila ang maleta ni Mama at isinakay sa owner. Sumakay na din kami, nang paalis na kami’y nagsimulang mag-iyakan ang mga kapatid ko. Si Ate J ay nagpipigil, si Ate Lei naman ay umiiyak ng walang sound at si Ate Ces ay ngumangawa, naisip ko, nalulungkot siguro sila kasi hindi sila kasama at nalungkot din ako.
Bumiyahe kami, hindi ko alam kung gaano katagal, kasi nakatulog ako. Si Mama ang gumising sa akin, binuhat niya ako niyakap, ang sabi niya, kapag malaki na daw ako, siguradong maiintindihan ko din ang lahat. Tumango ako, ang sabi ko sa kanya, malaki na ako at naiintindihan ko na. Ngumiti lang siya at nakita kong nangingilid ang luha sa mga mata niya. Kinuha ako ni Papa, samantala, binuhat na ni Uncle Mario ang Maleta ni Mama at naglakad na sila palayo ni Mama kasama si Ate Oli. Naiwan kami ni Papa. Hindi nagsasalita si Papa, basta, karga karga niya lang ako at nakatayo lang siya doon. Matagal, ang tagal tagal….
Nang bumalik si Uncle Mario at Ate Oli ay hindi na nila kasama si Mama. May sinabi si Uncle Mario kay Papa na sinasabayan pa niya ng tapik sa balikat. Tumatango tango lang si Papa. Hindi kami umalis agad, naghintay pa kami.
Naisip ko, hinihintay namin si Mama…
Naiinip na ako kaya tinanong ko si Ate Oli kung nasaan si Mama, hindi siya sumagot, tapos itinuro sa akin ni Papa ‘yung papalipad na eroplano.
“Beybi, tignan mo, airplane oh!” sabi ni Papa.
Tuwang tuwa akong tumingin sa langit, kitang kita ko ang eroplano at nakangiti akong kumaway dito at sumigaw ng; “Ba-bye ba=bye!”
Naramdaman ko ang paghigpit ng yakap ni Papa sa akin…
Umuwi kami na hindi namin kasama si Mama. Hindi ako nagtanong, hindi kahit kailan. Mali ako nang sabihin ko kay Mama na malaki na ako at naiintindihan ko na, dahil noong mga panahong iyon, hindi ko ito maintindihan, at mali si Mama nang sabihin niya sa akin na pag laki ko, maiintindihan ko din ang lahat, dahil hanggang ngayon, hindi ko pa din iyon maintindihan.
Hindi ko iyon maintindihan, pero may isang bahagi sa loob ko ang nagsasabing kailangan ko itong unawain…
…
Nararamdaman ko na, alam ko na kung saan hahantong ang lahat, ngunit hindi ko inaasahan na kay dali itong matatapos. Nagsisimula palang akong managinip, nang sumabog ang katotohanang kailangan ko nang gumising.
Ilang gabi din kaming natutulog ng magkatabi na walang imikan, para bang bigla kaming naubusan ng mga salitang sasabihin namin sa isa’t isa, para bang bigla kaming naging estranghera… at ang lahat ay nilalagot namin sa katahimikan.
Mahal ko siya. Mahal na mahal ko siya, saksi ang buong mundo, ang kalawakan at ang impyerno, ang langit at ang mga pekeng paraiso, saksi ang kakikikikian ko, ang lahat lahat sa akin…
Ilang gabi na habang natutulog siya’y nananatili akong gising, pagmamasdan ko lang ang mukha niya at tsaka ako luluha. Ilang gabing pilit akong nakipag bargain sa Diyos, nakikipag deal sa kanya, sumusugal, pumupusta… Ilang gabi akong nagdasal, ipinagdasal ko siya… na habang himbing na himbing siya’y babangon ako’y mauupo sa paanan ng kama niya at doo’y magdarasal ako, kung saan ako at ang tanging Diyos lamang ang nakakaalam na nagdarasal ako, na umiiyak ako. Kung ilang gabi kong ipinakiusap sa Diyos ang lahat lahat ng pagsusumamo ko’t pagmamakaawa, at kung ilang ulit kong ibinulong sa dilim ang mga salitang; “Please God, don’t let her leave…”
Ngunit, busy ang Diyos noong mga gabing iyon.
…
Lagi naming inaabangan ni Duday ang pagdaan ni Mang Boy Senyang. Siya iyong siga sa lugar namin, isa siyang hoodlum na maraming tattoo sa katawan, matangkad, malaki ang katawan na may kasamang taba at parang limang buwang buntis sa laki ng tiyan.
Ang sabi ni Duday, si Mang Boy daw ay nagiging halimaw kapag gabi na. Kapag tulog na ang buong Malabon ay lumalabas daw si Mang Boy at doon sa Lumang bodega ni Malvar daw ito nagpapalit ng anyo. Kaya tuwing dumadaan si Mang Boy sa Garahe na paborito naming tambayan ay nanginginig ako sa takot. Minsa’y tinititigan ko ang pwet niya at hinahanap kung saan niya tinatago ang kanyang buntot, minsan naman ay ang makapal niyang kulot na buhok ang pinagdidiskitahan ko, dahil alam ko na naroroon, doon nakakubli ang sungay niya.
Isang gabi’y sinamahan ko si Ate J na mag-igib ng tubig kina Mang Rudy, sa looban iyon, malapit sa bahay nila Duday. Maraming pila at si Ate J ay naging abala na sa pakikipaghuntahan niya kina Ate Vange na pinsan namin sa Father side na sa looban din nakatira, kaya’t pumuslit ako at pumunta kina Duday. Binigyan niya ako ng paborito kong Lollipop na chocolate flavor at tsaka niya ako niyaya na sumilip sa Bodega ni Malvar. Nakita daw kasi niya doon si Mang Boy na pumasok kanina. Hindi na ako nagdalawang isip, sumimple kaming umakyat sa pader at naglakad sa mga kalawanging bubong na ang iba’y dinadaganan lamang ng mga hallow blocks, mga matatabang kahoy at gulong ng jeep. Dumiretso kami sa bubungan ng Bodega, katapat niyon ay ang mahaba at malaki at lumang Apartment na pag-aari nila Cristobal, at sa harapan ng Apartment ay ang dikit dikit na bahay ng Anonas, at sa mismong tapat nito ay ang bahay namin, kaya malamang, kung biglang tinopak ang Diyos nang mga gabing iyon at pinaglaho niya ang Apartment ay makikita ako ni Papa o ng isa sa mga Ate ko na nasa bubungan ng Bodega ni Malvar at siguradong umaatikabong palo na ang magaganap.
Dahan dahang yumuko si Duday at sumilip sa mga maliliit na butas na gawa ng mga pinaghugutang pako sa yerong bubong, hindi ko alam kung anong nakikita niya, dahil napatda na ako sa aking kinatatayuan, hindi na ako nakakilos at para akong kinulam sa aking nakita. Hindi isang halimaw ang natagpuan ko nang gabing iyon, kundi isang diwata.
Mula sa balkonahe ng Apartment ay nakita ko si Trixie, ang kilalang GRO ng Marietta Club, nakatayo lamang siya doon, nakayuko at naninigarilyo habang sa tabi niya ay isang malaking lampara, at kahit malayo ako’y alam ko, ilang ulit pinahid ng palad niya ang kanyang pisngi… Umiiyak siya.
Isang babaeng umiiyak sa dilim, parang isang aprisyon, isang pangitain… Napakagandang tanawin. Ang ganda ganda…
At ipinangako ko sa aking sarili, siya ang unang babaeng pag-aalayan ko ng unang tulang lilikhain ng aking isipan at damdamin.
collective soul - the world i know (collective soul)
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.




