Ang BABAENG hinugot ko sa aking pakpak..
ang seldang gawa ng iyong kariktan,
na akin ngayong kinasasadlakan,
ay hindi kayang buwagin ng unos,
at tunawin ng perpektong kirot
Kakainin kita
November 30, 2010
Oo,
maniwala ka sana,
kakainin kita sa paraang ako lang
ang makakagawa,
sa paraang tanging ako lang
ang may alam,
sa sarili kong paraang aking akin
lamang…
Oo,
lalapain ko ang bawat balat
sa iyong katawan,
ang kasuluk-sulukan mo’y aking
lalasahan,
sisimsimin ko ang kahuli-hulihang
patak ng iyong tamis,
lalasapin ko ang asim at bawat
mong pait.
Hindi kita titigilan,
at wala ng silbi kung ikaw ma’y
manlaban.
Oo,
kakainin kita sa ayaw mo man o gusto,
kakainin ko ang pinakamaselang
bahagi mo,
kakainin kita na para bang ikaw
ay aking pag-aari,
kakainin kita nang dahan dahan
at walang pagmamadali,
hanggang sa maipinta kita dito
sa aking labi,
at ang linamnam mo ngayong gabi.
Oo,
kakainin kita at doo’y wala ka
ng magagawa,
kakainin kita at h’wag ka na sanang
umangal pa,
kakainin kita na para bagang wala
ng bukas,
kakainin kita sa paraang hindi
ka mawawasak.
Oo,
kakainin kita at pakukuluan,
hihimayin kita at sa apoy ng pagnanasa
ko’y ikaw ay aking isasalang,
hanggang sa ang matigas na balat ng puso
mo’y lumambot nang tuluyan.
Oo,
kakainin ko ang lumpo mong paniniwala,
pati na ang pagsintang tuyot
at walang halaga,
kakainin ko ang lungkot mo’t ligaya,
kakainin ko ang katinuan mo
hanggang sa huling hibla…
Oo,
kakainin ko ang puso mo’t isipan,
iluluto ko sa init ng aking pagsuyo
ang atay mo’t balunbalunan,
kakainin kita hanggang sa iyo’y
wala ng matira,
kakainin kita at ihihimlay sa
aking sikmura.
Oo,
kakainin kita,
ang utak at dugo mo’y hindi ko
pagsasawaan,
kakainin ko ang hilaw na pagtinging
tumanggi kang aking maramdaman…
kakainin kita at pumayag ka sana,
dahil kapag kinain kita’y tayong dalawa’y
magiging isa,
iyon lamang ang paraan upang maipasok kita,
at ang aking buhay ay maging iyong
hininga,
marahil sa pait ng mundo’y maitatago kita,
marahil dito sa loob ko’y maaari kang
makapagpahinga,
Oo,
kakainin kita at lulunukin ang iyong
kabuuan,
upang kung muling saktan ka ng tadhana’y
ako na lamang ang dito’y
makakaramdam…
+para sa babaeng susunod kong mamahalin+
jessica
Fertile
November 28, 2010
Noong gabing iyon, naramdaman ko ang kanyang kagaspangan at kalamlaman. hindi ako tinakot ng gaspang na iyon, ngunit sinindak ako ng kalamlaman sa kanyang mukha. Lamlam na alam kong maaaring magkulong sa akin sa malilinggit na kumpol ng liwanag, liwanag na parang isang silakbong pagtinging nais kong iwasan at ikubli kung saan…
ngunit ang bawat pawis na lumulusot sa kanyang balat palabas ay para sa akin. Sa akin lamang…
Dumulas ako sa kulay gabing isla sa kanyang katawan. dinaanan ang mga talahib at damo, mga nunal at balahibo, sinusundan ang mga ugat na nakabaon sa kanyang balat tungo sa pinakamagandang nilikha ng maykapal, ang bukal sa kanyang pagitan…
at ang bukal niya’y bumulwak, napuno at ito’y dumaloy sa bawat ilog, sa bawat kanal, sa bawat dagat ng aking mundo.
at kami’y parang isang masigabong kidlat na gumuguhit at humihiwa sa katahimikan ng gabi.
Kumilos siya sa aking katawan, at ako’y gumalaw sa ibabaw ng kanyang kabuuan, hanggang sa ang mga pader ay naging talon na bumubuhos ng walang tigil, ang sahig ay isang lawang sinalakay ng mga paro parong bituin at nilaglagan ng mga ulang bulaklak.
at ang buwan ay ngumiti, yumukod at ibinulong sa aking puso ang iyong pangalan.
walang ibang tao sa mundong aming ginagalawan. wala. tanging kami lamang dalawa, ngunit ang talon, ang lawa, ang paro parong bituin, ang ulang bulaklak at ang buwang nakangiti at bumubulong ay ang mga alaala ng isang kakatwang panaginip, panaginip na magbabalik sa akin sa malupit na pagkagising…
Dinama ko ang kanyang utong sa pagitan ng aking labi, at siya’y nais kong saidin hanggang sa muling pagsisimula ngn oras at mundo, hanggang sa muli kaming bumalik sa simula… paiwas sa kawakasan ng lahat.
Nilingon niya ang nakasilip na bilog na buwan sa bintana at siya’y biglang nagsabog ng iyak. Tinakpan niya ng dalawa niyang palad ang kanyang mukha at siya’y sumubsob sa aking dibdib.
niyakap ko siya. mahigpit. Bakit Mahal? bakit ka umiiyak?
(mahirap katalik ang babaeng lumuluha. mabigat sa dibdib…)
Umiling siya at muling nag-angat ng mukha. Ngumiti siya sa akin at marahang hinagkan ang aking labi.
…nakikita mo? bilog ang buwan, punong puno ng kumukuti kutitap na paro paro, iyon nga lamang at hindi tayo makakabuo…
Marahan akong tumango. Niyakap ko siya palapit sa akin at nanginig ang kanyang balikat. Nais kong lumuha kasabay niya, ngunit hindi maaari. ayoko.
at muli naming sinimulan ang sayaw na yaon… sayaw ng mga tala sa langit at kalawakan…
at ang mga lumilipad na gamo gamong agam agam ay huhulihin at nanakawin ng aking mga labi,
at ang nang-uuyam na bilog na buwa’y yayanigin at babasagin ng aking mga daliri.
Lutang
Nais kong lumutang…
ng walang katapusan,
ng walang dahilan,
kung paano’y hindi ito mahalaga,
kung saa’y hindi ko kailangan malaman,
kung kaila’y wala akong pakialam…
sapagkat,
ang nais ko’y lumutang…
hindi lumipad,
lumutang.
iyon lamang…
lulutang.
paloalto- Last Way Out Of Here (Paloalto)
Ethereal
November 14, 2010
Isang paraan nang paglaya…
maniwala ka ng higit pa sa mga bagay na
likha ng iyong i m a h i n a s y o n .
o kaya’y sumampa ka sa bangkang aanod sa iyo patungo sa
kay lalim na kathang-isip…
sa loob ng isang napakagandang panaginip.
bagamat ito ang paraan ng
paglaya
ng mga taong takot…
mag-isa.
…
dahil ang katotohanan ay marupok…
at ikaw ay isa lamang mapanuksong
labirint.
sulok,
tuyot,
♥ ligaw,
lipad,
durog,
wasak,
♥
♥ at mga walang hanggang karugtong…
ng habangbuhay,
ng magpakailanman,
ng imortal na pag-ibig,
ng walang kamatayan…
walang kamatayan…
walang kamatayan…
♥ ♥ walang kamatayan…
walang kamatayan…
paulit-ulit,
at paikot-ikot,
nang pagkasira
panghihina,
pagkagumon sa mga salitang
walang pangalan,
walang uri,
walang diwa,
walang anyo.
.
.
naliligaw sa ibabaw ng mga ulap
bibigyan kita ng kaluluwa sa pamamagitan
ng mabulaklak na salita,
at isa lamang bang pagwawaldas ng talinghaga
ang gawan ka ng mga tula at ang
ibigin ka?
o isa lamang itong bisyo,
ng pusong tinakasan ng rangya, ♥
o ng isipang maluho,
♥ ano nga ba ang totoo?
titigan mo ako,
nandito ako sa harapan mo…
nalagot,
putol-putol,
timil, ♥ hindi umaagos…
nangangahas…
at ang alinlanga’y kay daling lumagablab,
at tinupok ka…
tayo.
tumitig ka sa aking puso, ♥
upang mapagmasdan ko
ang dahan dahan mong
paglaho.
(pinapatay mo ako at ang sakit ay aking nararamdaman ngunit nanatili akong walang pakialam…)
+ang pag-abuso sa letra, kulay, tuldok at espasyo, ang sarili kong literatura+
collective soul - the world i know (collective soul)
Andrea…
November 13, 2010
Epilogue
Sa mga sandaling ito,
nais ko munang kalimutan ang katotohanan,
upang sana’y maramdaman ko
ang kasikipan,
ng iyong mundong pilit kong ginagalawan,
at habang tayo’y nilalamon ng katahimikan,
ako’y sasalimbay sa kaparangan,
ng iyong katawan,
sa mga ilog na rumaragasa,
sa iyong mga singit at pagitan,
at pikit mata kong hahayaan,
na ang anino ko’y iyong yurakan,
sapagkat batid kong wala akong
ibang magagawa,
kahit na ang pagsinta sa iyo’y isang
kulumpon nang pagluluksa.
Hindi ko man mapigilan ang
matinik na pagtigil,
habang ang mga paro paro ng iyong
hininga, ako ay sinisikil,
at aking hahagurin ang iyong
balat at ang mga baging ng iyong buhok,
at sa gawad ng aking halik, ikaw ay
malalapnos,
pilit kong iparirinig sa iyo ang bawat tibok,
hanggang sa ang mga laman mo’y
kusang sumiklot,
Kung matabunan man nang nangungutim
na hilahil ng kapanglawan,
ang mga burol at bundok sa katawan mong
nilunod ng mga guwang,
matatagpuan mo ako sa dulo nang
bawat pagdamay,
kasama ang aking pag-irog na hindi makaagapay,
at ang mga labi kong sa iyong pisngi’y
hindi umuusad,
hayaan mong damhin ko ang iyong mga
sulok gamit ang aking mga palad.
Sa mga sandaling ito,
nais kong kitlin ang katotohanang nananakit,
nais kong hilahin ang nakamatyag na langit,
nais kong pigilan ang magdamagang tubig,
nais kong pahabain ang muni muni’t pagtangis,
dahil nais kong damhin ang bawat mong
paggalaw,
bago ka pa man agawin at tunawin ng
nginig sa lamang ginaw,
ikinibot ko ang aking mga labi upang
ihinga ang iyong pangalan,
at sa matang namumungay sa taglagas
ng ating kasibulan,
at ang ilaw sa iyong pagdating ay
maglanggas sa aking kaibuturan,
ay nagmistulang isang santelmo sa
tahimik na libingan…
Habang ang mapanupil mong bango’y
pinayukod ang aking katinuan,
at sa aking kaluluwa’t damdamin,
ikaw ay lumutang,
ang alon sa aking balintataw ay
nakisalamuha sa iyong karagatan,
at hinintay ang pagpikit sa walang
katiyakang lamlam…
Nilanghap ko ang mapang-akit na
simoy ng iyong dibdib,
hinubog man ang halik ng isang laksang
hinanakit,
dito lamang mahal,
sa loob at labas ng aking tula at
sa eskinita ng mga titik,
doon sa lugar na yaon lamang kita
maaaring makatalik…
VanVelzen - Burn (VanVelzen)
Andrea X
November 12, 2010
Espejismo
…sa bawat sakit na sa puso ko’y iyong inilalatay,
ang natatagpuan ko’y bagong pagtinging hindi namamatay…
Naligaw sa kahapis-hapis na pag-idlip,
at ang nag yelong hamog nang natuyong saglit,
at sa pag-asang sa alala ko, ika’y mapupuknit,
Hindi man tuwirang sambitin, ako pa din ay nananabik,
hindi na maitatanggi ang nanuot na pinsala,
sa pinukaw na pusong kay tagal namahinga,
bitawan ka ma’y lugmok na sa hilahil at dusa,
sapagkat…
ang sandaling paglimot sa iyo’y isa lamang
mapait na malikmata.
Great Expectations Soundtrack - Lauren Christy - Walk this Earth Alone
Andrea IX
November 11, 2010
Balani
ikaw ay isa sa mga lunggati ko.
musa sa panaginip at pagsuyo.
dito sa balon ng aking puso,
isinuksok ko ang alaala ng huli mong ngiti,
ang una mong pagtanggi,
sa bawat pagtutol mo’y lumalakas ako,
yumakap ka sa akin at sasagihin ko ang mga kalasag,
hindi ko magagawang kitlin ang pag-ibig na ito…
ikaw ay isang balaning humatak sa akin palapit sa katotohanan…
ang bawat bersong namutawi,
siksik liglig nang pag-irog
na hindi ko kayang isantabi,
kawangis mo’y isang odang nanaog mula sa panginorin
upang sa daigdig ko’y magsabog ng yaong kariktan…
huwag mo sanang pigilan ang abang makatang nais sumamba sa iyong karilagan.
ako’y darakip ng sinag ng buwan
at ihahandog sa malinis mong kunang
tatabing sa aking sanlibutan,
walang katulad ang siphayo mong anaki’y
isang diyamante sa bughaw na dagat na nais kong languyin
at sa luha mo’y magpakalunod mandin…
o abang bulaklak na sa gubat ng kaluluwa ko’y namukadkad,
ang adang sa balintataw ko’y naglakad,
ang init ng labi mo’y matitikman ko din,
ang bulong ng paggibik mo’y maririnig ko din…
ikaw ay humimbing mahal ko,
sabay nating ipikit ang ating mga mata,
marahil sa panaginip,
makaulayaw kita.
at ang tampiping sisidlan ng tunay na niloloob
ay naging kasing tahimik ng malalim na tubig,
kumikinang…
naghihintay ng bagong silahis ng araw na sisikat,
doon sa dakong silangan…
magko-koryo ang tag-init at ang tag-ulan sa damdaming maalinsangan,
ang alimuom ay sisingaw mula sa lupang tigang,
bukas, makalawa, ito’y lilipas at magiging isa na lamang nakaraan,
ngunit bakit ang nakaraa’y napakahirap kalimutan?
hindi ito lilipas…
may dumating mang bagong musa,
ang mga talinghagang ito’y hindi na maririnig pa ng iba…
at tayo’y kakainin ng mga distansiya.
Heather Nova - Paper Cup
Andrea VIII
Exspecto
pusong pabiling biling…
Nakatitig sa mga minuto’t oras na nakapinta
sa dingding,
ng mga lihim na panglaw,
at hindi mawaring pagkainip,
kung ikaw ba’y minsan pang magbabalik,
sa mga alaala nating
hindi ko pag-aari,
at hindi mo kailanman iniwan,
dahil ito’y hindi mo inangkin…
ng lubusan.
pagod na nga ba sa mga pasakalye,
sa mga lihim na tuldok,
na sinundan ng kay daming kuwit,
at tandang pananong, na nakapaloob
sa malawig na saklong.
kung ang mga kudlit ba’y may karugtong,
o ang lahat ay iiwan mo na lamang na mga tanong,
huwag mo sanang ipagkait,
ang aking nais,
na dito’y huminto kahit pansumandali,
dahil nais kitang abangan,
upang sa iyong muling
pagdaan,
( kung maisipan mo mang mapadaan )
ikaw ay maalayan,
nang isang puting rosas,
na nakapalibot sa kulay unang sinag ng araw
na mga bulaklak.
كم من الوقت يجب أن أنتظر؟
Sara Melson - Never Been Hurt (Sara Melson)
Salin
November 10, 2010
YUGTO
Haba
Ang kalikasan ng aking pananaw ay nagpapahayag, na para bagang isang malamyos na batingaw na nanunuot sa aking utak, na kailangan kong managinip upang manatili ka sa aking yakap, kaysa pagmasdan ka ng mga mata kong dilat.
Nanatili kang isang hiwagang tunog sa aking kaluluwa, sa kahit anong uring tino ang aking nadarama, na parang isang bulong na inihahandog ng dupikal na naglalaro sa hangin, sa oras na nakapagitan sa umaga’t takipsilim, kung saan ang araw ay nakatunghay sa rurok ng kasibulan, at walang ano mang hiningang hihipan sa silindrong walang laman.
Ang mga anino’y kumilos papunta sa tamang direksyon, at sa nais mo ito’y umayon, ang mga titik patungo sa pagbubuklod, at ang awit sa matikas nitong tunog.
Himig
Doon sa lihim na lugar sa pagitan ng mga linya ng awit nagdaop an gating mga palad, sa ilalim ng kwerdas ng gitarang bulag, kasama ang mga nakahalang na komposisyo’t panulat. Ang mga nilalang na burado ang mga mukha ay nagsambit na doo’y walang maaaring yumabong, subalit ang aking santuwaryo’y naroon, sa mga guwang na yaon.
Ibinalukto’t ko at pinihit ang bultong puwa na lumalagutok, dahil upang ikaw ay aking marinig, ang kwedras ay kailangan kong iayos, subalit ikaw ay tumanging maging malinaw na parang,
Isang ihip na tunog na wari ba’y hindi na matatapos, kadikit ang lirikong hindi kailanman naisulat, at ito’y isa lamang walang imik na hiwagang ikinulta natin sa ating mga utak.
Matyag
Sinakop ng iyong kamay ang aking palad sa loob ng tren na ating sinasakyan, ang bawat mapanganib na ulos nang kabilisan na tinatangay tayo kung saan. Hindi pa man tayo nakakasakay ay nais mo nang umibis, habang ang iyong pagtanggi’y paulit ulit, hindi, ayoko, ayokong umalis, ngunit alam kong sa iyong piling ko lamang nais sumabit, nais kong dumikit.
Ang himig ng tren ay sumipol pasalungat, hindi makaagapay sa ating mga bakas na nagsilbing isang hudyat, na para bang kapwa tayo tumatakbo palayo sa masamang pangitain ng kahapon, nagnanais na makaalpas at kumilos pasulong. Ito’y walang halaga sa akin, kung saan man tayo pahugpong, hanggat nadirinig natin ang awit ng treng para bang isang bulong, hanggat ikaw ay hindi sumusuko sa mga sumasambulat na pwersang hinihila ka palayo sa akin at sa ating relasyon.
Ang aking puso’y nagpumilit humapit, habang ang kapit mo’y lalong humigpit, at ito’y hindi sa kadahilanang ang bilis ay siyang sisira at huhugot sa atin palabas sa loob ng matatag na timbangang ating tinutuntungan, datapuwat ito’y dahil sa ating pangakong hindi magiging hadlang sa ating paglalakbay, kung sakaling maghiwalay man ang ating mga kapalaran.
Puwang
Ang mga pintuang nag-uumpugan at ang balangkas nito’y gumitla sa akin nang biglaan mong paglisan, at ang mga espasyong iginuhit mo sa pagitan nating dalawa ay aking pinagmasdan, ito lamang ang tangi kong magagawa, kung saan ang mga blangko’y magagawa lamang punan ng mga napiping salita.
Ang mga walang kabuluhang puwang na siyang nagdulot sa akin ng pakiramdam nang paglubog; ang hindi mapasukong pundasyon ng sumpungan ay tuluyang bumigay sa malakas na pagsara ng pintuang bugbog, at sa gitna ng kadakilaang binuntis ng mga kataga, sintetika ng mga talulot at nang nagmumultong huni ng iyong tinig at talinghaga.
Ngayon lamang, kung saan ang bawat alingawngaw ay puno ng sigalot nang sigaw na nanggagalaiti, kawangis nang iniwan mong hikbi upang makapiling ko sa bawat sandali.
Doon sa labas, sa sigabo ng hangin, ang mga puno’y waring nagsasayaw man din, habang sa likod ng kayabungan ay tikas andap ang kulay dayap na araw, nanunukso’t nakamasid na para bang kahit minsa’y walang sakit na sumingaw.
Orihinal na konteksto
Mula sa panulat ni Samantha Yaneza
INTERLUDE
Longevity
My instinct tells me something, like a rather pleasant nagging feeling at the back of my mind, that I should close my eyes in order to keep you, rather than keep them open all the time to watch over you.
You remain a soulful mysterious melody, no matter what state my senses are in, like the pleasant chill a wind chime’s song gives, in the middle of the day, when the sun is at its ze-nith and there is no evident wind to move the hollow cylinders.
You move the shadows into their proper places, the lyrics into coherence, and the song into its beat.
xxx
Fine Tuning
We have met somewhere before between the lines of a song, beneath the frets of the blind man’s guitar, along the bars of a song sheet. Faceless entities say nothing abounds there, but those spaces have become my sanctuaries.
I twisted and turned the knobs on the neck of my mandolin to adjust the strings so I could hear you clearly, but you remained unclear like
An unfinished tune with unwritten lyrics, only an allusion to the song we were creating in our minds.
Trainspotters
You grasp my hand as the train we are in, hurtles at breakneck speed to wherever it is taking us. Before we boarded, you shook your head at me, no, no, I do not want to go, but if I really have to, I must always be with you.
The melody of the train’s wheels against the tracks deliver a portent, as if we are running away from something ominous, desperately wanting to move on. It does not matter to me, the destination, as long as the train does not stop its song, as long as you do not succumb to the gathering pressure that has been pulling you away.
My heart constricts, as you hold on tighter, not because of the speed that might throw us out of our equilibrium, but because you and I have come to a consensus that separation shall never bother our journey.
xxx
Vacancy
The collision of the door and its frame startles me as you walk out. There is nothing I can do but to stare at the space you have put between us, where there are only words to fill the gap.
The empty space gives me a sinking feeling; the sturdy foundation of this house has finally given way with the slamming of the door. I am caught amidst an expanse filled with words, phrases, and the lingering tinkle of your voice. Only now, the echoes that I hear are filled with a cacophony of angry screams, very much like the ones you left behind to keep me company.
Outside, the trees sway with the breeze, the sun shimmers behind the foliage, as if nothing painful transpired.
BABAE
Ang entidad na binuhay ng ligamgam at kalamigang itinago sa sumingaw na hamog, doon sa likuran ng aking pinapantasyang hindi kapani-paniwala. Ito ay pagharap sa salamin ng katotohanan na ang pagdating niya sa aking buhay ay para bagang mumunting agos ng tubig talon na dumaloy kasabay ng mahiwagang bulong na gumulo at labis na nagpasabik sa liwanag ng aking gunita. Siya ay ang nagniyebeng hangin sa inaari kong apoy at ang nagliliyab na haplos ng aking kalamigan, Siya ay ang katatagang hindi lumuluhod at ang matikas na signos nang pakikipagbuno ng aking pagnanasa’t pangangailangan.
Siya ay ang babasaging katauhan sa ilalim ng kay taas na pananagimpan, sa kanyang kabigha-bighaning anyo’y nagtatago ang kanyang kakulangan, at hindi siya kayang buwagin nang mabilis na bulusok ng sakit at kalungkutan, nanatili siyang nakatayo sa kabila ng kanyang kahinaan, Siya ay ang mukha ng isang libong hiwaga, at ako’y natisod at sa kanya’y nagpatirapa. Siya ay ang kasalanang handa kong harapin at ipagmalaki, ang dalisay na paniniwalang aking inaaglahi, Siya ay bunga ng pag-asa’t lunggati, nang pag-ibig at pagkasawi, nang pag-iisa’t paghikbi.
Ang katiwasayang tanging sa kanyang ngiti ko lamang matatagpuan, at doon sa kanyang piling naninirahan ang aking kabuuan. Tahimik kong hinihiling ang hampas ng walang hanggan sa aking pag-ibig, katulad ng mga nagkalat na buhangin at bituin sa kalawakan ng aking puso’t isip, at siya ay ang reyalidad na hindi ko kailanman maangkin, ang ilusyong mahawakan ko ma’y mananatiling hindi sa akin…
+Paumanhin kay Shannen… (faustus mat)+
Original Context
SHE
An entity of warmth and cold hidden in a mist of my delusions and fantasies. A mirror of realization as she entered like the cascading of catatonic lights in my mind. The freezing air of my fire and the burning touch of my ice. An unyielding guidon of my desires.
A fragile being beneath a castle of stone. In her resplendence hides her flaws. A torrent of pain and loneliness she flows yet she remains stark strong under her fragility. An enigma in my life I stumbled upon like a stone. My sin I am proud of and my virtue I am ashamed of. A child of hopes and dreams, of love and pain, of loneliness and sadness
The earthly feeling of tranquility and peace only in her smiles I found. The fulfillment and satisfaction only in her presence I had. A wish that this feeling would reach beyond infinity like countless sands and stars I see. A reality I will never have. I dream I will never grasp.
Sergey Lazarev - Beautiful (Sergey Lazarev)
Ngayong gabi’y maisusulat ko ang pinakamalungkot na hanay ng mga kataga
Ngayong gabi’y maisusulat ko ang pinakamalungkot na hanay ng mga kataga
Isulat, halimbawa, ‘ang gabi’y basag
At ang asul na tala’y ngatal sa kalayuan,’
Uminog ang samyo ng pang gabing hangin, at umawit sa panginorin.
Ngayong gabi’y maisusulat ko ang pinakamalungkot na hanay ng mga kataga
Inibig ko siya, at minsa’y gayon ‘din ang kanyang nadama.
Dahil sa mga gabing kapara ngayo’y yapos ko siya sa aking bisig
At sa ilalim ng imortal na langit
Siya’y aking hinagkan nang paulit-ulit.
Minsa’y inibig ko siya, at ako’y kanya ‘ding sininta
Paano mo nga ba hindi babathalain ang mga mata niyang payapa.
Ngayong gabi’y maisusulat ko ang pinakamalungkot na hanay ng mga kataga
Batid kong siya’y hindi ko na pag-aari. Dama kong sa aki’y tuluyan na siyang nawala.
Dinggin ang gabing kay lawak, na lalong lumawak sa kanyang paglisan,
At gumuho ang mga taludtod sa kaluluwa na para bagang hamog sa damuhan.
Ano nga ba ang mga kadahilanan at ang paglayo niya’y hindi ko nagawang pigilan,
Ang gabi’y wasak at ako’y nag-iisa.
Ito na ang kalahatan.
Mayroong umaawit doon sa malayo. Doon sa kalayuan.
At dahil sa kanyang pagkawala, hindi na makadama nang kainaman
Ang aking kaluluwa.
Upang sana’y muli siyang matagpuan, ibinaling sa kung saan ang aking mga mata.
Ang pusong patuloy siyang hinanap, ngunit siya’y wala na sa aking kalinga.
Pinaputla ang mga walang pagbabagong puno ng kaparis na gabi,
At ito’y naganap noong kami, kaming dalawa’y hindi na katulad ng dati.
Hindi na siya ang aking mahal, at iyan ay may katiyakan,
Ngunit siya ay inibig ko ng lubusan,
Ang tinig ko’y sumubok na ang pandinig niya’y katagpuin,
Kahit man lamang sana sa pamamagitan ng hangin.
Sa iba. Oo, siya’y inaangkin na ng iba. Katulad nang lumipas na halik,
Noong siya’y akin pang katalik,
Ang kanyang katawan at sa kasukdulan ng kanyang mga titig.
Hindi na siya ang aking mahal, at iyan ay may katiyakan,
Subalit maaaring siya pa din ang iniirog,
Ang pagmamahal ay kay iksi, at kay tagal nang paglimot.
Sapagkat sa mga gabing ganito’y alipin siya ng aking mga yakap,
At sa kanyang paglisa’y ang kaluluwa ko’y patuloy na naghahanap.
Ito na nga ang huling dalamhating sa aki’y kanyang ipalalasap,
At ito na din ang mga huling kulumpon ng tulang para sa kanya’y
aking isusulat.
(Mula sa kahilingan ng isang matalik na kaibigan)
roxette - spending my time
Tonight I can write the saddest lines.
Pablo Neruda
Tonight I can write the saddest lines.
Write for example, ‘The night is shatteredand the blue stars shiver in the distance.’
The night wind revolves in the sky and sings.
Tonight I can write the saddest lines.I loved her, and sometimes she loved me too.
Through nights like this one I held her in my arms.I kissed her again and again under the endless sky.
She loved me, sometimes I loved her too.How could one not have loved her great still eyes.
Tonight I can write the saddest lines.To think that I do not have her. To feel that I have lost her.
To hear immense night, still more immense without her.And the verse falls to the soul like dew to a pasture.
What does it matter that my love could not keep her.The night is shattered and she is not with me.
This is all. In the distance someone is singing. In the distance.My soul is not satisfied that it has lost her.
My sight searches for her as though to go to her.My heart looks for her, and she is not with me.
The same night whitening the same trees.We, of that time, are no longer the same.
I no longer love her, that’s certain, but how I loved her.My voice tried to find the wind to touch her hearing.
Another’s. She will be another’s. Like my kisses before.Her voice. Her bright body. Her infinite eyes.
I no longer love her, that’s certain, but maybe I love her.Love is short, forgetting is so long.
Because through nights like this one I held her in my armsmy soul is not satisfied that it has lost her.
Though this be the last pain that she makes me sufferand these the last verses that I write for her.




