Ang BABAENG hinugot ko sa aking pakpak..
ang seldang gawa ng iyong kariktan,
na akin ngayong kinasasadlakan,
ay hindi kayang buwagin ng unos,
at tunawin ng perpektong kirot
pitik bulag
October 30, 2010
Kagabi, parang bigla akong bumata nang labing anim na taon. napaka pamilyar nang pakiramdam, sabi ko sa sarili ko, dapat kapag dumadating ang ganitong pagkakataon dapat sanay na ako, dapat ‘di na ako nakakanti ng lungkot, dapat sa edad kong ito at dapat sa lahat nang dinanas ko, hindi na ako masasaktan.
tahimik ang buhay ko kahapon. walang masyadong diskurso at rigudon sa opisina, kahit na maraming trabaho at halos kasing kapal ng RA 9184 ang papeles ng mga suppliers na kailangan kong tawagan at kausapin para sa additional requirements nila at sa dami ng notices at resolution na dapat lakarin at i-follow up ay tahimik pa din ang buong maghapon ko, dahil naging abala ang utak ko sa trabaho at nakaligtaan ko ang mga bagay na nagpapabigat sa loob ko. pero dumarating talaga ang sandali na mauupo ako, bibigyan ng break ang sariling mag-isip, magyosi at magpahinga, at doon ko na naman mararamdaman ang chaotic resonance na nampe-pressure sa utak ko.
ayokong i-kwento ang mga bagay na iyon o ang mga dahilan, pero marami sila, minsan nga hindi ko na alam kung sino sa kanila ang uunahin kong pansinin, kasi lahat sila, nangangalabit, nagpapapansin, hindi nila ako nilulubayan, lagi silang nandiyan,
nananakit.
ganitong ganito ang pakiramdam ko noon, noong eleven years old ako, pagkatapos maganap sa buhay ko ang isang pangyayaring naging malaking parte sa paghubog sa akin kung ano man ako ngayon, kung bakit napakarami kong teenage angst, kung bakit madalas kong binebrainwash ang sarili kong utak sa mga bagay na ayokong tanggapin, dahil ayoko itong paniwalaan, dahil gusto ko itong takasan na lamang sana.
naaalala ko, pagkatapos iyong mangyari, naupo lamang ako sa isang sulok ng kwarto at nag-isip. maraming tanong ang biglang nagsulputan sa utak ko noon, mga katanungan na hindi ko masagot, sabi ko noon, ang bata bata ko pa para masagot iyon, tsaka ko na hahanapin ang mga kasagutan kapag matanda na ako. Umiyak ako noon, iyak na talagang iyak, iyong may kasamang sipon, hikbi at atungal. wala namang makakarinig sa akin, kasi mag-isa lang ako noon sa bahay. Iyon ang perfect cry ko, iyong kumpleto ang lahat ng sangkap nang pag-iyak, iyon ang huling perfect cry na ginawa ko,dahil pagkatapos nang araw na iyon, wala ng perfect cry na hinayaan kong maganap sa buhay ko.
…at ngayong matanda na ako, bakit hindi ko pa din alam ang mga sagot? bakit hindi tumigil sa pagsulpot ang mga tanong? bakit hinahabol nila ako?
kahapon, tamad na tamad akong mag internet. masakit na mata ko sa pagbabad sa computer, kaya sa CP ko na lamang ako nag check ng message. iyong dalawang hinihintay ko na messages ay hindi dumating, lumipas ang ala singko’t, ala sais hanggang sa makauwi na ako’y walang dumating, parang paghihintay ng mga signs, hindi mo alam kung darating pa ba, hindi mo alam kung may hinihintay ka nga ba.
Balak ko sanang mag MRT, kaso wala ako sa mood ma stress ngayong pauwi na ako, dahil ibang pagod at bigat ang nararamdaman ko ngayon. naramdaman mo na ba ‘yung parang nakahiga ka sa gitna ng dagat at lahat ng pressure ng tubig nakapatong sa dibdib mo habang may isang aninong hindi mo kilala ang kumakantot sa iyo? ganoon ang nararamdaman ko kagabi.
habang nasa daan ako’y hawak hawak ko ang CP ko, nagta-type ng message… pinag-iisipan kong mabuti ang mga sasabihin ko.
…alam mo ba na ang lungkot lungkot ko ngayon?
hindi ko agad sinend. kasi kanina, pinadala ko na ang message na iyon sa dalawang taong gusto kong hugutan sana ng lakas, ngunit pareho silang hindi nagreply.
ayokong maramdaman ulit ‘yung pakiramdam na ganoon, ‘yung mag-iinit ang mata mo pati ang dibdib mo pero mariin mo na lang na kakagatin ang labi mo kasi kailangan mong pigilan ang luha mo, dahil hindi iyon ang tamang oras at lugar para maging emosyunal.
ise-send ko na sana ang text message nang magblink blink ang gitnang button ng CP ko. May text message. Binura ko ang sinusulat kong message sa screen at agad na binasa ang message.
…bahala ka na, akala mo i-te-text pa kita? gudnyt!
para akong binaril sa nabasa ko. palihim kong pinunasan ng daliri ko ang sipong sumusungaw sa ilong ko at pinagpatuloy ang paglalakad ko.
pagkauwi ko ng bahay ay naabutan ko ang ate ko na nakabihis. ngiting ngiti siya sa akin. May date daw sila ng Bf niya at pagkatapos niya akong bilinan na may pagkain sa loob ng oven at bukas na siya ng umaga uuwi’y inutusan niya akong maghugas ng mga platong kinainan pa namin kagabi.
Gusto kong magwala. pero noong mga oras na iyon, doon ko naisip na wala kahit isang tao sa mundong ginagalawan ko ang nakakaalam at nakakaintindi ng mga pinagdadaanan ko, ng mga pinagdaanan ko, ng mga nararamdaman ko, ng mga naramdaman ko. wala.
habang naghuhugas ako ng plato’y gusto nang tumulo ng luha sa mga mata ko. wala na ang ate ko, umalis na. mag-isa na naman ako. parang noon, katulad ngayon.
naupo ako sa sofa at nagbasa ng mga messages sa inbox ko. naalala ko si mama, tinext ko siya. nangungumusta. pagkatapos ng isang minuto’y nagreply siya.
…bili mo ako ng isang kilong ubas, iyong seedless ha, dalhin mo bukas pagkaluwas mo dito.
pagkatapos ng reply ko sa kanya na “okay, ma…” wala na akong nareceive na text mula sa kanya.
kailan kaya may isang tao na maiintindihan ang gusto kong sabihin sa likod ng aking tahimik na salitang “kumusta ka na?” siguro, hindi na darating ‘yun.
pagkatapos kong magshower ay umakyat na ako sa kwarto. naupo sa gilid ng kama ko at nag-isip.
ilang tao na nga ba ang nangako sa akin na kaya nila akong alagaan, pasayahin at ingatan? ilan na nga ba ang nagsabing tatanggapin nila ako mula sa pinakapangit na bahagi ng pagkatao ko? na maiintindihan nila ang dark side ko?
pero wala silang ibang ginawa kundi ang basahin ako ng pilit, na parang naging isa lang akong malaking challenge sa kanila, challenge na kailangan nilang maipalabas ang mga sinisikreto kong emosyon, luha at kalungkutan. iyon ang mga bagay na hirap na hirap akong ipakita sa ibang tao.
lahat sila, hindi maintindihan ang pananahimik ko, para sa kanila, ang kagustuhan kong mag-isa saglit ay tanda nang panlalamig. at lahat sila’y hindi ko maramdaman tuwing kailangan ko sila, na kahit kasama ko sila, pakiramdam ko’y mag-isa pa din ako, na hindi ko maramdaman ang comfort na hinahanap ko mula pa noong pagkabata ko.
walang makakapagbigay noon sa akin, dapat ko na sigurong tanggapin na lamang sa sarili ko na isa akong talunan.
ngayon, kailangan ko na namang tahakin ang isang landas na kay lungkot, iyong landas patungo sa pag-iisa, at alam kong hindi ako mahihirapan dahil saulado ko na ang mga daan, ang bawat likuan, ang bawat kalye.
hindi ako maliligaw.
oo nga, iyon ang mga sandaling parang noon, katulad ngayon, dahil sa mga oras na iyon, durog ako, sa pangalawang pagkakatao’y naramdaman ko ang pagkadurog na iyon, at katulad noong unang beses, mag-isa ko itong dinadanas, wala akong kasama, wala akong karamay, marahil dahil hindi pa isinisilang o hindi pa dumarating ang taong nanaising makinig sa mga hinanakit ko sa buhay na hindi tatawa, hindi iaanalisa ang aking persepsyon, hindi hahamakin ang aking mga negatibong alaala, hindi magsasalita, makikinig lang.
marahil, sa pangatlong pagkakataong mararamdaman ko ang ganitong klaseng lungkot at pagkadurog ay sanay na ako, na hindi na ako masasaling o maaapektuhan kahit na ako lang ang tanging nakadarama nito. marahil manhid na ako,
sana, kapag dumating ang pangatlong pagkakataon na iyo’y wala na akong pakialam.
naisip ko na kailangan ko na ding muling umpisahan ang pag-iipon ng lakas. mag-ipon ng lakas na gagamitin ko upang muling umibig at magmahal, ang lakas na gagamitin kong sandalan sa pang-apat na pagkakataong mabibigo ako, katulad sa una,pangalawa at pangatlong pagkabog ng aking puso at pagsuko sa tawag ng pag-ibig…
alam ko na sa pang-apat ay maaaring muli akong masasaktan at mabibigo. at iyon ang bagay na paghahandaan ko.
muli akong magmamahal, alam ko… at lahat ng iniipon kong lakas ay lalakipan ko ng paniniwala, at iyon ang ibibigay ko sa babaeng muling magpapatibok sa puso kong kailangan ko munang patulugin at pagpahingahin.
dahil iyon lamang ang tangi kong maibibigay sa kanya. darating siya, alam ko, kung kailan, walang nakakaalam.
Nahiga ako sa kama at sinaksakan ng headset ang tenga ko. pinihit ko ng todo ang volume. at muli kong dinama ang sakit at lungkot. ito na muna ang huli, tsaka na ang susunod.
ipinikit ko ang mga mata ko at pagkatapos ng perfect cry na iniyak ko sa gitna ng malungkot na girlhood ko noon, pagkalipas ng labing anim na taon ay muli itong tumulo sa aking mga mata…
092 Paloalto - The World Outside (Paloalto)
Isang daang gabing pagluluksa
October 25, 2010
Ngayon,
Umaatungal ako na parang isang batang sabog,
At nakaligtaan kong ngumiti sa itim na
Tubig na inilalabas ng mata kong
Hindi sumusunod,
Sa lahat ng aking pinag-uutos…
“Bwakang ina ka, huwag kang umiyak!”
At pumila ako sa marungis na lababo,
Upang maghilamos,
At sa likuran ko ay ang mga kaluluwang
Pinolusyon ng sandamukal na libog,
At sa labas ng bintana ng aking buhay,
Ay ang mga gumagapang na katawang
Nakapangburol,
Nakakapanghilakbot,
Gusto kong matakot,
Nakakapanindig balahibo ang kanilang suot…
At nakita ko ang mga katawang yaon na
Nagpatong patong,
Nagkantutan…
At ang mga buto nila’y umigkas
At naging panggatong,
At sila’y sinilaban nang apoy sa kalan,
“Minumulto nila ako…”
Minumulto ako ng mga ungol nang pagkukunwari,
Isang sinungaling na orgasmong
Aking itinatahi,
Sa loob at labas ng aking ari.
At pinilit kong abutin ang mga tira tirang pagkain
Ng mga sandaling lumipas,
Mga alaalang inaagnas,
Inuuod at pinamamahayan ng lamok.
“marahil, matatamaan ng dengue ang puso kong
Nagsisimulang takasan ng antok…”
At ang kaluluwa ko’y nilalagnat,
Ang espiritu ko’y pinagpag,
Upang mahimbing sa pagkakatulog,
Ngunit ito’y ginising nang ang araw ay mahulog,
At sa sahig kong marupok,
Ito’y nambulabog…
At sa isang libong beses na umutot
Ang aking bibig,
Ngayon lamang isinuka ng aking sikmura,
Ang kasinungalingang
Hindi ko na maididighay,
O mailalalabas,
At ito’y magsisilbing lason,
Na sisira sa lahat kong relasyon.
Gusto kitang kausapin,
Gusto kong ang anino mo’y buhatin,
Upang ako sana ang maghagis nito sa hukay,
At ako ang sa iyo’y maglilibing…
“Huwag mong takasan ang ulan mahal ko…”
Gusto kong burahin ang ngiti sa iyong mukha,
Na sa aki’y lumalasing,
Na sa aki’y umaangkin,
Gusto kong burahin ang iyong mga halik,
Na hindi kailanman dadampi,
sa aking labi,
na napagod maghintay at umasam.
“Halika, salubungin natin ang umaga…”
Ang sambit mo.
Gusto kong tumanggi,
Ngunit hinawakan mo ang aking kamay
At hinila ako sa dalampasigan,
Kung saa’y naglaro tayo sa ulan,
At ang alon ay lumaki,
Naging halimaw,
At hinatak niya ako sa kanyang piling,
At ikaw ay nanatiling nakatingin lamang
Sa akin.
Ito marahil ang sandaling kailangang
Hugutin,
Ang mga inubang bulbol sa puking
Sinalanta nang tagtuyot…
Dahil ang ating kahapon ay pinagtaksilan
Ang ating ngayon,
At sila’y nagsabunutan,
Nagsuntukan,
At inawat sila ng mga pagkakataong
Sa limot ay nabaon.
Oo Mahal,
Kay lambot mo,
Ikaw ba’y nananabik din sa aking haplos?
Kailangan kong iabandona ang aking
Sarili,
Upang lumipad kasama ka,
At ako’y magiging ikaw,
At ikaw ay magiging ako…
Ito na nga ba ang ika-isandaang gabi ng
ating lamay?
Kailangan pa ba nating iburol ang
Mga aksidente sa ating buhay?
Kailangan pa bang ipagluksa ang
Malamig nating mga bangkay?
O baka maaaring,
Limutin na lamang ito na para bang
Hindi tayo kailanman namatay?
“Hindi maaari, dahil tayo’y totoong naganap.”
Napayuko ako at tumangis,
Hindi,
Hindi ako ang kailangan mo…
Ganito pala,
Ganito pala ang pakiramdam,
Puno ng init, puno ng alinsangan,
Mahal,
Ganito nga ang hanging aking sasambitin,
Dahil kakaiba ang natirang damdamin,
Kung isang birheng puki ang aking
Kakantutin…
(ginawa sa ilalim ng lamig ng pang alas kwatro y medya na hangin, Naikulta sa katawan ng paperbag ng oakwood)
Andrea V
October 24, 2010
Vale dicere
Malinis pa sa aking gunita ang alaala
ng samyo ng iyong katawan,
na parang isang matamis na pukyutang
saglit lamang ikinulong
sa kuna ng hurnuhan,
daig pa ang himulmol sa kipkip
bihis ng sanlibutan,
Mula sa tayutay ng kahiwagaan,
lakarin natin ang daang bakal
patungo sa pagsasanib,
nang galak at sakit,
ang banayad na simoy ng
pang umagang paghingal
ng kaluluwang pagal,
ay ikukurba ko sa iyong labi,
at dadamhin ito ng aking
daliri,
dahil ang lahat ng kadakilaan
ng ating daigdig,
ay nais kong iyong mabatid,
sa kabila ng pagkakapatid,
ng ating katotohanang lubid lubid,
mula sa pagkakaugnay nito
sa bangungot at panaginip.
Pukawin ang kahimbingan
ng paninimdim,
ipiit ang bighaning sa isip ko’y
hindi mapupunit,
ang hugis ng iyong katawan
sa bawat sulok ng aking palad,
at pangatalin ang bawat dulo
ng mundong
aking tatayuan,
habang binibigkas ko ang tulang
ukol sa iyo,
na sinisilaban ng init,
at pagtatakip,
(kailangan pa bang alalahanin
ang alaalang gula gulanit?)
hamunin ang kadiliman,
na nagnanais pumutol sa bulag
na pananagimpan,
at ang alimuom pagkatapos
ng ulan,
ang siyang gigising sa atin gamit
ang init at lamig ng isipan.
Ang hindi natin mawaring
kailaliman,
ay namukadkad sa kawalang-hanggan,
ang talimuwang na siyang
lumunod sa aking pagtinging
hindi mo magagawang suklian.
at sa sukdulan ng init nang taglagas,
ang simbuyo ng kalikasa’y mabibitak,
lumabay man ang lason ng balakyot mong ngiti,
sa ilalim ng ating pagkukunwari,
kagyat tayong mahuhubaran,
isilong man tayo sa lilim ng kalangitan,
puno ng kasiphayuan itong malalantad,
ikaw at ako,
kapwa nakakulong sa kabalintunaan
ng bawat saglit na paglalapit,
at agad na paglalayo,
na hindi natin maunawaan,
na hindi natin kailanman
maaaring
panghawakan…
at ipaaabot ko sa iyong pandinig,
ang aking hinagpis,
na para bagang isang warat na
tunog ng bagong silang mula
sa isang kay layong disyerto,
na mabilis na sinusukol ang
walang takot na mga minuto,
at dadanasin ko ang biglaang
sibasib,
at pilitin ko mang huwag mapagal,
kusa akong susuko,
at maninikluhod,
upang huwag mong ituloy
ang naudlot na paglayo,
at malalasahan ko ang kaalatan
ng aking mga luha,
na parang tilamsik ng mga alon
sa batuhan,
at sa pagsabog ng gapatak na ulang
tikatik,
(kailangan pa ba nating muling tumakas?)
at ang kalamidad sa aking dibdib
ay mapapalis,
sa tugatog at yungyong
nang ipinagkait mong halik.
Coheed And Cambria - Wake Up (Coheed And Cambria)
Andrea IV
Metamorphosis
Hindi ko hahangarin ang aking katawan
kung hindi ito nakadikit sa iyong balat,
na sa tuwing naglalaro ang aking balintataw
ay umaagapay ito palapit sa ating pag-iisa,
sa ating pagniniig,
dito’y madarama ko ang lamig
na hindi ko magagawang tunawin
at ang init sa aking kalooban
na hindi mo magagawang puknatin.
Oo Mahal,
hinahangad ko ang iyong katawan
sa ilalim ng aking kaluluwa,
ang mga kamay kong magpaparoo’t parito
sa bawat distrito’t kalsada ng buo mong
pagkababae,
kung saan sakbibi ko ang iyong pagtangis,
kung saan sa loob ng iyong mga halik
ako huhugpong
at buong magdamag tayong magtatalik.
Nais kong maramdaman ang iyong kahubaran,
mula sa iyong mukha
hanggang sa iyong sakong
ito’y aking dadamhin,
walang pasubali,
walang pagmamadali,
unti unti kang darating sa aking mga palad,
unti unti kang dadaong sa aking mga hawak,
at kapag ang lahat ng ito’y maganap,
hindi kita tatalikuran,
iwanan man tayo ng bukas.
Nais kong ipaloob ang iyong katawan
sa ilalim ng aking kumot,
at ang masusuyo mong yakap
ang siyang gigiba sa pananahimik
ng katreng kay tagal nag-isa,
mula sa loob niyon
ikaw ay aking hahatakin,
palapit sa aking dibdib
na walang takot na ika’y haharapin,
kung ang silakbo ma’y pumanaw
kasabay nang pagtilaok ng bukang liwayway,
ang luwalhati nang nagdaang
romansa’y madarama ko
sa tuwing papatak ang ulan,
dahil ang bawat paglagutok
ng iyong mga buto,
ang mga impit na tibok ng iyong puso,
ang nginig ng iyong kalamnan,
ang pagpitik ng iyong mga ugat
ay isang pagkahaba habang
prosang isinulat ko sa ating mga balat,
at ito’y hindi mababasa ninuman
kung tayo’y hindi magkayakap.
Hindi ko na kailanman hahangarin
ang aking katawan
kung ito’y hindi kaisa ng iyong kahubaran,
hindi ko na ipipikit ang aking mga mata
kung hindi ikaw
ang aking mapapanaginipan,
at kung ang gabi’y nabingi
at napagod nang pakinggan
ang sonata ng iyong mga buntong hininga,
mananatili akong himbing
sa iyong tabi
kapiling ang uyayi ng mga bulong
sa mabini mong pagbangon
ng dahan dahan,
at may ngiti sa labi kitang hahagkan
at pagdaka’y ikaw ay aking bibitawan,
dahil ang bawat kong madaling araw,
ay nagbagong anyo at naging…
Ikaw.
(at ang malambot na liwanag mo’y inulan ng isang kulupon ng mga paro paro)
Sada - By Your Side’ by Sade
Andrea III
Ang alamat ng babaeng natutulog sa buwan
Bula
nang-uuyam ang dagat,
ang alo’y pilit kang inilayo sa akin,
pagkatapos kong manabik,
na aawitan mo ako ng isang halik,
hindi ko inakalang madali kang
maglalaho,
umuga uga,
umikot ikot na parang ipo ipo,
at pagkatapos ng isang laksang
hampas ng minsan,
ang alaala mo’y nagmistulang
mga mumunting bula na lamang.
Agunyas
Gusto ko sanang magkunwari,
na ang lahat ay isang magandang musika,
na sabay nating aawitin sa dulo at gitna,
at ang halakhak mo ay isang tanda,
na maaari pa akong umasa,
mabuhay,
mamatay,
ngunit sadyang malupit ang tadhana,
dahil nais niyang saktan ako,
sa pamamagitan mo,
at ang inakala kong awit na sa aki’y
magliligtas,
ay isa pa lang masalimuot
na agunyas.
Bulwak
parang isang tahimik na unos,
mula sa ilalim ang nangyaring pagsabog
at ang bagyong kay tagal
kong hinintay,
ay dagling dumating sa aking pagkalito,
hindi ko inaasahan,
hindi ko na magawang takasan,
at ang kulay ng bahaghari’y
naging parang tubig,
at ang takipsilim ay pumutla,
parang pisnging hindi na dinaluyan
ng dugo,
parang pag-ibig kong nais nang
magpagupo,
ngunit sa tuwing ang katahimika’y lilipas,
ang alaala ng huli mong ngiti’y
parang bukal na bumubulwak.
Hamog
Naramdaman mo ba ang malamyos
na tunog ng ulan,
ang bango ng hanging sa kamalayan
nati’y dumadaan,
narinig mo ang ang malikot na tunog,
nang mga nagkikiskisang dahong tuyo’t?
naramdaman mo ba ang pagkabagot,
sa umagang kay lambot?
at naitanong mo na ba kung bakit
sa saglit nitong pagkawala,
ang hamog ay pumatak na parang
hindi nahihiya?
Sugat
At lahat ng ito’y binigyan ko ng pangalan,
ang lahat ay pag-ibig, ito ma’y
hindi ko maramdaman,
paulit-ulit akong magbabalik sa iyo,
paulit-ulit akong sasamba sa iyo,
kahit na sakit ang maging kapalit nito,
kahit na muli kang lumisan
at lumayo,
kahit hindi mo suklian at patuloy mang
mabigo,
ako ay mananatiling pag-aari mo,
at kung sabihin kong madali kitang
iiwan at lilimutin,
batid mo ang katotohanang kay
galing kong magsinungaling…
Electric Light Orchestra - Midnight Blue
Andrea II
October 21, 2010
Dagsin
Gumising ang gabi sa araw nang iyong paglayo,
kung saan ang liwanag ng buwan ay
nag-alay ng mahabang lasong pinalamutian
ko ng bulaklak na itinali ko paikot sa iyong mundo,
at ang mga piraso ng papel na sinulatan ko
ng bawat mong ngiti,
at luha,
na siyang nakapalibot sa kadiliman ng iyong buhay,
ay nagmistulang isang punyal na sa marahan mong
pamamaalam ay siyang humiwa.
at ngayong nagbalik ka sa kalawakan ng aking
panaginip,
nadama ko ang mumunting pagkinang ng
mga kulumpon ng bituin sa iyong tinig,
at ikaw ay ang aking ariwanas na parang isang ilog
na dumaloy sa aking ugat,
ang bulalakaw na may kalakip na pangako sa
bawat nitong pagbagsak.
kay tagal mo nang natutulog sa loob ng bilog na buwan,
kay tagal kong sinuyo ang liwanag mo’t mula
sa lupa, ikaw ay aking pinagmasdan,
batid kong ikaw ay dumaong sa dalampasigan ng
mga planeta,
lumutang sa makinang na sinag ng dilim sa galksya,
nais kong marinig ang iyong mga kwento’t tula,
mga salitang nahabi mo habang lumilipad ka…
——–kapiling ng mga masukal na metapora,
kung paanong ang takipsilim ay isa lamang malabong retorika.
sabihin mo sa akin,
totoo bang ang langit ay isa lamang kathang isip,
isang kasinungalingang pinalamutian ng mga patay
na talang namanhid sa sakit?
ibulong mo sa akin ang sagot,
at ikuwento mo sa akin kung paano mo hinugot,
ang basag na sikat ng araw—–
na tumabing sa pagbulusok ng bulalakaw.
Nais kong makita kung paano ka nagpadulas
sa konstelasyon,
patungo sa puso nang nangangatal na dapithapon,
at kung paano ka isinayaw ng hangin,
at kung paano mo tinuhog ang mga bituin,
at sa oras nang iyong pagbabalik sa mundo,
matatagpuan mo akong naghihintay sa iyo.
nais kong sambitin sa iyo na ito ang sandali
ng katotohanan,
ngunit ang lahat ng katagang namumutawi’y inisip
mong isa lamang kasinungalingan,
pangarap kong hawakan ang iyong mukha
at maramdaman ang iyong pag-iyak,
nais kong manatili sa iyong tabi at pagmasdan
ang nginig sa iyong palad,
nais kong maging bawat patak ng dugo na
dumadaloy sa iyong ugat,
ang dugong siya ding magpapatibok sa puso
mong nanghinawa nang mangarap.
at naramdaman ko ang iyong karagatang
inuulan ang aking kamalayan,
isang banyuhay sa buhay kong tigang.
tuwing sasapit ang pagbukang liwayway,
ikaw ay aking masisilayan,
at kung darating ang sandaling nais mong
muling lumutang,
nais kong maging dagsin na siyang hihila
sa iyo tungo sa katiwasayan,
at kung hindi ko mapigilan ang iyong pagpalaot,
at sa loob ng bilog na buwan ay nais mong
muling matulog,
hahayaan kitang lumipad patungo sa kalawakan,
hahayaan kitang muling magpalamon sa kadiliman,
…
hanggat hindi napapagod ang aking matang tanawin
ang malamyos na liwanag,
hanggat magagawa kong maghintay sa muling
paglapag ng iyong mga pakpak,
hanggat patuloy na magiging bilog ang buwan,
umasa kang ang pag-ibig ko’y hindi mapipingasan…
Sarah McLaughlin - Fallen
Andrea
October 3, 2010
Prologue
Kung kailan ang tula’y nilamon ng kawalang lumukob sa malaking distansiyang sa ati’y nakapagitan, kung kailan ang mga talinghaga’y naging kasing babaw na lamang ng mga damping nginig sa katawang dinaluyan ng pasmadong bathaluman, kung kailan ang mga higanteng kataga’y nagmistulang dwendeng detalye ng mga alaala ng iyong mukha, kung kailan ang puso’y kusa nang tumigil sa pagtibok at tumangging namnamin ang una’t huli nating pagkikita…
kung kailan ang sugat ay tumagos hanggang sa pinakadulong bahagi ng aking kaluluwa, kung kailan ang mga simbuyo ng damdamin ay nagpupumilit kumawala, kung kailan ang lahat ay nauwi sa masalimuot na pagniniig ng magkaibang hininga, kung kailan ang aking nabiyak na mundo’y tatahiin ng pait nang pagkabigong sa iyo lamang maaaring magmula…
kung kailan matututunan nating humabi ng mga pangako para sa isa’t isa, kung kailan natin matatanggap ang mga kadahilanang hindi sakop ng ating pang-unawa, kung kailan hindi mo na magagawa pang tumakbo at magtago sa daluyong ng mabilis na agos at bagyo, kung kailan magagawa mo nang harapin ang pagsapit ng gabi sa kalangitang ang buwan ay naging lumpo…
kung kailan malilirip mo ang tunay na nais at hangad ng pusong nagsusumamo, kung kailan tuluyan mong mauunawaan na ito’y hindi lilipas, hindi guguho, kung kailan ang dalawang landas na magkahiwalay ay matutong magtagpo, marahil dito’y makikita kita… marahil sa panahong iyon ay hindi na ikaw ang iibigin ko…
Katrina Carlson - Feel for Me
Siping
(Minsang nagtalik kami sa pamamagitan ng salita, siya at ako…)
Siping
Sinta at Beatrize
Ako,
Ay isang kaluluwang madaling nagpapatangay sa agos ng mundo,
Nagbibilang ng mga pusong bigo,
Na lumalabas at pumapasok,
Kumakatok at nambabasag ng mga kristal
Na alaalang,
Kay daling durugin upang gawing bubog,
Na isasapin ko sa iyong hihigang papel na nagliliyab,
Sumisikdo,
Ako,
Ay isang babaeng madalas mamilipit,
Hinahataw ang sarili ng sakit,
Naniniwala sa mga dwende’t nuno sa loob ng
Aking balatkayo,
Ayokong umasa sa iyo,
Ayokong maniwala sa iyong mga pangako,
Sapagkat ako’y nababalisa,
Sapagkat dama ko ang iyong pagkatakot
At alinlangan,
Na mas mabigat kaysa sa aking dibdib,
Magmimistula kang batong nakadagan sa aking
Mga paa,
Dahil naisin ko ma’y hindi ko na magagawa pang
Sa iyo’y lumayo.
Ako,
Ay hindi naniniwala sa pag-ibig,
Ang bawat pagsikdo ng dugo’y isa lamang
Gambalang sa aki’y mananakit,
Nangangambang bumitaw sa mga bagay na
Aking hawak,
Nangangambang umaming ako ma’y
Marunong ding mangarap…
Ako,
Ay isang prinsesang nasa loob ng madilim na
Kastilyo,
Na ginawa ko sa pamamagitan ng buhanging
Ginto,
Naghihintay sa kamay na sa akin ay sasagip,
Ngunit nababahala sa init na dulot ng iyong
Mga bisig,
Ang mga pangarap ko’y gawa sa nanlalabong
Bukas ng aking kabataan,
Ngunit nauunawaan ko,
Ikaw ang aking kaharap,
Ikaw ang aking ngayon, ikaw ang aking bukas.
Kami,
Hawakan mo ang aking kamay,
Hindi ako sa iyo bibitaw,
Damhin mo ang aking mga halik,
Ako man sa iyo’y umiibig,
Sa bawat dilim ng ating daigdig,
Ako sa iyo’y kakapit,
Sa walang hanggang paghikab ng nagmamaktol na takipsilim.
kapwa natin itong dadamhin,
Sabay nating susuungin ang dilim,
at sa gitna ng bangis ng mundo’y
tayo’y magsisiping…




