Ang BABAENG hinugot ko sa aking pakpak..




ang seldang gawa ng iyong kariktan,

na akin ngayong kinasasadlakan,

ay hindi kayang buwagin ng unos,

at tunawin ng perpektong kirot




Home » Post Item » Latay

Latay

November 25, 2009

Naalala mo, hindi tayo nagkaroon ng pagkakataon na magkasama dito, ngunit hindi ko maintindihan ang aking sarili, kung bakit tuwing nobyembre’y paulit-ulit akong nagtutungo dito sa loob ng mahigit apat na taon. saan ko nga ba nais humugpong? saan nga ba ako pahugpong? nakakatawa, ngunit hanggang ngayon ang puso ko’y hindi magawang magkaila. muli’t muli’y bumabalik ako sa malamig na sinapupunan ng baguio, bagamat bumabalik ako sa maynila na hindi bagong tao, at ang lamig nito’y mananatili sa loob ng aking kaluluwa, kahit na ba agad itong papawiin sa aking katawan ng mainit na hininga ng maynila.

Mahal, apat na taon ko nang nadarama ang kakaibang pangangatal, at walang init ang dito’y makakatighaw.

Hindi ko saulo ang kasingit singitan ng baguio, hindi ako mahilig sa pino o sa strawberry o sa sunflower, hindi din ako nakakaintindi ng ilocano at ang klima dito’y isang pasakit para sa akin. ngunit bakit nga ba kahit kaila’y hindi ako nanghinawang sumilip sa matatarik na bangin, bakit nga ba agad akong naglilimos sa mga pulubing igorot sa burnham, bakit nga ba muli’t muli akong namamangha sa tanawin sa mines view, bakit nga ba paulit-ulit na pinapatahimik ng pink sisters ang aking diwa?

Noong isang araw ay nagsimba ako sa baguio cathedral. mag isa lamang ako. walang kasama. sa ganitong paraan lamang ako nagiging malaya. Pumunta ako sa market, kahit wala akong bibilhin. naglakad lakad sa kalye ng bokawkan, ng holy ghost, ng magsaysay, ng bonifacio, namasyal sa camp john hay, nagliwaliw sa teachers camp, sa botanical garden at matagal na tumayo sa gilid ng kalye ng loakan. Wala akong kamag-anak sa baguio, wala akong kaibigan o kakilala. para sa akin, ang baguio ay isang estrangherang ngumiti sa akin nang kami’y magkasalubong, isang lenggwaheng kahit kaila’y hindi ko matututunang bigkasin, gugulin ko man ang kalahati ng aking buhay sa pag-aaral nito. Ngunit natutunan kong mahalin ang baguio, kung may sapat man akong dahilan o wala ay hindi na iyon mahalaga. Para kaming dalawang magkasintahan, paulit -ulit man niya akong saktan ay paulit-ulit ko din siyang patatawarin at babalikan.

Maraming mukha at anyo ang baguio, ngunit ang lahat ng mukha at anyo nito’y naglalarawan sa iyo. nakikita kita sa lahat ng puno, sa mga ulap, sa mga bulaklak, sa dapithapon, nadarama kita sa madaling araw, sa bukang liwayway at nadirinig kita sa mga ugong ng sasakyan at sa bulong ng hangin. dito ko muling binubuhay ang iyong alaala. hindi ba’t sabi mo’y nagalugad mo na ang bawat sulok ng baguio? dahil lumaki ka sa lugar na ito, dito ka nabuhay, ang lugar na ito ang naging saksi nang historikal mong kaganapan. ito ang lugar na inibig mo ng lubos.

Saan ko man idako ang aking mata’y nakikita kita. mula sa mga bumibili sa palengke hanggang sa mga tumatawid sa kalsada. inikot ko ang baguio dahil para ko naring inikot ang buhay mo, kinilala ko ito, sa gayon ay para na rin kitang nakilalang muli. kapag naririto ako, pakiramdam ko’y kapiling kita. dahil nayapakan ko ang lupang dati’y kinatayuan mo, nilakaran ko ang  mga kalyeng dati’y dinaanan mo, nakita ko ang kabuuan ng baguio na dati’y tinitigan mo, nilanghap ko ang hangin na dati’y inihinga mo. doon lamang tayo muling nag-iisa, doon lamang. dito lamang. dito lamang kita muling nakakatalik.

naaalala mo ba? pilit mo akong isinasama dito sa baguio noong tayo pang dalawa, ngunit tigas ang aking pagtanggi, hanggang sa tuluyan ka na lamang naglaho, bigla kang nawala sa aking buhay ng walang paalam. hinanap kita, ngunit hindi kita natagpuan, dito sa baguio lamang kita muling nararamdaman.

Apat na taon…

Nobyembre noon nang huli kitang makita. hindi ko man lamang nalaman na iyon na pala ang huling araw na makikita kita, di sanay nayakap kita ng mas mahigpit kaysa dati, di sanay nahagkan man lamang kita kahit sa huling pagkakataon.

Ngayon lamang ako nagkaroon ng lakas ng loob na pumunta ng hillside at pagmasdan ang lugar na iyon, dahil ayon sa iyong mga kwento noo’y doon ka lumaki at nagkamulat. hindi ako nagtagal, umalis din ako agad, hanggang ngayon, ako parin ay naduduwag.

Lumuha na naman ako mahal, katulad noon, katulad ng dati.

Bago ako umuwi ay nagtapon ako ng puting rosas sa bangin ng mines view, hindi na din ako humiling at naghagis ng coin sa wishing well. parang bigla akong nabagot. ngayon lamang ako nabagot sa baguio.

hindi ko alam kung nasaan ka na ngayon. siguro’y hindi ko na din gusto pang alamin. hindi ko din alam kung babalik pa ba ako dito sa susunod na taon, maaaring hindi na.

Lumalatay sa aking katawan ang mapait na lamig ng baguio,

kasabay nang paglatay ng malamig at mapait mong alaala sa napapagod ko ng puso…

 

 

Rascal Flatts - What Hurts the Most(good version) (Rascal Flatts)

 

Posted by leserotika at 11:28 pm | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment