ang seldang gawa ng iyong kariktan,
na akin ngayong kinasasadlakan,
ay hindi kayang buwagin ng unos,
at tunawin ng perpektong kirot
Tampisaw (o kung paano dapat mag move-on ang isang babaeng moderna)
July 26, 2010
Ang tagal na pala nating dalawa. Limang taon na tayo. Naaalala mo ba, hindi ba’t nanggaling ako sa isang masaklap na relasyon nang matagpuan mo ako? Nagtatago ako noon sa sarili kong anino nang marinig ko ang mahihina mong tawag sa pangalan ko. Ayaw kitang pagbuksan ng pintuan ngunit nakapasok ka, dito, sa loob ko, sa pinakatinatagong lugar sa aking kaluluwa na hindi pa napupuntahan ng kahit na sino. Nakapasok ka kahit hindi kita pinagbuksan. Tumagos ka sa matitigas na pader na itinayo ko palibot sa aking mundo, isang pader na inakala kong magkukubli sa akin mula sa pananakit ng kapalaran at tadhanang nag ko-koryo sa pananakit sa akin, Oo, tumagos ka at nang nasa loob ka na, para kang apoy na tumunaw sa mga pader na iyon at wala akong nagawa kundi ang sumuko sa iyo. Maiksi lang ito, minsan ko lang itong sasabihin kaya’t sana’y making ka. Hindi ako ganoon kadaling mahalin, alam ko iyon. Nang minahal mo ako, tinanggap mo ang katotohanang hindi ka lang nag-iisa sa buhay ko. Na marami kayo. Tinanggap mo iyon. Tinanggap mo iyon na nakabukas ang iyong mga mata at may bahid ng simpleng ngiti sa iyong labi. Ganyan mo ako kamahal. Napakalampa ko noon. Niloloko ko lang ang mundo na matapang ako, na matatag ako. Pero ang totoo niyan, sa loob ko, suko na ako, durog na ako, ayoko na sana. Pero iba ang naging pagtingin mo sa lahat ng mga bagay. Sumanib ka sa akin at ako’y naging isang bagong nilalang. Isang bagong babae, isang bagong tao na tinuruan mo kung paano maging malakas at matatag. Nagtataka ka siguro kung bakit hindi ako umiiyak. Nasasaktan ako pero hindi ako iiyak. Kung iiyak man ako, isa iyong luha ng pasasalamat. Luha ng pagbangon, luha ng pagmamahal. Hindi madaling tanggapin ang mga salitang sinasambit mo sa akin ngayon. Mga salitang humihiwa sa aking puso, mga salita nang pakikipaghiwalay. Oo, may mahal ka ng iba. Hindi iyon madaling tanggapin. Kailan ba naging madali ang pakikipaghiwalay? Kailan ba naging madali ang tanggapin ang pakikipagkalas sa iyo ng isang kaluluwang naging sandalan mo at hugutan ng lakas? Kumakalas ka na sa akin upang sa ibang kaluluwa ka naman umugnay, dumikit, kumunekta. Hindi iyon madaling tanggapin, ngunit nauunawaan kita, at habang humihingi ka sa akin ng sorry at ipinapaliwanag mo ang biglaan mong pagbabago ng isip, alam ko, nauunawaan kita. Habang nagsasalita ka’y nakangiti ako sa iyo, bagamat may bahagi sa akin ang lumuluha. Hinawakan ko ang kamay mo at nagpasalamat. Tinanong mo ako kung anong plano ko pagkatapos nito, ang sabi ko’y magmumukmok ako ng ilang araw, iiyak at dadamhin ang sakit ng ating paghihiwalay, ngunit hindi iyon magtatagal, dahil plano kong muling buksan ang aking buhay upang mapasok ng iba, plano kong magmahal muli ng higit pa sa pagmamahal ko sa iyo. Wala kang kakibo-kibo. Nakatitig ka lang sa akin. Alam kong nagtataka ka sa mga sinasabi ko, baka iniisip mo naloloka na ako. Pero iyon ang totoo. Muli akong magiging Masaya dahil doon ko lamang mapapatunayan sa iyo kung gaano kalaki ang naging epekto mo sa aking buhay. Ikaw ang nagturo sa akin kung paano maging Masaya at muling matutunang maging maligaya sa kabila ng pait at sakit na dinanas ko. Muli akong gigising sa umaga at ang mundo ko’y patuloy na iikot katulad nang pag-ikot nito noong tayo pa, dahil ikaw ang nagturo sa akin kung paano maging malakas at matatag sa mga pagsubok na kakaharapin ko. Muli akong magmamahal dahil sa iyo ko natutunan kung paano magmahal na para bang kahit kaila’y hindi ako nasaktan. Magmahal muli sa likod ng pagkabigo, magmahal muli sa kabila ng iyong paglayo. Gusto ko iyong patunayan sa iyo, hindi upang magmalaki o magmayabang. Gusto ko iyong patunayan sa iyo upang makita mo ang kagandahang idinulot ng iyong pag-ibig sa akin, gusto ko iyong patunayan sa iyo upang maramdaman mo ang tunay at wagas na pagmamahal na naramdaman natin noon sa isa’t-isa. Ikaw, ikaw lamang ang nag-iisang tao na nagturo sa akin kung paano maging Masaya, maging malakas at magmahal. Para kapag dumating ang panahon na makasalubong mo ako sa daan at makita mong may bago na akong minamahal, masasabi mo sa sarili mong hindi ka nagkulang sa akin, na hindi ikaw ang nangwasak sa akin, bagkus, ikaw ang siyang bumuo sa aking pagkatao at ikaw ang dahilan kung bakit naging isa akong karapat-dapat na nilalang upang mahalin ng iba. At masasabi natin sa isa’t-isa na hindi mo ako binigo at hindi kita binigo. Sa gayong paraan, patuloy kitang mararamdaman sa aking buhay, kahit hindi na tayo magkasama, kahit na may mahal na akong iba. Para kay Celine. Naisip ko lang iyan dahil ganyang ganyan ang sasabihin ko sa GF ko kapag naghiwalay kami. (huwag naman sana)








