Ang BABAENG hinugot ko sa aking pakpak..
ang seldang gawa ng iyong kariktan,
na akin ngayong kinasasadlakan,
ay hindi kayang buwagin ng unos,
at tunawin ng perpektong kirot
Isang tanghaling binilhan kita ng lobong kulay pula
December 6, 2009
MoZella - Light Years Away (MoZella)
1
Maya…
Binilhan kita ng dalawang lobo.Kulay pula kasi iyon ang paborito mong kulay. Sabi ko sa iyo,may sorpresa ako sa iyo pag-uwi ko hindi ba? Ito na yun,itong dalawang lobong pula ang sorpresa ka sa iyo.Sana,maging masaya ka.Alam ko,magiging masaya ka.
Naglakad ako sa kalye patungo sa iyo. Palubog na ang araw. Kulay bagong balat na dalanghita ang langit at mamya lamang, magiging kulay pula ito,katulad ng dalawang lobong binili ko para sa iyo.
Makikita mo mamya, magiging pula ang daigdig.Magiging pula ako.Magiging pula ang buong paligid. Magiging pula ka.
Naupo ako sa damuhan.Tumawa ako nang tumawa habang mahigpit ang pagkakahawak ko sa tali ng dalawang lobo. Mahirap na,baka kumawala pa.
2
Napakaganda mo, alam mo ba iyon? Sa unang pagkakataong nakita kita sa isang sulok ng classroom natin habang tahimik kang nakikinig sa lecture ni ma’am husayan tungkol kay martin luther,umibig na ako sa iyo.Kaya nga hinabol habol kita.Kaya nga kahit sinasabi ng mga kaibigan ko na nagpapakatanga ako sa iyo,minahal pa din kita.Kahit na malayo ang agwat ng katayuan natin sa buhay,minahal pa din kita.Hindi ko alam kung bakit.Basta ang alam ko,wala akong pakialam sa sinasabi ng iba.Mahal kita.May mas mahalaga pa ba doon?
3
sabi mo noong unang pagkakataong nagtalik tayo,para kang naging isang lobo,napakagaan ng iyong pakiramdam,para kang lumilipad sa itaas ng mga ulap. Parang pinuno ng hangin ang iyong paligid…
Naaalala mo ba?
Kaya nga binilhan kita ng dalawang lobong kulay pula.Para silang tayong dalawa.Ikaw at ako.Lilipad paitaas. Mataas na mataas.
Ang dalawang lobong ito ang maghahatid sa atin sa kulay pulang langit.
Ang ating langit.
4
gusto ko sanang ipaalala sa iyo kung bakit mo ako inibig noon.Kung pa’no mo binigyan ng pagkakataon ang ating mga sarili na magkaroon ng isang relasyon.
Umuulan noon. Sinundan kita pauwi sa inyong lumang apartment.Nanatili ako sa labas ng inyong gate.Birthday mo kasi.Gusto ko sanang ibigay ang white gold ID bracelet sa iyo.
Hinihintay kitang sumilip sa bintana o lumabas saglit sa pintuan ngunit nabigo ako.
Matagal akong naghintay sa iyo.Paalis na ako nang lumabas ka ng pinto, umupo sa tapat ng tarangkahan at nanigarilyo.Umiiyak ka kaya nilapitan kita. Gulat na gulat ka nang makita mo ako,gulat na gulat din ako nang makita ko ang duguan mong kamay at ang bahid ng dugo sa iyong damit.
Umiyak ka.Malakas. Yumakap ka sa akin ng mahigpit.
…Napatay ko siya,Pero hindi ko sinasadya…
5
pinaliguan kita.Nilinis ko ang katawan mo.Patuloy ka sa pagluha. Ilang beses kitang binulungan at niyakap at hinagkan.Hindi ka tumanggi,bagkus, nang inihiga kita sa kama at marahang pinatungan at inangkin,buong puso kang nagpaubaya…
Iyon ang pinakamasayang araw sa buhay ko.Sana, iyon din ang pinakamasayang araw sa buhay mo.
6
ibinalot natin ang duguan niyang katawan sa kumot.Magkatulong nating hinatak ito at isinakay sa compartment ng kotse ko.Bago tayo umalis upang ilibing ang bangkay ng iyong ama sa isang malayong probinsiya, hinawakan mo ang kamay ko at hinagkan ako ng mariin sa aking labi.
7
…Bakit?
…Anong bakit?
…Bakit mo siya pinatay?
…Si papa?
…Oo,bakit mo pinatay ang papa mo?
…Kasi—
…Kasi?
…Simula pa noong bata ako,ginagahasa niya na ako—
…Bakit hindi ka nagsumbong?
…Kanino? Wala akong matakbuhan.Ang sabi ko sa kanya,kung kakantutin n’ya ako, bukas na lang, i-regalo n’ya na sa akin ang araw na ‘to, birthday ko naman, pero ayaw n’ya, hindi n’ya ‘ko pinakinggan.
Katahimikan
…Gusto ko sana—
…H’wag ka mag-alala, sikreto natin ‘tong dalawa.Ikaw lang at ako ang makakaalam nito,tayo lang dalawa.
8
hindi mo alam,matagal na akong nakatayo dito.Hawak ang dalawang lobong pula,nakatanaw sa inyo.
Tumingala ako sa langit.Kulay bagong balat na dalanghita pa din ang kalangitan.Ngunit nararamdaman ko na maya maya lamang,magiging pula na ang lahat.Lahat lahat.
Bakit?Bakit maya?
Malayo pa din sa iyong kaalaman na dumating ako nung tanghaling iyon,dahan dahan kong binuksan ang pinto at sinalubong ako ng kadiliman ngunit sa gitna ng dilim ay nakakita ako ng kulay pula.Magkalapat na katawan.Hindi ko narinig,bagkus nakita ko sa dilim ang mga ungol mo.Ang mga ungol n’yo.
Bumabayo.Umiigtad.Lumiliyad.
Isinara ko ang pinto, hindi ko na kailangang alamin ang kanyang pangalan o ang iyong mga dahilan.Hindi na.
Tutupukin kita,katulad ng ginawa n’yong pagtupok sa inyong katawan gamit ang init ng iyong pagtataksil.
Tulog na tulog ka pa din.Hinaplos ko ang iyong mukha.Hinagkan ang iyong pisngi.Itinali ko ang isang lobong pula sa headboard ng kama at lumabas ako ng kwarto.
Pinaliguan ko ang bahay natin,kawangis ng ginawa kong pagpapaligo sa iyo noon.Binuhusan ko ang bawat dingding,at bawat sahig.
Tumayo ako sa labas at muling tumanaw sa langit…
Sinindihan ko ang aking pag-ibig at ikaw ay nagliyab. Parang narinig ko pa ang pagputok ng lobo na nakatali sa headboard ng kama natin.
At nakita ko ang paglaki ng apoy ng aking pag-ibig na lumalamon sa iyo.Kasing kulay ng dapithapon.
Binitawan ko ang lobo at pinagmasdan ko ito habang pataas na lumilipad papunta sa langit na unti unting nagiging kulay pula.
Patungo na ako sa iyo.
Dahil ang iyong kamatayan ay ang langit kong inaasam…




