Ang BABAENG hinugot ko sa aking pakpak..




ang seldang gawa ng iyong kariktan,

na akin ngayong kinasasadlakan,

ay hindi kayang buwagin ng unos,

at tunawin ng perpektong kirot




Home » Post Item » LIRA

LIRA

November 28, 2009

asin-Buklod - Kanlungan (buklod)

 

Abot tanaw ko lamang mula sa aming maliit na dampa ang malaki’t kulay kremang bahay nila Lira. Ang tawag namin nila Bodgie dito ay higanteng bato, dahil ‘di tulad ng aming mga bahay, ang tirahan nila Lira ay gawa sa bato.

          Minsan ko lamang noon kung makita si Lira, nasa loob ng malaki at magarbo nilang tarangkahan. May yakap-yakap na magandang manika na may blonde na buhok, blue eyes, mapupulang labi, at naka suot ng checkerd na jumper at white socks at checkerd din na doll shoes at nagsasalita ng; “C’mon, lets play!” at “Hi! I’m fenny and I’m your bestfriend forever!” at pumipikit ng kusa ang mata tuwing ihihiga mo at babatiin ka ng; “good night!”…

          Pinagbabawalan ako ng nanay na makipaglaro kay Lira, Kahit na gustong gusto ko siyang lapitan at kausapin tuwing binebentahan ng Nanay ang katulong nilang si Zayda ng kakanin tuwing meryenda.

          ‘’Mayaman si Lira, tayo, mahirap lamang kaya’t ‘di kayo bagay na maging magkaibigan.’’

          Iyon ang palaging sinasabi ng Nanay. Ngunit nag-iba ang lahat nang dumating ang kaaya-ayang hapon na iyon.

          Nawili noon ang Nanay sa pakikipagkwentuhan kay Zayda kaya’t dahan-dahan at maingat akong pumasok sa bukas na tarangkahan. Nakita ko si Lira na nakatalungko sa lupa at umiiyak. Nilapitan ko siya.

‘’Bakit ka umiiyak?’’

Nag-angat siya ng tingin at marahang humikbi.

          ‘’Patay na si Ben.’’ Umiiyak niyang sagot at ipinakita sa akin ang kulay berdeng ibon na wala ng buhay na nakahimlay sa kanyang mga palad.

          ‘’Lumipad si Rosy kagabi, nakatakas sa hawla, kaninang umaga, buhay pa si Ben pero nang tignan ko siya kanina’y patay na siya.’’

          Tumalungko ako sa tabi niya at maingat na kinuha si Ben sa kanyang palad.

“Kumuha ka ng dalawang malaking dahon, tapos mga bulaklak ng sampagita tsaka pang hukay…”

“Ano gagawin mo?”

“Ililibing natin si Ben. ‘di ba kapag ang isang mahal natin sa buhay ay namayapa na, inililibing natin ng maayos?”

Tumango siya at walang imik na sumunod sa inutos ko.

Naghukay ako ng lupa. Tamang-tama lamang ang lalim at sukat para sa ibon. Sinapinan ko ng dahon ng papaya at tsaka namin doon inihimlay si Ben, tinakpan namin ng isa pang dahon ng papaya tsaka ako pumikit ng mariin.

“Anong ginagawa mo?”

“’Wag ka maingay. Nagdadasal ako. Ikaw din, dasal ka din, ‘di ba mga patay dinadasalan bago tinatakpan ng lupa?”

Agad siyang sumunod.

Pagkatapos namin magdasal ay isa-isa kong nilagay ang nga bulaklak ng sampagita sa hukay, gumaya din siya at tsaka ko tinabunan ng lupa ang libingan.

“Anong pangalan mo?” Tanong niya sa akin pagkatapos niyang magpahid ng luha sa mga mata.

“Dana”

“Ako, Lira pangalan ko. Bigay ng Mama”

“Ako din, Nanay ko nagbigay ng pangalan ko.”

Tumayo na ako at nagpagpag ng kamay at puwitan. Tumayo din siya. Mag kasing laki lang kami, marahil, hindi din nagkakalayo ang edad namin.

“Aalis ka na?”

“Magtitinda pa kami ng nanay.”

“Ano tinitinda nyo?”

“Kakanin.”

“Bilhin ko nalang lahat para ‘di na kayo maglako. Dito ka muna.”

“’di pwede, pagagalitan ako ng Nanay ‘pag nalaman niya na nakikipag-usap ako sa iyo.”

“Ha, bakit?”

“Basta!”

Tumalikod na ako at nagsimulang maglakad palayo nang humabol siya sa akin at hinawakan ang kamay ko.

“Friends na tayo ha?”

“Hindi pwede.

“Bakit?”

“Magagalit nga ang nanay.”

“Bakit?”

“Kulit mo naman.”

“E ‘di secret lang natin.”

Saglit akong nag-isip.

“Bukas, mamumulot ako ng madaeng puting bato sa dalampasigan, gagawan natin ng palatandaan iyong libingan ni Ben.”

Ngumiti siya sa akin. Masayang masaya siya sa sinabi ko.

“Asahan ko iyan ha. . .”

“Oo. Pangako.”

Simula noo’y naging matalik na kaming magkaibigan ni Lira. Madalas, tumatakas ako kay Nanay, nagdadahilan para lamang h’wag niya akong isama sa kanyang pagtitinda, upang makapunta ako sa higanteng bato, doon… sa mataas na tarangkahan, doon sa libingan ni Ben, doon sa piling ni Lira.

Inilihim ko lamang kay nanay ang tungkol doon, dahil batid ko na ikakagalit niya ang pakikipagkaibigan ko kay Lira, at kapag nangyari iyon, pagbabawalan na niya akong magtungo o sumilip man lamang sa higanteng bato.

Hindi na siya noon humiwalay sa aking tabi. Mas gusto niyang sumama sa akin sa bukid at manghuli ng tutubi at mamangka sa ilog kasama nila Bodjie, Kokoy at Sara, at maligo sa dagat at humiga sa buhanginan at magpayakap sa init ng araw at magtaguan sa bakuran nila Kokoy…Minsa’y isinasama niya kami sa  higanteng bato at buong pagmamalaki niyang ipinakikita kina Bodjie ang libingan ni Ben at walang sawa n’yang iku-kwento kung pa’no nagsimula ang aming pagkakaibigan, kahit na ba ilang ulit na niya itong nasabi.

Ngunit isang gabi, sa loob ng maliit naming bakuran ay nagtipon-tipon ang mga kasamahan ng Tatay na mga magsasaka. Palihim akong nakinig sa kanilang mahihinang usapan.

“Pero nangako sila noon na hindi magtatagal ay mapapasakamay  na natin ang titulo ng lupang ating sinasaka, kinalakihan na ng siyam kong anak ang pangakong iyan, ngunit hanggang ngayo’y tayo ay alipin parin!”

Galit na pahayag ni Mang Ruben. Ang ama ni Bodjie. Kay layo niya sa lalaking nakilala kong magiliw sa tuwing naglalaro kami sa likod bahay nila Bodjie at minsan pa nga’y pinipitas kami ng mangga at pinabibigay sa aming mga Ina. Dahil ang Mang Ruben na nakikita ko ngayo’y hindi na magiliw, ang mga ngiti niya’y naglaho na’t napalitan nang pagkapoot.

          “Tayo ang nagkakandahirap ngunit tayo pa din ang nagugutom.” Pahayag naman ng isa pa nilang kasama.

          “Noong magkasakit si Sara’y humingi kami ng tulong sa kanya ngunit ipinagtabuyan niya kami na parang hayop. Buti na lamang at natulungan ako ni Kapitan Amado at ni kaibigang Sergio at napaospital ko ang aking anak.”

          Malungkot naman na salaysay ni Mang Julio. Ang ama ni Sara.

          “Kapag ako”y hindi nakapagpigil ay bigla ko na lamang ikakalawit ang lubid ng aking kalabaw sa kanyang leeg at nang tuluyan na siyang mamatay!”

          Hindi ko man lamang narinig si Ama na nagsalita. Nanatili lamang siyang tahimik at kalmado.

          Kagaya ng amang nakalakihan ko. Hindi tulad ni Mang Ruben na nagpalit anyo, mula sa magiliw na lalaki’y nagmistula siyang halimaw o kay Mang Julio na kinakitaan ko ng kawalang pag-asa noong gabing iyon.

          Hindi ko pa noon lubusang naiintindihan ang kanilang mga pinag-uusapan, nagpatuloy ako sa pakikipagkaibigan kay Lira at tuluyang nabulag sa katotohanang nakasambulat sa aking mga mata.

          Noong tumuntong ako sa hayskul ay lalong naging malapit kami ni Lira sa isa’t isa. Sa akin siya lumalapit kung may hindi siya naintindihan sa matematika at sa akin din siya madalas magpagawa at magpatulong sa kanyang mga proyekto.

          Lagi akong binibigyan ni Lira ng mga gamit na mamahalin at pangmayaman. Katulad ng kero keropi na bag at Barbie na mga notebook at sign pen at Garfield na panyo at stationary at slumbook at noong kaarawan ko’y palihim kaming nagtagpo sa dalampasigan (dahil hind ko siya naimbitahan sa maliit na salo salo sa aming bahay) at iniabot niya sa akin ang isang malaking kulay pink na paper bag at nakangiti niya akong niyakap ng mahigpit.

          “Lira, nakakahiya naman sa iyo, lagi mo na lang akong nireregaluhan.”

          “Okay lang ‘yon, friends tayo ‘di ba?”

          “Salamat. Ano ba ‘to?”

          “Basta, tignan mo na lang ‘pag wala na ‘ko sa harap mo.”

          “’Di ba, sabi mo’y may ike-kwento ka sa akin?”

          “Ay, oo nga pala…Alam mo ba, pagkagraduate natin ng hayskul, sa Maynila na ‘ko magkokolehiyo at sasali ako sa theater workshop ng PETA.”

          Masaya niyang kwento habang parang nangangarap na nakatitig sa karagatan.

          Noong gabing iyon ay hindi ako nakatulog. Buong gabi kong yakap-yakap ang kulay asul na Teddy bear na binigay sa akin ni Lira at pinagmasdan ang silver I.D bracelet na may dalawang pangalang nakasulat doon, DANA-LIRA na hindi ko isusuot kapag kasama ko ang nanay dahil siguradong makakagalitan lamang ako nito.

          Hanggang sa dumating ang tag-tuyot.

          Papalubog na noon ang araw, magkatabi kaming naupo ni Lira sa batuhan na nasa gilid ng talon.

          “Gusto kong maging isang popular na Theater Actress makapagperform sa makulay at mamahaling Teatro sa Paris…” Ang sa kanya.

          “Gusto kong maging Guro. Iyon. Iyon ang gusto ko.” At ang akin.

          At bigla niyang hinawakan ang kamay ko ng mahigpit. Bigla na lamang ang kabog ng aking dibdidb at hindi ko lubusang maunawaan iyon.

          Hinawakan n’ya ang kamay ko at lumusong kami sa tubig at lumangoy at naglaro at nagtawanan at nagyakapan. Pagkatapos ay hinila n’ya ang kamay ko at umahon kami sa tubig, muli kaming naupo sa batuhan. Pinunasan  n’ya ng panyo ang basa n’yang mukha, ang kanyang leeg, ang kanyang braso…nakatingin lamang ako sa kanya.

          “Hindi ka ba giniginaw?” ang tanong niya sa akin.

          Iling lamang ang isinagot ko. Dahan dahan kong hinubad ang puti kong uniporme. Napatitig siya sa dibdib ko na natatabingan lamang ng isang puting sando.

          Bigla siyang tumawa ng malakas. Hindi ko siya pinansin. Hinugot ko sa aking bulsa ang panyo at sinimulan kong punasan ang basa kong mukha’t katawan.

          Tumigil siya sa pagtawa at pinanuod lamang ang aking ginagawa, nang matapos ako’y yumakap s’ya sa akin at hinalikan ako sa labi.

          Iyon ang unang halik na namagitan sa amin ni Lira. Hindi iyon aksidente ngunit hindi din namin iyon sinasadya.

          Hindi namin lubusang maintindihan kung kailan ba nagsimulang maging espesyal ang pagtitinginan naming dalawa, ngunit batid namin at nararamdaman namin ang kasiyahang idinudulot ng mga sandaling kami ay magkasama at dinadama ang  musmos naming pagtitinginan.

          Graduation noon. Niyaya ako ni Lira na sumama sa kanila ng mga kaibigan niya sa Puerto Galera. Pagkatapos nang dalawang gabing pagluha at pagtatampo ko’y pinayagan din ako ng Nanay at Tatay sa pag-aakalang ang kasama ko ay ang aking mga kaklase at ipinagdiriwang lamang namin ang aming pagtatapos.

          Tatlong araw kaming namalagi sa Puerto Galera, at doo’y naging lubos kaming malaya ni Lira. Nagtalik kami sa unang pagkakataon. Hindi pa namin lubusang alam ang bagay na iyon ngunit ang nadarama naming pag-ibig para sa isa’t-isa ang nagturo sa amin kung pa’no kami tuluyang magiging isa.

          At kami’y nagtalik. Buong magdamag. Para bang sabik na sabik kami sa isa’t-isa. Sa loob ng tatlong araw namin sa Puerto Galera’y naintindihan ko ang isang klaseng unawaan na agad na nagaganap sa pagitan namin dalawa, sa simpleng pagtama pa lamang ng aming mga mata.

          Subalit hindi ko inaasahan ang sasalubong sa aking balita pagbalik namin sa Sta. Barbara.

          Nakakulong ang Tatay. Sa salang tangkang pagpatay kay Don Ecleo. Ang ama ni Lira. Ang ama ni Bodjie na si Mang Ruben ay patay na at nakaburol sa kanilang maliit na dampa.

          At ang Amang hinahangaan ko’y nagmistulang hayop sa maliit na piitan. Ang mata niya’y kay tamlay at ang pagkakahawak niya sa aking kamay ay kay higpit. Mayroong nais ipaliwanag.

          Lumuha ang aking Ina ngunit ako’y nanatiling nakatayo doon at ang mata ko’y kababakasan ng poot, ng isang klaseng moog na hahamon sa kadakilaan ng aking pag-ibig.

          Pagkatapos ng isang linggong pagkakapiit ng Tatay ay binawian siya ng buhay. Ayon sa mga gwardiya’y hindi siya kumakain at umiinom man lang ng tubig dahilan nang kanyang panghihina na kanyang ikinamatay. Ngunit ang mas masakit doo’y hindi namin nakita ni nanay ang kanyang bangkay. Ilang beses kaming nagtungo sa Munisipyo upang humingi ng tulong ngunit walang sinuman sa kanila ang nakapagsabi kung nasaan ang bangkay ng tatay.

          Dahil dito’y madalas kong nakikita ang nanay na nakatulala sa kawalan. At isang gabi, pagkatapos niya akong kantahan sa aking pagtulog at hagkan sa buhok, paulit-ulit siyang nagwika:

          “Magpapakabait ka Dana….”

          At kinaumagahan, sinabayan nang pagtilaok ng manok ang aking malakas na pag-iyak. Natagpuan ko ang bangkay ng nanay, nakabitin sa punong Mangga.

          At katulong si Bodjie, si Sara at Kokoy, sinunog namin ang bangkay ng nanay at ako’y dinamayan nila sa aking paghihinagpis.

          Ang ama ni Sara at Kokoy at iba pang kalalakihan ay nagtungo na sa bundok upang maging tulisan.

          At sa aming mga murang edad, kasama pa ang ilang kabataang nawalan din ng Ama, Kapatid at Ina dahil sa ginagawang panunupil ng mga sundalo sa mga pinagbibintangang tulisan ay bumuo kami ng isang lihim na samahan, samahang unti-unting lalaban sa mayaman at mapang-aping ama ni Lira.

          At si Lira…

          Nagkita kaming muli. Minsan sa gilid ng talon. Nagulat siya nang makita akong naroon sa batuhan at pinapanuod ang kanyang paglulunoy sa malinaw at malamig na tubig.

          “Dana. .Anong ginagawa mo dito?”

          “Bakit, pag-aari niyo din ba ang talon?” May bakas ng galit ang aking tinig. Lumangoy siya palapit sa kabilang batuhan, kinuha ang kanyang damit at umahon. Itinabing niya ito sa kanyang katawan at akma siyang magtatago sa likod ng isang malaking bato upang magbihis nang mabilis na tinungo ko ang kinalalagyan niya at mahigpit kong hinawakan ang kanyang braso.

          “Magtatago ka pa, ilang beses na ba kitang nakitang nakahubad?” at inilapit ko ang mukha ko sa kanya at tinitigan siya ng pailalim. “Pinagsawaan ko na yan Lira, mahihiya ka pa ba sa akin?”

          Pinamulahan siya ng mukha. Isang malakas na sampal ang ibinigay niya sa aking pisngi. Galit na itinulak ko siya pabalik sa tubig. Bumagsak siya at ang paghampas ng kanyang katawan sa tubig ay gumawa ng isang mahinang tunog na parang dumaang hangin at ang tubig sa ilog ay nagkaroon ng mumunting bilog.

          Galit s’yang nagmura.

          “Huwag mo ‘ko mumurahin!”

          “Bakit mo ‘ko tinulak?”

          “Dahil mamamatay tao ang Tatay mo!”

          “Hindi ‘yan totoo!”

          Galit siyang umahon ng tubig at hinarap ako nang nagpupuyos niyang mga mata. “Namatay ang Tatay mo dahil pinagtangkaan niyang patayin ang Tatay ko!”

          “Dahil dapat lang na mamamtay ang Tatay mo!”

          Lalo saiyang nagalit sa sinabi ko. Itinulak niya ako ngunit hindi ako natinag sa aking pagkakatayo. Tumalikod siya sa akin at nagbihis. Humakbang siya palayo.

          “Patay na ang Nanay.” Mahina kong naiwika sa kanya.

          Nahinto siya sa paglalakad, lumingon siya sa akin at nagtama ang aming mga mata. Ang kaninang galit sa kanyang mata’y nahalinhinan ng awa at simpatiya at lungkot at pag-unawa at pagmamahal…

          Patakbo siyang lumapit sa akin at niyapos ako na may pagsuyo. Parang noon, katulad ng dati.

          Matagal kaming natulos sa pagkakatayo, ang paligid nami’y nawalan ng oras, nawalan ng hangin at nawalan ng pandamdam, naglakad ako sa batuhan. Sumunod siya sa akin. Hindi ko alam kung saan ako patungo, ngunit parang may isang p’wersa ang nagtutulak sa akin na taluntunin ang mga batong yaon… parang may misteryo sa duluhan, isang misteryong naghihintay na matagpuan.

          At unti-unting sumangsang ang hangin. Parang hinahalukay ang aking sikmura. At mula sa malayo, natanaw ko ang isang bangkay na pinanggagalingan ng amoy. Bumilis ang aking paghakbang, nanatiling nakasunod sa akin si Lira at sa malapita’y mas nakakasuka ang mabahong amoy, parang bulok na basurang natambak na ng ilang taon.

          At kilala ko ang puting kamiseta de tsino na yaon at ang itim na pantalong kupasin… bagamat ‘di ko na makilala ang mukha sapagkat naaagnas na’y alam kong ang Tatay yaon.

          Sinungaling sila. Hindi tototong ang Tatay ay namatay dahil sa hindi pagkain at pag-inom ng tubig..

          Sapagkat ang damit niya’y may bahid na natuyong dugo, may maliliit na butas ang damit niyang iyon..

          Umiiyak na napaluhod ako sa gilid ng bangkay. Niyakap ni Lira ang aking nanghihinang katawan.

          “Pinatay nila. . .pinatay nila ang tatay!”

          At ang aking kamay ay dumakot sa lupa at ang luha ko’y pumatak at bumuhos na kasing bilis ng tubig sa talon.

          Tumayo ako’t kumuha ng isang putol na sanga ng kahoy at nagsimula akong maghukay. Tumulong si Lira ngunit agad ko siyang pingtulakan.

          “H’wag kang makialam!”

          Hindi siya kumibo. Naupo siya sa isang tabi at pinapanuod ako sa aking ginagawa.

          “Naaalala mo, sa ganitong paraan tayo noon nagsimula, nang mamatay si Ben. Magkatulong natin siyang nilibing…”

          “Si Ben ay ibon, ang Tatay ko ay tao!”

          “Sa ganitong paraan din ba tayo maghihiwalay Dana?”

          Hindi ako sumagot. Pinagpatuloy ko ang paghuhukay. Hinila ko ang bangkay ng Tatay at ito’y buong respeto at pagmamahal kong inilibing.

          Nilisan ko ang lugar na iyon nang hindi lumilingon, kahit na halos mawalan na ng tinig si Lira sa kasisigaw ng aking pangalan…

 

Ang mundo ay kulay pula. Ang dapit hapon ay nang-uuyam, ang kulay ng kalangita’y parang lupang dinanakan ng dugo ng aking Ama, ng Ama ni Bodjie at ng iba pang namatay sa pakikipaglaban sa karapatan para sa lupang buong buhay nilang sinaka.

          Umihip ang hangin at ang ibang hibla ng mahaba kong buhok ay tumabing sa aking mukha at naihiling ko sa aking sarili na sana’y kaya din nitong tabingan ang sugat ng aking pagkatao.

          Naupo ako sa aking luklukan at dumating si Bodjie kasama si Sara. May dala silang mga baril at mga bala, pinagmasdan ko ang aking dalawang kaibigan. Malayo na sila sa dating Bodjie na palaging nakatawa, palabiro at mahilig mambilog ng ulo ng mga babae dahil ang Bodjie na kaharap ko ngayon ay isang binatang may matatag na paninindigan, at sa Sara na dati’y maharot at magiliw sa kahit na kaninong tao dahil si Sara ngayon ay puno na nang kaseryosohan sa mukha at wala ang ngiting laging nakaguhit sa makipot nitong labi.

          “Nakuha namin ito sa bahay ni Sarhento Masigay. Limang sundalo ang namatay, pang anim si Sarhento, tinamaan si Kokoy sa balikat ngunit ayos na ang kanyang lagay, wala na si Lazaro.” Balita ni Sara.

          “Hinanap ka namin kanina ngunit ‘di ka namin makita. Sa’n ka ba nagtungo Dana?” kunot noong tanong ni Bodjie.

          “Nakita ko ang bangkay ni Tatay. Nasa gilid ng ilog. Tadtad ng bala ang katawan niya. Inaagnas na. Hindi siya namatay sa gutom…”

          Galit na sinuntok ni Bodjie ang dingding. Napaupo naman si Sara sa upuang kawayan at lumuha.

          “Ipinapangako ko sa’yo Dana. Gaganti tayo. Igaganti natin ang Itay, igaganti natin ang Ama mo ang lahat nang nasiraan ng buhay at pamilya dahil sa kasakiman nila!”

          At mabilis na bumaba ng dampa si Bodjie at hindi nagtagal ay nadinig ko ang mabilis na pag-alis ng mga ilang sasakyang nakuha din nila mula sa mga pinaslang nilang sundalo.

          At ako’y muling nagbalik sa talon at sumagi sa aking isip ang nakabigting katawan ng Nanay, ang duguang bangkay ng Tatay at ang lumuluhang mukha ni Lira.

          Si Lira, ang aking si Lira. At ang pagmamahalan naming sinubok ng tadhana’t nagpagapi sa mapusok na laro ng buhay.

          At nakarinig ako ng mga yabag papalapit. Si Bodjie, si Sara at si Rosita. Isang babaeng nakagapos ang kamay at may takip na itim na tela sa mukha ang hatak hatak nila.

          Malakas na itinulak ni Rosita ang babae at paluhod itong bumagsak sa aking harapan. Tinanggal ko ang telang nakatakip sa mukha nito at ako’y napaatras sa aking nakita. Si Lira..

          Si Lira!

          Lumapit sa akin si Rosita at ibinigay sa akin ang isang baril.

          “Patayin mo siya Dana!” Mabalasik na utos sa akin ni Rosita.

          “Wala ‘yan sa usapan natin!” tutol ni Bodjie.

          “Dudukutin lamang natin siya ay ipatutubos ng malaking halaga sa halimaw niyang ama, wala sa plano na papatayin natin si Lira!” gulilat na sigaw ni Sara.

          “Tumahimik kayo! Ikaw na ang nagsabi na halimaw ang kanyang ama kaya’t ang anak niya’y halimaw din. Patayin mo siya Dana!”

          “H’wag Dana!” Halos sabay na awat ni Bodjie at Sara.

          “Si Dana ang magpapasya diyan.” At nilapitan ako ni Rosita. Hinawakan niya ang kamay kong may hawak na baril at itinutok sa lumuluhang mukha ni Lira.

          “Patayin mo siya. Iganti mo ang aking Ama’t ina na pinasunog ng kanyang Ama ng buhay, ang Ama ni Bodjie na pinugutan nila ng ulo at ang Ama mong pinahirapan muna nila bago pinatay. Iputok mo ang baril Dana!”

          “Dana..” paos na pagsusumamo ni Lira.

          “Patayin mo! Patayin mo!”

          “H’wag Dana…kaibigan natin siya!”

          …H’wag.. dahil mahal mo s’ya!

          At nanginginig ang kamay na binitawan ko ang baril at lumuluhang lumuhod ako sa harap ni Lira.

          “Mahina ka!” Mahina ka!” at tumakbo si Rosita palayo at ang anino niya’y nilamon ng dilim.

At iniwan kami ni Bodjie at ni Sara sa talon. Tinanggal ko ang pagkakagapos ng kamay ni Lira at agad siyang yumakap sa akin. Hinagkan ko siya sa labi at ang sabik niyang bibig ay gumanti ng mas marubdob na halik. Ikinulong niya ang aking mukha sa malambot niyang kamay…

At naghubad kami at naglunoy sa tubig at naghalikan at nagyakapan at naihiling namin na sana nga’y kayang linisin ng tubig ang dumi ng aming mga buhay, na ang lamig nito’y kayang patayin ang init ng aming pag-ibig, ‘di sana’y mas madali naming matatanggap na kami nga’y hindi ukol sa isa’t-isa.

Totoo ngang mahiwaga ang pag-ibig dahil sinakop nito ang aking buhay, dahil ito ang isang lakas na nagpaibayo sa aking hangarin na maghintay at umasa na sa dulo ng lahat ng ito, ang pagmamahalan namin ni Lira’y maaari ko pang angkinin.

          Ngunit ito’y pagkakamali.

          At isang araw, humahangos na dumating si Lira at ipinagtapat niya sa amin ang lahat. Pinagtaksilan kami ni Rosita at ang mga sundalo’y alam na ang aming pinagtataguan.

          “Pumunta kayo sa Pier mamayang alas dos ng umaga. Naghihintay sa inyo doon ang mga bangkang sasakyan ninyo papalayo sa Santiago… umalis kayo… kundi ay papatayin nila kayong lahat!.”

          At kami’y naghanda at patagong naglakad tungo sa Pier at doon nga’y naghihintay ang mga bangka na agad naming sinakyan… ngunit bago ako sumampa dito’y hinarap ko si Lira. Gumuhit sa sulok ng kanyang mga mata ang luha at ang alaalang iyon ang dadalhin ko hanggang sa aking pagtanda. Hindi niya ako niyakap…Nakatayo lamang kami doon, magkaharap, hanggang sa binigkas niya ang salitang kay tagal kong inasam na sabihin niya.

                   “Dana, Mahal kita.”

          At tumalikod ako upang ikubli ang aking pag-iyak.

          Habang palayo ang bangka sa dalampasiga’y batid kong unti unting naglapit ang mga puso namin ni Lira kahit na batid kong iyon na ang huli naming pagkikita.

          Nanatili siya na nakatayo doon, nakatanaw sa akin at sana nga…

          Sana nga’y hindi ko na nadinig pa ang kanyang mga huling salita ‘di sana’y mas madali para sa ‘kin na unawain ang aming kapalaran,

          Na kami’y hindi para sa isa’t-isa.

 

 

2006

 

Posted by leserotika at 8:24 am | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment