Ang BABAENG hinugot ko sa aking pakpak..
ang seldang gawa ng iyong kariktan,
na akin ngayong kinasasadlakan,
ay hindi kayang buwagin ng unos,
at tunawin ng perpektong kirot
Ang aking tula, para sa iyo, Celine…
November 4, 2010
Hindi ako makagawa ng isang tulang magbibigay anyo sa kung ano tayo noon, kung ano ka sa aking buhay, kung gaano mo ako minamahal at kung paano kita minamahal…
Ngunit ang tulang nakapaloob sa atin ay mahiwaga, hindi kayang bigkasin ng aking labi, hindi kayang maihambing sa mga metaporang aking isinusulat,
dahil ang ating tula ay nakapaloob sa iyong mga ngiti tuwing tayo’y nagkikita, ang mga ngiti mong nagsasabing hinding hindi mo ako kailanman lilimutin,
ang ating tula’y naroon sa iyong mga buntong hininga pagkaraan ng isang mainit at mahabang halik,
ang ating tula’y nasa pagitan ng iyong mga daliri tuwing nakakapit ito sa aking mga kamay na wari ba’y nangangakong hindi mo ako magagawang bitawan kahit kailan,
ang ating tula’y nakadikit sa iyong mga mahihinang bulong sa aking pangalan tuwing gabi, habang magkatabi tayong nakahiga sa kama, bago ko tuluyang ipikit ang aking mga mata,
ang ating tula’y naglalakbay sa iyong mga haplos sa aking mukha tuwing nais kong lumuha na hindi ko magawa,
ang ating tula’y nasa iyong mga palihim na sulyap tuwing ako’y nananahimik sa isang tabi at walang kibong kinakausap ang aking sarili,
ang ating tula’y nakaguhit sa iyong katawan tuwing tayo’y magkayakap at naghihintay ng bukang liwayway,
ang ating tula’y nakapinta sa iyong mga mahihigpit na kapit sa aking braso tuwing tayo’y nagtatalik,
ang ating tula’y sinasambit ko sa gitna ng mga walang hanggang hampas ng mga halakhak mong nagbibigay sa akin ng lakas at tibay,
ang ating tula’y binibigkas ng iyong maliliit na matang tumatagos sa aking kaluluwa tuwing nagpapanggap akong masaya sa iyong harapan,
ang ating tula’y madirinig sa iyong mga impit na hikbi at iyak tuwing tayo’y may alitang hindi nating magawang palipasin ng isang gabi,
ang ating tula’y nakatatak sa malamyos mong tinig tuwing inaawitan mo ako sa aking pag-iisa,
ang ating tula’y dumadausdos sa iyong mahabang buhok na nais haplusin ng aking mga daliri tuwing ang ulo mo’y payapang nakahilig sa aking dibdib,
ang ating tula’y nakalarawan sa iyong mukhang hindi ko magagawang limutin, lumipas man ang lahat ng takipsilim…
Dahil ang pinakamaganda at romantikong tula na naisulat ko ay ikaw at ang ating alaalang pumupuno sa mga gabing palasak at ipinaghehele ako ng matinding pangungulila.
Ikaw,
Tanging sa iyo lamang.
Alex Parks - Cry (Alex Parks)
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.




