Ang BABAENG hinugot ko sa aking pakpak..
ang seldang gawa ng iyong kariktan,
na akin ngayong kinasasadlakan,
ay hindi kayang buwagin ng unos,
at tunawin ng perpektong kirot
Selda
November 25, 2009Sumiksik, umingit sa aking isip
ang tingin mong walang lagkit
nahimlay sa pag-asam
kasama ng mapanglaw na huni
nang hindi dumamping halik.
binigyang katwiran
ang kwentong ‘di ko naintindihan
sakit na ‘di alintana dahil sa
‘di malamang agam agam.
Pilit kinilala ang aking pag-iisa,
binuo ang isang lihim na hindi kailan man naipadama,
ang mga haplos na hindi dumaiti ang nagkusang humawi,
at ako ay sinukol ng sundang nang iyong ngiti.
Sinulyapan minsan ang sugat ng aking kaluluwa,
ngunit hindi nanahan at nanatili kang isa lamang ala-ala,
nanulas sa iyong labi ang bawat kong salita
binigyang uri ng iyong matang hatid ay sumpa,
at ang mundo kong tinakasan ng tino,
ako ay baliw na pumikit at nagpatangay sa iyo,
kasama ng damdaming nililok sa pighati,
at sa katotohanang wala kang maisusukli…
pangarap kong makatabi ka sa damuhan,
tumitig sa langit at tumanaw sa buwan,
ipipikit ko ang aking mata,
bubulong,
sisigaw,
hihiling,
sana… sana…
Iniibig kita!
EBA
Kasalanan ang dulot ng iyong kagandahan,
Natatangi at walang alam,
Nais kong gawing pahingahan ang iyong katawan,
At ang kabuuan mo’y angkinin ng lubusan.
Kung kayang isakdal ang aking pag-ibig,
Ito’y kunin mo at sa iyong dibdib ipiit,
Kung kayang saklawan ang aking pagsinta,
Ito’y unawain mo at
Idikit sa’yong alaala.
Nauunawaan ko ang pagkakamaling
Dulot mo,
At ang kakaibang pagsikdo at
Pag-init ng aking dugo,
Siguro nga’y kasalanan ang
Nasa likuran ng iyong ganda,
Lalo na’t kung si Eba’y
Inibig ng isang Magdalena…
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.




