Ang BABAENG hinugot ko sa aking pakpak..
ang seldang gawa ng iyong kariktan,
na akin ngayong kinasasadlakan,
ay hindi kayang buwagin ng unos,
at tunawin ng perpektong kirot
Balani
January 5, 2012Isiping ang langit ay hindi lamang ulap,
at ang luha’y tutulo hindi lamang
sa pag-iyak,
at ang pag-ibig ay uusbong, ni hamog ay
hindi papatak,
sa bawat gabing ang alaala ng iyong mukha
ang aking kayakap,
Para ka kasing ligaw na buhawing
sa puso ko’y nanalanta,
isang mayuming lindol na nangwasak
sa tinutuntungan kong lupa,
o ‘di kaya’y isang tahimik na unos
na sa aki’y gumambala,
kasabay nang paghulog ng bulalakaw
tanda ng matiwasay na pagpaparaya.
Ikaw ang damo na walang pahintulot
sa pag-usbong,
at isang hanging ang dala’y matutulis
na alon,
ang dagat nang iyong kariktan
sa akin ay lumulon,
mula sa aking pagkalunod bakit ‘di
na ninais umahon?
dahil sa tuwing lumilitaw
ang kalamidad ng iyong mga titig,
ginigimbal nito ang puso kong kayang
durugin ng iyong tinig,
ang takipsilim man sa iyong piling
ay mauwi sa bangungot,
ihimlay mo ako sa nanlalapnos mong
halik hanggang sa aking pagtulog.
bakit kailangang sa iyo ang puso’y umiwas,
kung batid kong isa kang sumpang hindi
na lilipas,
dahil sa bawat pananahimik ko’y kapalit
ay sakit,
sapagkat ito ay pagsintang higit pa sa pag-ibig,
Mahal,
dahil tuwing ang mapanupil mong
ngiti ay aking nasisilayan,
isang trahedyang pagsinta ang
aking kawawakasan…
at kung sakaling ang mga pangako ng
pag-irog ay hindi pa sasapat,
ang paglimot sa iyo’y mananatili na lamang
isang pangarap…
adele-make you feel my love
Isang maiksing tula para kay Maica.
Mademoiselle
December 31, 2011
Your pain is the breaking of the shell
that encloses your beauty,
and you keep your heart in wander
at the daily miracles of my life,
your voice would not seem less wondrous
than this magnificent magic that overflows,
from my vein,
directly to my heart.
You are a field that dance over the violet haze of my existence,
the air I breathe in my every Morning sun,
someone would say,
It’s tangible…
but within every meaningful sigh,
within every sad love songs,
within every deep smile,
the profound effect you had given me
will always be indelible.
A stained affection I cannot hold,
A beautful heartbeat I cannot control,
the music will live forever
as the sun and day parted its way on it’s
magical sunset.
You will be my sunset,
you will be the spaces where my words will be written,
a distance where my reality strikes,
a very special poem afloat into a dreaming sea,
If I lose the moon and the sun,
I will write by your candlelight,
I will capture all the speechless stars and
bathe it upon your soul,
I will conquer all the meaningless word
and offer it to your feet,
I will hold the eternal sound of the mute
and bring them to you…
I will find you one day,
I will lay you down in the soft sand of my shore,
I will cover your body with my scattered wings,
I will fly you away out from your nothingness,
You are the flower that grew hesitantly in the wild garden
of my dream,
you are the sky filled with diamonds,
a melancholy scented passion
that binds me with metaphors,
a fire that consume my whole being,
a poem I carelessly scribbled in my diary…
You are the divine shadows that
connects me to my reality,
You are the sacred longgings,
mine to be own…
eternally.
For Maica
Sara Melson - Never Been Hurt (Sara Melson)
Gabay sa tamang daan tungo sa aking pagkababae.
December 8, 2011
Maaari mong sabihin na,
ang aking Mata ay ang siyang bintana,
ngunit kung iyong susubukan
na ang talukap ko’y buksan,
ayoko sana ng biglaan
maaari bang gawin mo itong
marahan lamang?
Maaari mong isipin na
ang bibig ko’y saradong pintuan,
nang mga hinaing at pagdaramdam,
galit at pagkasuklam,
ngunit kung ito’y iyong lalapitan,
maaari kang sumilip sa iniwan
kong maliit na siwang.
Hindi ko ipagdadamot ang aking
sensitibong bahagi,
kumaliwa ka sa suso ko’t
pumasok sa eskinita ng aking mga kiliti,
at kung ikaw ay sindakin ng mga
talahib,
subukan mo munang lumabas sa
aking dibdib.
Akyatin mo ang aking leeg na palaging
pagod,
gawin mong baging ang aking buhok,
pasukin mo ang kweba ng aking tenga,
pakinggan doon ang nakapiit na musika,
mga naiwang bakas ng kinimkim na tula,
ng mga kupas na pangako’t salita.
Sa loob nito,
ay may nakatagong daan na sa isipan
ko patungo,
mga masisikip na pasilyo,
Liko liko,
Mahal, huwag ka sanang malito.
Kung maraanan mo ang aking
Temporal lobe at doon ay iyong makita,
ang gula-gulanit na semento ng
mga alaala,
pakalimiin mo sana,
ang laki ng mga biyak pati na ang
kanilang mga halaga.
Bibigyan kita ng babala,
sa Frontal Lobe ko’y iisa lamang
ang kalsada,
ngunit maraming bahagi ang
hindi dapat tawiran,
may mga sulok na hindi dapat
lakaran,
sikapin mo sanang basahin ang
mga Warning signs
at tumawid lamang sa pedxing
ng hindi ka masagasaan
ng mga sasakyang puno ng
aking paniniwala’t
paninindigan.
Kung ang Utak ko’y tuluyan mong
mapasok,
doon sana’y huwag kang maglumikot,
nais ko’y maglakbay ka sa aking
kamalayan ng payapa,
ang marahan mong paghakbang,
sa akin ay sapat na.
Mula dito’y maaari kang kumapit
sa aking mga ugat,
pababa sa distrito ng puso
kong may makapal na balat,
dito’y kay daming eskinitang
maaari mong pasukan,
parang isang labirint,
mainit,madilim,masikip.
Isang hiwaga, isang panaginip.
Ang mga daan dito ay
madalas bahain ng luha,
madalas sirain ng pag landslide
ng mga gunita,
kaya’t ang daanan ay bako bako,
mag-ingat ka sana sa bawat mong
pagliko.
Dito,
maaari kang maligaw kung hindi
mo aalalahanin ang lahat
ng iyong dinaraanan,
ang lahat ng iyong makita’y
huwag mo sanang kalimutan,
ang bawat palayan ng emosyon ko’y
iyo sanang kilalanin,
sapagkat ang puso ko’y hindi
isang bukid na tatanawin mo lamang
at minsan lamang tatahakin.
Sa buong katawan ko’y puno
ng esterong pinadumi ng nakaraan,
kung may lakas ka ng loob na
tiisin ang basura’t putik,
lumusong ka’t languyin ang maruming
tubig,
at kung ang daloy nito ay
iyong susundan,
ang lahat ng agos ay dadaan
sa aking isipan,
at sa bukal ng puso ko,
doon ang katapusan.
Iisa lamang ang aking pakiusap,
sa iyong paglalakbay na binabalak,
nais ko sanang ikaw ay magsumikap,
na unahing pasukin ang
aking puso at utak,
at hindi ang pagpasok sa aking
kaselanan,
na batid kong magliligaw lamang
sa iyo sa tamang daan.
(Para sa aking pagbabalik)
secret garden
Love, Mary Lauren
August 25, 2011To: starbathe@yahoo.com
Cc:
Subject: ordinary life
May 22, 2000
Claire,
Kumusta ka na?
Alam mo ba, hanggang ngayon masama pa din ang loob ko sa’yo. Bigla ka kasing umalis, hindi mo man lang hinintay ang kasal namin ni Rico. Ikaw pa naman sana ang Maid of honor ko, kaso, ewan ko ba s’yo, pagkalipas ng dalawang linggo mula nang ibalita ko s’yo na ikakasal na kami ni Rico, bigla ko na lang nalaman na nasa pinas ka na ulit. You’re so unfair Claire. Hindi mo man lang nabanggit sa akin ang tungkol sa mga plano mo, hindi ka man lang nagsabi, hindi ka man lang nagpaalam sa akin. Pakiramdam ko tuloy, binalewala mo ang ilang taon na pinagsamahan natin, parang binalewala mo ang pagkakaibigan natin. Natagalan tuloy bago kita in-email.
Sabik na ‘ko na makita ka Claire, halos dalawang taon na din t’yong ‘di nagkikita at nagkakausap… bigay mo nga sa ‘kin number mo para matawagan naman kita ‘pag may time.
Sana naman may lovelife ka na ngayon. Balitaan mo ‘ko.
Hindi ako nakalimot kahit minsan Claire. Ikaw pa rin ang bestfriend ko.
Take care.
Love,
Mary Lauren
To: marylaurenesguerracordero@yahoo.com
Cc:
Subject: Re-ordinary life
May 30, 2000
Lauren,
I’m doing well. I’m perfect. How about you? How’s Rico?
Sorry kung hindi na kita nasabihan, biglaan din kasi ang pag-uwi ko. Isa pa, alam mo naman na I hate goodbyes lalo na kung s’yo ako magpapaalam. Huwag mo ng itanong kung ano ang mga dahilan ko bakit bigla akong umuwi ng pinas, masyadong personal at ayokong pag-usapan ‘to. Babawi na lang ako s’yo ‘pag nagkita na tayo ulit.
Kumusta na ang New York? Naaalala mo ba dati, noong high school pa lang t’yo, ang bababaw ng pangarap natin n’un ‘di ba? Ngayon bigatin na, nag matured na nga talaga t’yo.
Kahapon, pumunta kami ng San Agustin. Nag volunteer ako d’un, nagbigay kami ng health services sa mga barrio. Alam mo ba, ang gaan gaan ng pakiramdam ko pag-uwi namin sa Manila, iyon ang pangarap ko Lauren, iyon pa din pala ang pangarap ko, hindi nagbago.
Hindi ako nagbago Lauren…
Kumusta na ang married life mo? May anak na ba k’yo ni Rico? Wala pa din akong love life, I don’t have time for that, wala ‘din akong lakas ng loob na sundin ang kapritso ng puso ko, mahirap na, baka kung saan pa mapunta…
Ihalik mo ako sa iyong kamay.
Claire
To: starbathe@yahoo.com
Cc:
Subject: Re-ordinary life
June 7, 2000
Claire,
Masaya ako para sa’yo, pero mas Masaya sana kung magkasama t’yo at saksi natin ang isa’t-isa sa katuparan ng lahat.
I will respect your decision Claire, kung ayaw mong pag-usapan ang mga dahilan mo, okay lang. Sanay naman na ako sa iyo, kahit noon pa man, masyado kang malihim, maraming bagay kang hindi pinapaliwanag sa akin. Pero naiintindihan kita Claire, h’wag kang mag-alala.
Kami ni Rico? We’re okay. Ganoon pa din s’ya, mabait pa din s’ya, gentleman, galante, pasensiyoso at very understanding, katulad noong college days natin sa Uste. Para pa rin n’ya akong nililigawan, minsan nga pakiramdam ko, teenager ako na kinikilig kasi nag Hi sa kanya ‘yung ultimate crush n’ya. Nakakaloka ‘no?
Sana naman Claire, matagpuan mo na ang Mr. Right mo, iyong mas matalino, mas matapang at mas magaling s’yo. Gusto ko na din kasing Makita na ikinakasal ka, nakasuot ng puti, nasa simbahan at pinalilibutan ng mga bulaklak, siguradong napakaganda mo Claire, at naroon ako, umasa ka na kahit anong mangyari, naroon ako sa tabi mo para sa iyo. Umasa ka Claire.
Darating ang araw na magkakasamang muli t’yo, at siguradong iiyak na naman ako at pagtatawanan mo na naman ako. Naaalala mo noon, n’ung nagbakasyon ka sa Iligan after nang high school graduation natin? Halos isang buwan kitang hindi nakita at nang magkita t’yong muli, umiyak ako nang umiyak, ikaw naman, tumawa ka nang tumawa.
Miss na miss na kita Claire.
Gusto na kita Makita…
Love,
Mary Lauren
To: marylaurenesguerracordero@yahoo.com
Cc:
Subject: Re-ordinary life
June 16, 2000
Lauren,
Para ka pa ring bata, nakakatuwa ka talaga. Hayaan mo, ‘pag nagkita t’yong muli, hindi na ‘ko tatawa, ngingitian na lang kita kahit na umiyak ka pa nang umiyak.
Buti naman, maayos ang pagsasama n’yo ni Rico, ang sabi ko kasi sa kanya noon, kapag pinaiyak ka n’ya at sinaktan, kukunin kita sa kanya at hinding hindi na kita ibibigay ulit.
Ang gusto ko Lauren, palagi kang Masaya, kapag Masaya ka, Masaya na din ako.
Miyembro na nga pala ako ng isang NGO ngayon. Noong isang araw, nagpunta kami sa Marasiga. Probinsiya iyon, maraming palayan, mabundok, tahimik. Pero magulo doon Lauren, ilang magsasaka na ang natagpuang patay na may busal na putik sa bibig. Pinahirapan bago ibinigti sa puno, ang iba naman ay pinugutan ng ulo. Nakakatakot pero hindi ako nasisindak, gusto ko silang tulungan, gusto kong lumaban para sa kanila.
Nakakaawa ang kalagayan nila, Pilit na inaari ang lupang sinasaka nila ng isang mayamang politiko para tayuan ng commercial building, pero hindi sila pumayag, ang iba sa kanila, sapilitang kinuhaan ng lupa, ginawan ng malaking pagkakautang sa bangko, ginigipit sila, sinasaktan, ninanakawan, tinatakot.
Sa susunod na linggo’y babalik kami sa Marasiga, magkakaroon kami ng Educational at Feeding Program doon. Maraming bata kasi ang malnourished kaya’t magbibigay kami ng libreng check-up at gamot sa kanila.
Iyon ang bahagi ng mundong hindi natin nakita Lauren, dahil masyado t’yong umibig sa buhay nating masagana, hindi natin naitanong sa ‘ting mga sarili kung pa’no naman kaya ang buhay ng mga taong hindi pinagpala.
Lauren, Isa t’yo sa mga ‘di pinagpala dahil salat t’yo sa kaalaman at mangmang t’yo sa tunay na kahulugan ng buhay at pag-ibig.
Ikaw at ako.
Claire
To: starbathe@yahoo.com
Cc:
Subject: Re-ordinary life
July 5, 2000
Claire,
Tama ka, nahihiya tuloy ako sa sarili ko dahil sa mga sinabi mo. Pero natatakot ako Claire, hindi ko alam kung bakit, basta, mag-iingat ka.
Matagal akong ‘di nakasagot sa email mo dahil na confine ako sa Hospital. Bigla kasi akong dinugo ng hindi ko alam kung bakit. Nakunan ako Claire, mag-iisang buwan na pala akong buntis, hindi ko alam, naturingan pa naman akong nurse pero hindi ko man lang naalagaan ang first baby ko sana…
Iyak ako nang iyak. Ang sabi ni Rico, gagawa na lang ulit kami, pero hindi ako kumibo. Buong araw ko s’yang hindi kinausap. Alam mo Claire na ang magkaanak ang isa sa mga pangarap ko, pero bigla akong natakot na magbuntis muli, hindi ko alam pero napuno ng pangamba ang puso ko..
Namatayan kami ng pasyente kanina, Batang babae, half-american, half-filipino. Walong taon lang s’ya Claire, Bone cancer. Maraming beses na akong nakakita ng namatay na pasyente, pero ngayon lang ako nakadama ng ganitong klaseng kalungkutan. Naikabit ko tuloy ito sa buhay namin ni Rico… kapwa kami mga magulang na namatayan ng anak. Ang bigat sa pakiramdam. Para akong nalulunod, tapos wala akong makapitan, hindi ko makapitan si Rico, dahil pati s’ya, hindi kayang lumangoy sa malikot na alon ng buhay. Pareho kaming nalulunod.
Sana nandito ka Claire, Sana…
Love,
Mary Lauren
To: marylaurenesguerracordero@yahoo.com
Cc:
Subject: Re-ordinary life
July 13, 2000
Lauren,
Kumusta ka na? nag-alala ako bigla s’yo… Kumusta na ang pakiramdam mo?
Araw araw, namamatayan ang mundo, araw araw t’yong nalalagasan, araw araw, may ibinuburol, may inililibing, pero araw araw, may mga Inang nagluluwal ng isang sanggol.
Walang sinasanto ang lupit Lauren, walang exemption, walang makakaligtas…
Tatlong batang babae ang namatay habang naglalaro sa kakahuyan. Tatlong mga walang muwang na kaluluwa ang haharap sa Diyos at magtatanong ng bakit…
Tatlong inosenteng katawan ang binaunan ng bala sa katawan, ano bang laban nila? Anong kasalanan nila? Tatlong Ina ang nakita kong tumangis habang yakap nila ang duguang katawan ng kanilang mga anak, at ang puso ko’y kasama nilang tumangis.
Lumuwas kami ng Maynila ng mga kasamahan ko upang humingi ng tulong, upang bigyang katarungan ang pagkamatay nila, ngunit bigo kami. Isinisi sa mga rebelde ang kanilang pagkamatay, ngunit hindi sila ang pumatay, dahil isa sa mga Ama ng namatay na bata’y isang rebelde, isang ama na inagawan ng lupa, isang ama na walang ibang hinangad kundi ang bigyan ng maginhawang buhay ang kanyang anak, isang ama na namundok upang doon humanap ng kasagutan sa kanyang mga tanong.
Napatunayan na ang bala ng armalite na kumitil sa mga bata’y nagmula sa armalite ng mga sundalo, ngunit walang nangyari Lauren. Wala.
Lauren, sa bawat paghihirap at pagluluksang nasaksihan ko’y kasama kita, dahil narito ka sa aking puso’t isipan, habangbuhay. Kung magkikita t’yong muli’y nais kong hawakan mo ang aking kamay, hindi mo na kailangang magsalita, ang mabining pisil ay sapat na upang maramdaman ko na sa mundong puno ng lupit at sakit, nariyan ka, ang aking pahingahan, ang aking kapayapaan.
Ikaw Lauren,
Tanging ikaw.
Claire
To: starbathe@yahoo.com
Cc:
Subject: Re-ordinary life
July 15, 2000
Claire,
Nag-away kami ni Rico, mula nang makunan ako at malaman naming malabo na ‘kong magkaanak pa’y bigla s’yang nag-iba. Biglang nawala ang mga katangiang nagustuhan ko sa kanya, bigla siyang naglaho. Hindi ko na kilala ang Ricong kasama ko at katabi ko sa higaan, isa na s’yang Rico na estranghero at walang pakiramdam.
Nasasaktan ako Claire, ano nga ba ang dapat kong gawin para sagipin ang aming relasyon?
Araw-araw kaming nag-aaway. Nakakasawa. Nakakapagod. Lahat ng masasakit na salita’y sinabi na namin sa isa’t-isa. Lahat lahat ng mga pangako at masasayang alaalang pinagsaluhan namin noon ay nawalan na ng saysay. Nauwi sa malaking kawalan. Parang ang relasyon namin ay isa lang malaking kasinungalingan.
Sana nga Claire, dumating na ang araw na muli t’yong magkita, muli kong mahawakan ang iyong kamay, simula noon hanggang ngayon, sa iyo lamang ako humuhugot ng lakas.
Love,
Mary Lauren
PS.
Malupit ang tadhana Claire…
To: marylaurenesguerracordero@yahoo.com
Cc:
Subject: Re-ordinary life
August 3, 2000
Lauren,
Masaya ako na narinig ko ang boses mo kagabi, halos dalawang taon na pala, dalawang taon na malayo tayo sa isa’t isa.
Sa kabila ng mga dinadanas kong pangungulila dito, para akong muling dinaluyan ng dugo, para akong muling hinagkan ng hangin.
Wala akong i-kinuwento s’yo kagabi dahil ayokong masira ang napakagandang sandal nating dalawa. Alam ko kasi na pawang kalungkutan lamang ang laman ng mga kwento ko… wala ng ibang istorya, iyon lamang.
Sa loob ng ilang taong pagta-trabaho ko bilang Nurse diyan sa States at dito sa Pinas, noong linggo ng gabi lamang ako nakakita ng kay raming dugo at wala kaming nagawa upang sagipin ang kanilang buhay.
Naglalakad kami, kasama ng mga magsasaka at kani kanilang mga pamilya patungo sana sa masayang pagdiriwang ng kaarawan ng isa nilang kasamai nang makarinig kami ng putukan mula sa itaas. Nagsitakbuhan kaming lahat, ngunit marami sa amin ang hindi nakaligtas. Nang humupa ang putuka’y tumambad sa amin ang mga duguang katawan, pinilit naming isinalba ang buhay ng ilan ngunit namatay sila sa aking mga kamay. Tatlo sa kasama naming mga volunteers ang namatay, isang guro, isang doctor at isang estudyante.
Ilang pagkawala pa ba ang dapat kong masaksihan? Ilan pa nga ba?
Hindi tadhana ang malupit Lauren, t’yo ang malupit.
Parang pag-ibig, hindi pag-ibig ang nananakit sa atin kundi ang mga taong minamahal natin. Iisa lang ang ibig sabihin ng pag-ibig, kaligayahan lamang ang kahulugan nito. Hindi ito maaaring maging sakit, pait at pagkabigo. Hindi kayang manakit ng pag-ibig.
Iyon ang kulang sa mundo natin Lauren, pag-ibig. Iyon ang kailangan natin. Iyon ang kailangan ko, iyon ang kailangan mo.
At isang araw…
Ang pangangailangan natin ay magtatagpo.
Maaari,
O baka hindi.
Claire
To: starbathe@yahoo.com
Cc:
Subject: Re-ordinary life
August 5, 2000
Claire,
Nagfile na ‘ko ng divorce. Totoo nga, maghihiwalay na kami. Parang napakadaling bumitaw, parang napakadaling lumimot. Siguro, dahil hindi ganoon katatag ang pundasyon ng aming relasyon, ngunit alam ko na totoo ang pagmamahal namin noon sa isa’t-isa, iyon nga lang, ang kaperpektuhan nito’y hindi permanente.
Muli kong nadarama ang takot Claire, alam kong mahalaga para s’yo ang mga pinaglalaban mo, nauunawaan ko iyon, ngunit habang tumatagal ay nagiging mapanganib ang sitwasyon, natatakot ako para sa kaligtasan mo.
Ayokong isipin na may mangyayari s’yong masama, nasasaktan ako.
Habang tumatagal, lalo kong nadarama ang pangungulila ko s’yo.
Claire…
Sana muli na kitang makita.
Love,
Mary Lauren
To: marylaurenesguerracordero@yahoo.com
Cc:
Subject: Re-ordinary life
August 20, 2000
Lauren,
Kapag nagkita t’yong muli, kukunin na kita at hindi na kita ipamimigay kahit kanino…
Ngunit hindi pa ito ang tamang panahon Lauren. Subalit darating ang oras na iyon, hindi magtatagal at muli t’yong magkikita at magkakasama, malapit na Lauren, hintayin mo sana… makapaghintay ka sana…
Claire
PS.
Hindi lahat ng perpekto ay totoo.
To: starbathe@yahoo.com
Cc:
Subject: Re-ordinary life
September 7, 2000
Claire,
Marami akong gustong itanong s’yo pero hindi ko alam kung saan ako mag-uumpisa.
Siguro kapag nagkita na tayo, doon ko na lamang itatanong s’yo ang lahat lahat.
Napakaiksi ng mensahe mo, ngunit napakaraming nais ipakahulugan.
Palagi kitang hinahanap hanap, sana’y alam mo iyon Claire.
Love,
Mary Lauren
To: marylaurenesguerracordero@yahoo.com
Cc:
Subject: Re-ordinary life
September 24, 2000
Lauren,
In this world… … … … … to the arms unfold… …
I will be… … … … … …with such bravery… …
you are my… …, … and the sunlight dance…
we will be in… … …
… … … … … together, forever…
you… … … … over the moonlit… …
in the october sky… … … … …
… … … … … … my woman… …
and everything seem to… … … … … …
how i long to… … … … … … … happy,
yes,… … …
… … … …, maybe we… … …
something that is so… … … … … …,
and the stars will fall… … … … … …
someday,
somehow… … … … … … …, … … …
… … … … … … … … … … … …
if only… … …
Claire
PS.
Gaano kahalaga ang tuldok?
Kasing halaga mo.
To: starbathe@yahoo.com
Cc:
Subject: Re-ordinary life
September 27, 2000
Claire,
Ilang gabi kong pilit pinunan ang mga nakabitin mong salita, ngunit hindi ko magawa.
Bakit hindi mo sinasagot ang tawag ko? May dinaramdam ka ba Claire?
Nais kong malaman ang mga sikretong itinatago ng iyong isipan at ng iyong puso.
Claire…
Love,
Mary Lauren
To: marylaurenesguerracordero@yahoo.com
Cc:
Subject: my last demise
September 30, 2000
Lauren,
Bukas, babalik kaming muli sa Marasiga, inilapit na namin sa Media ang mga nangyayaring patayan doon, ilang diplomatic groups at NGO’s na din ang nakipag-ugnayan sa amin at nag offer ng tulong.
Lauren, nadarama ko na ang ating nalalapit na pagkikita, ngunit ito’y may kalakip na kalungkutang hindi ko kayang ipaliwanag.
Ano’t ano man ang mangyari’y wala nang tutumbas pa sa iyo at sa aking nadarama.
Ayokong magpaalam, simula noon, tuwing nagkakalayo t’yo, alam mong kinamumuhian ko ang salitang goodbye, kaya kahit kalian, hindi mo iyon maririnig sa akin, kahit na dumating pa ang araw na hindi na t’yo magkita, sa ganoong paraan, hinding hindi mo iisipin ang aking pagkawala, hindi mo madarama ang ating pagkakalayo.
Hanggang sa muli, Mary Lauren.
Claire
PS.
Minahal na kita mula pa noon,
Higit sa kapatid, higit pa sa isang kaibigan.
Mahal kita.
To: starbathe@yahoo.com
Cc:
Subject: Re-final demise
August 13, 2001
Claire,
Ngayon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob na sagutin ang email mo sa akin, isa kasi akong malaking duwag.
Naaalala mo ba noon Claire? Lagi mo akong inaaway noong elementary t’yo. Binabali mo at kinukuha ang mga crayons ko, sinasabunutan mo ang pigtail ko, sinusulatan mo ang uniform ko at kinakain mo ang baon ko, tapos minsan itinatapon mo ang lunch box ko o kaya ang knapsack ko sa basurahan. Pero kahit na ganoon ka, gustong gusto pa din kitang maging kaibigan, kaso nawalan t’yo ng chance dahil bigla kang nag transfer sa ibang school pagkatapos mo akong itulak sa swing at pumutok ang kilay ko. Natatawa ako kapag naaalala ko iyon, kasi ‘di ba nang naging magkaklase ulit t’yo sa St. Marys nung high school na t’yo, gulat na gulat ka, tapos bigla, dinikitan mo na ako at naging bestfriends forever na t’yo. Ikaw ang naging tagapagtanggol ko sa lahat ng umaaway sa akin, hanggang college, ayaw na nating maghiwalay. Pareho t’yo ng kursong kinuha, pareho din t’yo ng University na pinasukan, kasi para sa atin, soul sisters t’yo. Hindi ba, ikaw ang nagpakilala sa akin kay Rico, sabi mo, si Rico lang ang bagay sa akin.
Alam mo ba Claire, napakasaya ko nang sabay t’yong nagreview sa Baguio para sa Board Exam? Roommates t’yo, sabay t’yong kumakain, pumapasok, natutulog at minsan, sabay din t’yong naliligo. Hanggang sa pagpunta natin ng States magkakasama t’yo, pati si Rico. Pero biglang naputol ang lahat nang magpakasal kami ni Rico at bigla kang bumalik ng Pilipinas.
Claire, sana noon ko pa sinabi…
May sikreto akong sasabihin s’yo. Naaalala mo ba noong huling gabi natin sa Baguio? Magkatabi t’yong natulog ‘di ba? Akala mo tulog na ako, pero ang totoo, hindi ako makatulog. Kasi hindi ako mapakali sa nararamdaman ko, lalo na nang yakapin mo ako palapit s’yo. Damang dama ko ang paghinga mo, amoy na amoy ko ang kabuuan mo, at hindi ako makatulog. Tapos, naramdaman ko ang labi mo sa aking noo, sa aking mata, sa aking ilong, sa aking labi. Tumalon ang puso ko nang mga oras na ‘yun Claire… hiniling ko na sana, tumigil na ang mundo sa pag-ikot at manatili na lamang t’yong ganoon. Magkatabi. Magkasama.
Claire, bakit nga ba?
Binabalik balikan ko ang huli nating pagkikita sa New York. Bigla kang dumating sa apartment ko. Nakatayo ka lang sa labas ng pintuan at nakangiti sa akin. Hindi ka pumasok, hindi ko alam kung bakit. Saglit mo akong niyakap at binulungan ng “Congrats”, pagkatapos, umalis ka na…
Masakit Claire, iyong napakarami kong nais sabihin s’yo nang gabing iyon pero hindi ko nasabi at wala akong ibang nagawa kundi panoorin ang pag-alis mo. Hindi ko man lamang nalaman na iyon na ang huling beses na makikita kita.
Ibibigay ko ang lahat Claire, kapalit lang ng mga salitang itinago ko dito sa puso ko na hindi ko kailanman naipagtapat s’yo.
Kinakabahan ako sa muli nating pagkikita, alam ko kasi na magmimistula na naman akong bata sa harapan mo, iiyak na naman ako Claire at hindi ko iyon kayang pigilan.
Inaasahan ko na Makita kang nakasuot ng puti, nasa simbahan, nakahimlay sa altar, napakaraming bulaklak sa paligid mo at alam kong napakaganda mo pa din Claire, at katulad nang ipinangako ko s’yo, naroon ako, para sa iyo.
Claire…
Tinawagan ako ng Mommy mo noong isang araw at sa kanya ko nalaman ang lahat. Ang sabi ko, hindi ‘yun p’wedeng mangyari, ngunit hindi panaginip ang lahat, totoo Claire.
Nasa Health Center k’yo ng Marasiga, naghahanda na sana k’yo sa pagluwas ninyo sa Manila ngunit pasakay na k’yo sa Service Van ng may humintong apat na motorsiklo at pinaulanan k’yo ng bala…
Tama ka Claire, malapit na t’yong magkita, uuwi na ako bukas, babalik na ako sa piling mo, upang hawakan ang iyong kamay, upang ipadama sa iyo na sa mundong puno ng lupit at sakit, narito ako, ang iyong pahingahan, ang iyong kapayapaan at sa ating muling pagtatagpo, muli kong aaninawin ang kaamuhan ng iyong mukha, alam kong iiyak ako Claire, sa ating nalalapit na pagkikita’y iiyak ako nang iiyak at habangbuhay kong hihintayin ang katuparan ng iyong pangako na ako’y iyong ngingitian…
Claire,
Mahal kita.
Love,
Mary Lauren
Rascal Flatts - What Hurts the Most(good version) (Rascal Flatts)
Sakyubus
August 22, 2011Sakyubus
Hindi ko alam kung paano ito nagsimula. Siguro sa panaginip, siguro kasabay ko itong lumalaki at naging isang ganap na dalaga. Hindi ko alam at ayoko nang alamin pa. Natuklasan ko ito sa mismong araw ng ika-labing walong kaarawan ko. Habang kasayaw ko si Daddy, habang tumutugtog siya ng Piano, habang nakatitig ako sa kanya.
Ipinikit ko ang aking mga mata at unti unting umigkas ang aking kaluluwa. Paangat at saglit itong lumipad lipad sa mataas na ceiling at naglambitin sa makikinang na chandelier, at nang muli itong nalaglag papasok sa aking katawa’y nakaramdam ako ng napakatinding ginhawa.
Ang pangalan niya ay Laila. Iyon ang unang pagkakataong nakilala ko siya, iyon din ang unang pagkakataong pumailanlang ako at lumipad sa kay lakas na pwersa ng hanging tinawag kong, Pag-ibig.
Nang matapos ang kasiyahan ay buong gabi akong nakahiga lamang sa aking kama. Nakatitig sa kisameng may mga nakasabit na butterfly. Iba’t ibang kulay ng butterfly, pumikit ako’t sinubukang muling pumailanlang, ngunit nabigo ako. Nanatiling nakahimlay ang aking kaluluwa sa aking katawan. Payapa.
Inalala ko ang bawat galaw ng kanyang katawan, habang nakikipagsayaw siya ng waltz kay Daddy, ang init ng kanyang palad nang ipakilala siya sa akin ni Mommy, ang ngiti sa kanyang mukha nang magtama ang aming mga mata sa unang pagkakataon, ang pagkilos ng kanyang labi nang banggitin niya ang aking pangalan. Ang kaliit-liitang detalye sa kanyang katawan.
Tumayo ako’t naupo sa study table. Binuksan ko ang lampshade at nagsimula akong magsulat sa aking Diary na kahit minsa’y hindi ko pa nasulatan.
…lumipad ako’t dinalaw ko siya. Dala ang aking tula. Nakita ko siyang nakahiga sa kanyang kama at mahimbing na natutulog. Umupo ako sa gilid ng kanyang kama at hinaplos ko ang kanyang buhok. Walang sawa kong tinitigan ang kanyang mukha. Napakaganda niya. Kamangha mangha ang kanyang ganda. Hinagkan ko ang kanyang noo at pabulong kong binasa sa kanya ang aking tula…
Tinitigan ko ang mga itim na titik sa pahina ng aking diary. Hinaplos ito ng aking kamay at muli kong ipinikit ang aking mga mata. Kailangan kong umigkas. Kailangan kong lumipad, at nang idinilat kong muli ang aking mga mata’y nakita ko ang pagkilos ng mga titik. Unti unti silang kumawala sa papel at umangat sa aking harapan hanggang sa ang mga ito’y naging maliliit na paro paro…
At nadinig ko ang paglagutok ng aking buto sa likod. Napaliyad ako dahil sa parang may nais kumawala mula dito. Tumayo ako at humarap sa salamin at doo’y nasaksihan ko ang unti unting pag-alpas ng isang pakpak na kawangis ng sa isang Mariposa sa aking likod at ito’y lumaki ng lumaki hanggang sa sakupin na nito ang buong repleksyon ko sa salamin. Hinubad ko ang aking nightgown at ang balat ko’y nagkulay berde at pula at dilaw. Napakaganda. Nang ilibot ko ang aking paningin sa kabuuan ng aking silid ay naroroon pa din ang mga maliliit na paro paro, wari ba’y naghihintay sa akin at kami’y magkakasamang lumipad sa dilim ng gabi.
Kinaumagahan ay nakita ko si Laila na nakaupo sa labas ng gate namin. Mabilis siyang tumayo nang makita ako.
“Maggie…” pasimula niya. Nanatiling nakabuka ang bibig niya ngunit wala ng ibang salita pa ang nanulas mula dito. Napansin kong nangangalumata siya at puno ng kalituhan ang maganda niyang mukha.
“Bakit?”
“Napanaginipan kita kagabi.” Sambit niya sa mahinang tinig. Hindi ako kumibo. “Basahan mo ako ng tula…” hinawakan niya ang kamay ko, wari bang nakikiusap. Nginitian ko siya at umiling iling.
“Hindi ako mahilig sa tula.”
Malungkot siyang napayuko at pagkaraan ng isang malalim na buntong hininga’y nagpaalam na siya sa akin.
“Mamayang gabi… muli kitang dadalawin.” Ang mahina kong bulong sa aking sarili.
Halos gabi gabi’y ganoon ang ginagawa ko. Sa tuwing nadadatnan ko siyang gising ay nananatili lamang ako sa labas ng kanyang bintana, at kapag siya’y himbing na sa kanyang pagtulog ay doon ko lamang siya papasukin upang paulit-ulit na mahalin. Naging isa itong mahalagang bagay na pinagmumulan ng aking kaligayahan. Tuwing gabi’y nagsusulat ako sa aking Diary, at ang mga titik ay nagiging paro paro at ako’y tinutubuan ng pakpak ng isang mariposa at kami’y lilipad, upang muling dalawin si Laila, upang muli siyang pagmasdan, upang muli siyang basahan ng tula habang siya’y nahihimbing.
Bibihira ko lamang makita si Laila, tuwing dumadalaw ang kanyang mga Magulang sa ami’y doon lamang ako nagkakaroon ng pagkakataon na makita siya nang hindi ko na kinakailangan pang lumipad. Ngunit hindi ko siya nilalapitan o kinakausap man lang, nanatili akong nakakubli sa malayo, kung saan ay malaya ko siyang mapagmasdan nang hindi niya nalalaman.
Hanggang sa nagtapos ang bakasyon at sa unang araw ng pasuka’y napag-alaman kong sa iisang Unibersidad kami mag-aaral. Magkahalong pananabik, alinlangan at takot ang nadarama ko, ngunit hindi niya ito kailangang mahalata, hindi niya ito kailangang malaman. Sapat na sa akin ang aking ginagawang paglipad tuwing gabi patungo sa kanyang silid, upang muli siyang dalawin, upang muli siyang suyuin.
Ngunit dumating ang isang mapanuksong gabi. Dahil nang dalawin ko si Laila nang gabing iyon ay wala siya sa kanyang kama. Agad akong nakadama ng takot at pagkabahala. Nasaan na siya? Ang tanong ng aking puso…
Nanatili kami sa kanyang bintana. Naghintay. Nag-abang hanggang sa lumabas siya mula sa loob ng Comfort Room. Nakatapi lamang siya ng tuwalya. Nang tanggalin niya ang tuwalya na nakabalot sa kanyang katawa’y nais kong mag-iwas ng tingin, ngunit para akong nabalani sa aking nakikita. Ang magandang hubog ng kanyang katawan. Ang bawat kurba nito…
Naramdaman ko ang pagdaloy ng init sa aking kabuuan at ako’y mabilis na lumipad palayo. Buong gabi’y nanatili ako sa piling ng mga ulap, lumipad lipad paikot sa buwan habang paulit-ulit na gumuguhit ang alaala ng katawan ni Laila sa kalawakan ng aking gunita.
Hapon. Maalinsangan ang panahon ngunit may maliliit na ambon ang pumapatak mula sa kalangitan. Ipinatong ko ang aking bag sa aking ulo at mabilis na naglakad sa quadrangle nang biglang may humawak sa aking braso.
Si Laila.
Isinukob niya ako sa kanyang payong at hindi niya binitawan ang aking braso. Naamoy ko ang bango ng kanyang katawan at muling dumaloy sa akin ang kakaibang init na yaon. Napakahirap pigilan, napakahirap iwaksi sa aking isipan, lalo na nang maalala ko ang anyo ng kanyang kahubaran. Napapikit ako ng mariin.
“Maggie, hindi ko alam… pero, parang…” Ibinitin niya ang iba pa niyang sasabihin. Huminto kami sa paglalakad at hinarap niya ako.
Pinagmasdan ko ang kanyang mukha. Inangat ko ang aking kamay at hinaplos ng aking daliri ang kanyang labi. Napapikit siya at hinawakan ang aking kamay at idinikit iyon sa kanyang pisngi.
…Laila, Mahal kita…
Agad kong hinila ang aking kamay at mabilis siyang tinalikuran. Hindi niya ako hinabol, ngunit nararamdaman kong pinapanood niya ang aking paglayo.
Halos isang buwan kong pinigilan ang aking sarili sa paglipad. Pilit kong kinalimutan ang gawaing iyon, ngunit sa aking kaloob looban ay nakadama ako ng isang matinding kahungkagan at kinain ako ng napakalaking kalungkutan.
Hindi ko na kayang tagalan pa ang paghihirap na iyon, kaya’t mabilis akong nagsulat sa aking Diary. Mabilis, paspas, nagmamadali, sabik na sabik, at muling naganap ang lahat.
Lumipad kami papunta sa kanyang silid at muli ko siyang nakita. Naroon sa kanyang kama at mahimbing na natutulog. Matagal ko siyang pinagmasdan, ang kanyang kabuuan, mula ulo hanggang paa…
Lumapit ako sa kanya at hinaplos ang kanyang binti, hinagkan ko ito, puno ng ingat, puno ng hinahon habang mahina kong binibigkas sa kanya ang aking tula.
Nahulog ako sa bangin ng mga bulaklak
Sa pagitan ng puso at utak,
Kaluluwa at pangarap…
Pumatong ako sa kanya at hinagkan siya sa noo, sa ilong, sa labi, sa leeg…
at paulit- ulit akong dinadaya ng dilim,
paulit-ulit ako nitong lilinlangin…
Hinaplos ng aking mga daliri ang kanyang puting damit at ito’y marahan kong hinubad. Lumitaw ng tuluyan ang kanyang malusog na dibdib. Hinipan ko ito bago dinampian ng mariin ngunit puno ng pagsuyong mga halik.
at ang sakit ay sumikdo-sikdo sa aking ugat,
dumulas palabas,
sa aking katawan,
sa aking daliri,
sa aking utak…
At ang labi ko’y dumulas sa kanyang namimintog na mga utong na parang isang kay tamis na ubas, pababa sa kanyang sikmura, sa kanyang puson hanggang sa kanyang hiyas na kay tagal kong pinanabikang maangkin.
Kay tagal kong sinimsim ang kanyang kadalisayan. Ang kanyang angking ganda at halimuyak. Isa siyang bulaklak at ako ang kanyang Mariposa.
Muli ko siyang hinagkan sa labi at niyakap ko siya ng napakahigpit, ang mga maliliit na paro paro’y nagliparan paikot sa aming dalawa, ang katawan nami’y unti unting lumutang, kami’y lumipad pataas, lumusot kami sa bubungan at kami’y isinayaw ng hangin sa ilalim ng nakakabighaning liwanag ng buwan.
Gabi Gabi’y dinadalaw ko siya upang alayan ng tula, upang angkinin, upang ilipad at isayaw sa dilim. Doon ko lamang maipararamdam sa kanya ang aking Pag-ibig. Ang Pag-ibig kong inililihim sa mundo ng katotohanan.
“Kagabi’y napanaginipan ko ang pagdalaw ng isang napakagandang mariposa sa aking silid. Niyakap niya ako at itinago sa kanyang makulay na pakpak. Inilipad niya ako palapit sa buwan at kami’y nagsayaw sa ibabaw ng mga ulap, habang ang mga maliliit na paro-paro’y binibigkas sa amin ang isang napakatamis na tula.”
Nanatili akong nakayuko habang binabasa niya ang kanyang isinulat sa aming Literature Class. Nang matapos siya’y nag-angat ako ng tingin at nakita ko siyang nakatitig sa akin habang ako’y binibingi ng mga palakpakan ng aming mga kaklase. Muli akong napayuko. Hinawakan ko ang aking kanang kamay ng mahigpit upang pigilan ito sa panginginig. Tumatagaktak ang pawis sa aking noo. Muli siyang naupo sa aking tabi at inilapag sa aking armchair ang nakatuping papel.
Nang buklatin ko ito’y lalo akong pinanginigan ng mga kamay. Parang bahang umagos ang aking pawis sa aking katawan. Napasulyap ako kay Laila, ngunit hindi siya nakatingin sa akin. Muli kong binasa ang nakasulat sa nakatuping papel…
…Hihintayin kita sa cafeteria, kailangan nating mag-usap…
Ngunit, ako’y kinain ng karuwagan kaya’t hindi ko siya sinipot sa una sanang pagtatagpo naming dalawa.
Pagkatapos niyon ay naramdaman ko ang kusang pag-iwas sa akin ni Laila, at ako’y nakuntento na lamang sa aking pagdalaw sa kanyang panaginip tuwing gabi.
Siguro nga’y tanging iyon lamang ang aking maihahandog sa kanya, tanging doon ko lamang siya maaaring ibigin ng ubod laya…
Iyon lamang. Doon lamang.
Pasikat na ang araw ngunit nanatili akong nakaupo sa mga ulap, sinisilaw na ako ng mga silahis ng liwanag na siyang lalo lamang nagpahapdi sa aking mga mata.
Patuloy sa pag-agos ang aking mga luha. Naipon ito sa ulap at diniligan nito ang buong mundo. Ang mga maliliit na paro paro’y nagliliparan sa aking buhok, pilit akong pinapatahan sa aking pag-iyak, ngunit paano nga ba makakalimot ang isang pusong wasak?
Kapag ang katotohanan ay sumabog sa gitna ng isang panaginip, ang lahat ay mauuwi sa bangungot… dahil wala ng mas hahapdi at papait sa reyalidad na aking nakita’t nasaksihan sa silid ng bulaklak na aking iniibig…
Ang aking bulaklak ay may ibang babaeng katalik…
Luhaan ang matang patuloy ako sa pagsusulat sa aking Diary. Puno ito ng sakit at galit, at nang umigkas at umalpas ang mga titik, sila’y hindi na mga paro paro, kundi mga pangit na insektong naglalabas ng malapot na berdeng laway.
Lumagutok ang buto sa aking likod at nawasak ang aking damit. Lumabas mula dito ang isang kulay pulang pakpak na may matatalas na balahibo. Pinagmasdan ko ang aking balat, gumagapang dito ang kulay berdeng tinta. Lumabas ang dalawang mahabang sungay sa aking ulo. Pumitik pitik ang aking pakpak at ako’y inilipad nito palayo…
Bawat dampi ng aking halik sa kanyang katawa’y sumusugat sa kanyang balat, nadirinig ko ang kanyang impit na ungol, ang mga matatalas kong kuko’y parang apoy na lumalapnos sa kanyang kabuuan…
Nalalasahan ko ang kanyang dugo, naaamoy ko ang kasariwaan nito at lalo lamang tumindi ang nadarama kong pagnanasa na siya’y angkinin, ang siya’y kainin.
Iyon ang huling pagdalaw sa kanya ng aking pag-ibig… ang huli at pinakamapait na pagsalakay ko sa kanyang panaginip…
Mula sa kinatatayuan ko’y pinagmasdan ko ang buong mundo. Napakataas ng aking kinalalagyan. Mapait akong ngumiti at tumitig sa araw. Napakagandang tanawin.
Inabot ng aking kamay ang aking likod. Wala na ang aking mga pakpak. Wala na. Pinilas ko ang bawat pahina ng aking diary at itinapon ito sa hangin. Nakita ko ang paglipad nila sa magkakaibang direksyon. Pababa, pataas, kahit saan. Ligaw.
Tinitigan ko ang huling pahina na nasa aking kamay, iyon ang huling parte ng aking tula. Hilam sa luhang mahina ko itong binigkas.
at ako’y natunaw nang sumapit ang takipsilim,
at mabilis na kumupas sa piling ng mga antuking bituin.
at marahil nga’y wala nang matitira pa sa akin,
sapagkat,
ako’y iyong kinain!
At tsaka ko ito pinakawalan sa hangin. Itinaas ko ang aking mga kamay sa langit at pikit mata akong ngumiti. Hindi ba’t may pakpak ako? Kaya’t lilipad ako… lilipad.
Lilipad!
Love is a many splintered thing…
You are I am - Gravity (You Are I Am)
Hightide sa Malabon III
Nine years old ako nang matuklasan ni Duday ang isang lugar na nakatago sa matataas na pader ng Skybag. Isa iyong factory ng mga papel na ang may-ari’y madalas maghagis ng kendi at laruang plastic na nakabalot sa kulay pulang tela tuwing pasko.
Sa tapat ng bahay namin ay isang masikip at madilim na eskinita na sinasabi nilang may white lady daw na nagpapakita tuwing gabi,pagpasok mo sa eskinitang iyon ay kakanan ka, doon sa looban, pang walong bahay na may sementadong hagdan na kulay brown ay ang bahay nila Duday. Sila pa lang ang up and down ang bahay noon at sa aming magkakalaro, siya lang ang may sariling kwarto. Sabi niya’y hindi niya sinasadyang matuklasan ang lugar na iyon, tumakbo daw kasi ang alaga niyang tuta na si choochoo at sa kakahabol niya’y nasuot siya sa ilalim ng lumang lababo sa labahan ni Ate Pangga. Doon sa ilalim ng lababo ay may isang butas na kasyang kasya kami. Pumasok daw siya sa butas at bongga, natuklasan niya ang lugar na iyon.
Ako ang una niyang pinuntahan. Tanghalian nang sumilip siya sa bintana namin na may hawak na lillipop na chocolate flavor. Iyon kasi ang paborito ko. Nilapitan ko siya at ibinulong niya ito sa akin. Gustong gusto ko ng sumama sa kanya at pumunta sa lugar na iyon, ngunit hindi pa pu-pwede, dahil kailangan ko pang matulog at maghintay sa pagpatak ng alas kwatro bago ako payagan ni Ate na lumabas.
Hindi ako nakatulog nung tanghaling iyon. Nakapikit ako ngunit nanatili akong gising, habang sa imahinasyon ko’y paulit-ulit kong nilalaro ang mga eksena na parang isang pelikula.
Naroon kami ni Duday sa lugar na iyon, magkahawak ang kamay habang nakikipaghabulan kay choochoo.
…
Unang araw ng Practice nang Graduation namin noong high school nang una akong sinalakay ng napakaraming paro-paro. Nasa Gym kami noon, hiwalay ang Practice namin, ang umaga ay para sa mga girls at ang hapon naman ay para sa mga boys. Hindi ko makuha ang logic ng ganoong sistema, pero nakakatamad na ding kwestyunin pa ang tumatakbo sa kukote ng Assistant Principal namin.
Mataas ang lagnat ka noon, tumatagaktak ang pawis ko at nag-iiba na ang tingin ko sa paligid ko. Napansin iyon ng Adviser namin kaya’t pinaupo niya ako sa bleachers para kahit papaano’y makapagpahinga ako. Nasa mataas na parte ako ng bleachers at pinagmamasdan ko lang ang mga schoolmates ko na mga nakaindian seat sa sahig ng Gym at nagdadaldalan. Maya maya’y dumating ang Principal namin na may dalang isang malaking kahon, agad naman siyang nilapitan ng ilang Teachers at hindi nagtagal ay namimigay na sila ng Abanikong ang mga kulay ay Plain white or blue or pink or yellow or green or orange or red. Isa isang ibinuka ng mga schoolmates ko ang kanilang abaniko at nagsimulang magpaypay hanggang sa ang lahat na’y naging abala sa pagpapaypay…
at mula sa kinauupuan ko’y pinagmasdan ko ang iba’t bang kulay ng mga abanikong pumapagaspas, parang mga pakpak ng mga paro parong may iba’t ibang kulay, napakaganda, ang ganda ganda. Ang dami dami nila, napakarami…
Tumayo ako sa kinauupuan ko at naglakad pababa, palapit sa mga paro parong iyon, manghuhuli ako ng isa, kahit isa lang… ngunit biglang umikot ang paningin ko at para akong kandilang naupos sa sahig.
Bago pa tuluyang magdilim ang paningin ko’y nakita ko ang mga paro parong nagliparan palapit sa akin, at ako’y kanilang pinagkalumpunan.
…
First time kong sumakay ng LRT, pupunta akong National Library dahil kailangan kong mag research tungkol sa Orihinal na kopya ng El filibusterismo. Sa Train na sinakyan ko’y halos puro kami babae, tatlo lamang ang lalaking nandoon, isang matanda na natutulog sa pinakadulong upuan, isang batang lalaki na walang tigil sa pag-iyak at isang teenager na kasama ang kanyang Mommy.
Nakatayo ako at nakasandal sa stainless pole at nakaharap sa glass door para makita ko ang mga madadaanan kong lugar. Tinanggal ko ang bow tie ko na checkered green (na katerno ng palda) ko at itinago iyon sa bag ko. High school na high school kasi ang hitsura ko. Dyahe.
Habang nasa daan ay wala akong ibang katitigan kundi ang malabo kong repleksyon sa glass door at pilit inaaninaw ang hitsura ko. Ang payat payat ko, para akong may sakit, kulay kalawang ang mahaba kong buhok (na sabi ng Principal nami’y hindi daw ako makakagraduate kung hindi ko iyon paiitiman) at mahaba ang mga kuko ko sa kamay. Napangiti ako, dalaga na ako. Dalagang dalaga na. Lalo akong napangiti ng maalala ko ang Shagging Moments namin ni Carlo. Isa lang kasing malaking joke ang lahat.
Sa R.Papa’y nagsakayan ang isang grupo ng mga college girls na taga Sta. Isabel. Ang i-ingay nila. Tawanan sila ng tawanan habang malalanding nagke-kwentuhan tungkol sa mga boys.
At doon biglang pumasok ang isang tanong sa utak ko. Humarap ako sa kanila at sumandal sa Glass door, pinagmamasdan ko lang sila, pati na din ang iba pang babaeng pasahero ng Train. Pinagmasdan ko din ang babaeng nakatayo sa harap ko at nakahawak ng mahigpit sa pole. Napangiti ako sa mga naiisip ko, ganoon din kaya niya hawakan ang titi ng boyfriend niya o ng asawa niya o ng kabit niya o nang kung sinong lalaking kinakalantari niya?
Sumunod kong pinagmasdan ay ang mga bibig ng mga babaeng iyon, ang iba’y nakatikom, ang iba’y nakanganga, ang iba’y nakangiti at tumatawa habang ang iba nama’y walang tigil sa kakasalita…
at naisip ko, ilan kaya sa mga bibig na ito ang nambo blow job tuwing gabi? Ilan kaya sa mga bibig na ito ang nakalasa na ng tamod ng isang lalaki?
…
Four years old ako nang bihisan ako ni Ate Oli, iyon ang paborito kong damit, iyon ang regalo sa akin ni Mama noong birthday ko. Hindi ko masyadong iniintindi noon ang pag-iimpake ni Mama, ang pananahimik ni Papa at ang mga walang hanggang bilin ni Mama sa mga kapatid ko. Para sa akin noon, wala iyong saysay, dahil ang akala ko noon, mamamasyal lamang kami.
Dumating si Uncle Mario dala ang owner niya. Nag-usap sila saglit ni Papa at maya maya’y binuhat na nila ang maleta ni Mama at isinakay sa owner. Sumakay na din kami, nang paalis na kami’y nagsimulang mag-iyakan ang mga kapatid ko. Si Ate J ay nagpipigil, si Ate Lei naman ay umiiyak ng walang sound at si Ate Ces ay ngumangawa, naisip ko, nalulungkot siguro sila kasi hindi sila kasama at nalungkot din ako.
Bumiyahe kami, hindi ko alam kung gaano katagal, kasi nakatulog ako. Si Mama ang gumising sa akin, binuhat niya ako niyakap, ang sabi niya, kapag malaki na daw ako, siguradong maiintindihan ko din ang lahat. Tumango ako, ang sabi ko sa kanya, malaki na ako at naiintindihan ko na. Ngumiti lang siya at nakita kong nangingilid ang luha sa mga mata niya. Kinuha ako ni Papa, samantala, binuhat na ni Uncle Mario ang Maleta ni Mama at naglakad na sila palayo ni Mama kasama si Ate Oli. Naiwan kami ni Papa. Hindi nagsasalita si Papa, basta, karga karga niya lang ako at nakatayo lang siya doon. Matagal, ang tagal tagal….
Nang bumalik si Uncle Mario at Ate Oli ay hindi na nila kasama si Mama. May sinabi si Uncle Mario kay Papa na sinasabayan pa niya ng tapik sa balikat. Tumatango tango lang si Papa. Hindi kami umalis agad, naghintay pa kami.
Naisip ko, hinihintay namin si Mama…
Naiinip na ako kaya tinanong ko si Ate Oli kung nasaan si Mama, hindi siya sumagot, tapos itinuro sa akin ni Papa ‘yung papalipad na eroplano.
“Beybi, tignan mo, airplane oh!” sabi ni Papa.
Tuwang tuwa akong tumingin sa langit, kitang kita ko ang eroplano at nakangiti akong kumaway dito at sumigaw ng; “Ba-bye ba=bye!”
Naramdaman ko ang paghigpit ng yakap ni Papa sa akin…
Umuwi kami na hindi namin kasama si Mama. Hindi ako nagtanong, hindi kahit kailan. Mali ako nang sabihin ko kay Mama na malaki na ako at naiintindihan ko na, dahil noong mga panahong iyon, hindi ko ito maintindihan, at mali si Mama nang sabihin niya sa akin na pag laki ko, maiintindihan ko din ang lahat, dahil hanggang ngayon, hindi ko pa din iyon maintindihan.
Hindi ko iyon maintindihan, pero may isang bahagi sa loob ko ang nagsasabing kailangan ko itong unawain…
…
Nararamdaman ko na, alam ko na kung saan hahantong ang lahat, ngunit hindi ko inaasahan na kay dali itong matatapos. Nagsisimula palang akong managinip, nang sumabog ang katotohanang kailangan ko nang gumising.
Ilang gabi din kaming natutulog ng magkatabi na walang imikan, para bang bigla kaming naubusan ng mga salitang sasabihin namin sa isa’t isa, para bang bigla kaming naging estranghera… at ang lahat ay nilalagot namin sa katahimikan.
Mahal ko siya. Mahal na mahal ko siya, saksi ang buong mundo, ang kalawakan at ang impyerno, ang langit at ang mga pekeng paraiso, saksi ang kakikikikian ko, ang lahat lahat sa akin…
Ilang gabi na habang natutulog siya’y nananatili akong gising, pagmamasdan ko lang ang mukha niya at tsaka ako luluha. Ilang gabing pilit akong nakipag bargain sa Diyos, nakikipag deal sa kanya, sumusugal, pumupusta… Ilang gabi akong nagdasal, ipinagdasal ko siya… na habang himbing na himbing siya’y babangon ako’y mauupo sa paanan ng kama niya at doo’y magdarasal ako, kung saan ako at ang tanging Diyos lamang ang nakakaalam na nagdarasal ako, na umiiyak ako. Kung ilang gabi kong ipinakiusap sa Diyos ang lahat lahat ng pagsusumamo ko’t pagmamakaawa, at kung ilang ulit kong ibinulong sa dilim ang mga salitang; “Please God, don’t let her leave…”
Ngunit, busy ang Diyos noong mga gabing iyon.
…
Lagi naming inaabangan ni Duday ang pagdaan ni Mang Boy Senyang. Siya iyong siga sa lugar namin, isa siyang hoodlum na maraming tattoo sa katawan, matangkad, malaki ang katawan na may kasamang taba at parang limang buwang buntis sa laki ng tiyan.
Ang sabi ni Duday, si Mang Boy daw ay nagiging halimaw kapag gabi na. Kapag tulog na ang buong Malabon ay lumalabas daw si Mang Boy at doon sa Lumang bodega ni Malvar daw ito nagpapalit ng anyo. Kaya tuwing dumadaan si Mang Boy sa Garahe na paborito naming tambayan ay nanginginig ako sa takot. Minsa’y tinititigan ko ang pwet niya at hinahanap kung saan niya tinatago ang kanyang buntot, minsan naman ay ang makapal niyang kulot na buhok ang pinagdidiskitahan ko, dahil alam ko na naroroon, doon nakakubli ang sungay niya.
Isang gabi’y sinamahan ko si Ate J na mag-igib ng tubig kina Mang Rudy, sa looban iyon, malapit sa bahay nila Duday. Maraming pila at si Ate J ay naging abala na sa pakikipaghuntahan niya kina Ate Vange na pinsan namin sa Father side na sa looban din nakatira, kaya’t pumuslit ako at pumunta kina Duday. Binigyan niya ako ng paborito kong Lollipop na chocolate flavor at tsaka niya ako niyaya na sumilip sa Bodega ni Malvar. Nakita daw kasi niya doon si Mang Boy na pumasok kanina. Hindi na ako nagdalawang isip, sumimple kaming umakyat sa pader at naglakad sa mga kalawanging bubong na ang iba’y dinadaganan lamang ng mga hallow blocks, mga matatabang kahoy at gulong ng jeep. Dumiretso kami sa bubungan ng Bodega, katapat niyon ay ang mahaba at malaki at lumang Apartment na pag-aari nila Cristobal, at sa harapan ng Apartment ay ang dikit dikit na bahay ng Anonas, at sa mismong tapat nito ay ang bahay namin, kaya malamang, kung biglang tinopak ang Diyos nang mga gabing iyon at pinaglaho niya ang Apartment ay makikita ako ni Papa o ng isa sa mga Ate ko na nasa bubungan ng Bodega ni Malvar at siguradong umaatikabong palo na ang magaganap.
Dahan dahang yumuko si Duday at sumilip sa mga maliliit na butas na gawa ng mga pinaghugutang pako sa yerong bubong, hindi ko alam kung anong nakikita niya, dahil napatda na ako sa aking kinatatayuan, hindi na ako nakakilos at para akong kinulam sa aking nakita. Hindi isang halimaw ang natagpuan ko nang gabing iyon, kundi isang diwata.
Mula sa balkonahe ng Apartment ay nakita ko si Trixie, ang kilalang GRO ng Marietta Club, nakatayo lamang siya doon, nakayuko at naninigarilyo habang sa tabi niya ay isang malaking lampara, at kahit malayo ako’y alam ko, ilang ulit pinahid ng palad niya ang kanyang pisngi… Umiiyak siya.
Isang babaeng umiiyak sa dilim, parang isang aprisyon, isang pangitain… Napakagandang tanawin. Ang ganda ganda…
At ipinangako ko sa aking sarili, siya ang unang babaeng pag-aalayan ko ng unang tulang lilikhain ng aking isipan at damdamin.
collective soul - the world i know (collective soul)
Hightide sa Malabon II
Naisip ko na ang clitoris ko ay ang Gravity na humihila sa akin pababa, minsan nama’y para siyang pakpak na nagdadala sa akin sa pinakamataas na parte ng langit, kung saan, wala doon ang Diyos sa luklukang inaasahan ko na pagkakakitaan ko sa kanya, at sasabihin niya sa akin na; “Ikaw ay hindi kailanman nagkasala.” o kaya naman ay isang compass na nagtuturo sa akin sa tamang direksyon ng mga nais kong mapuntahan, mga lugar na kay daming tagong damdamin na naghihintay para aking tuklasin. Ngunit madalas, pakiramdam ko’y isa lamang siyang manika katulad ng mga manikang iniiyakan ng mga batang babae sa department store para lamang ibili sa kanila ng kanilang mommy, o isang mamahaling robot na tinititigan lamang ng mga batang lalaki dahil alam nilang hindi nila ito afford.
O katulad ng maiilap na paro paro na pakiyeme kung dumapo sa mga damo…
Ngunit araw araw, nagsilbi siyang isang gutumin at matigas ang ulong alaga na kahit na pakainin ko pa ng pakainin ay nanatiling gutom, na kahit alagaan ko pa at paliguan at mahalin, kakagatin pa din niya ang aking kamay, pagtataksilan pa din niya ako at ipagkakanulo.
Umabot ng matagal na panahon bago ko iniwan ang casual sex, may kalakip na nangungutyang nostalgia ay inaalala ko ito minsan, ang tradisyon nang pakikipagkantutan sa mga taong hindi ko lubos na kilala at hindi kailanman itinangi sa aking buhay, mga taong saglit lamang na dumating at nang umalis ay nanatili akong walang pakialam, bumabalik ang lahat ng ito sa akin tuwing dumadaan ang parada ng mga alaala, at muli kong lalakbayin ang lahat lahat gamit ang aking compass na nagsisilbing guide ko sa direksyon at dahil dito, nakakabalik ako sa reyalidad.
Dumating din ang araw na nanikluhod ako sa civilized sex na nagbigay sa akin ng isang makamanhid utak na orgasmo mula sa mga love letters ng pag-ibig, relasyong iniingatan at babaeng kauna-unahan kong minahal.
Hindi iyon kailanman naging madali, dahil noon, para sa akin, ang pag-ibig ay tanda ng isang kahinaan. Ang pinakamalupit na kahinaan.
Ngunit babae ako. O ano naman ngayon? Pero babae ako, babae… babae…
Babae.
Katulad ng pag-ibig, hindi din naging madali sa akin ang pag o-orgasmo. Fifteen years old ako nang pagdudahan ko ang sarili ko, ang kakayahan ko. Noong naging boyfriend ko si Carlo at halos wala pa kaming isang buwan ay nag me-make out na kami’y alam ko na agad ang deperensiya. Putang ina, hindi ako nilalabasan.
Batang bata pa ako noon at hindi ko pa lubusang naiintindihan ang mga bagay bagay tungkol sa sex. Ang alam ko, magpapatungan kayo, maghihindutan at lalabasan at doon magtatapos ang lahat, pero hindi nagtatapos para sa akin ang lahat, dahil kahit anong gawin ko, hindi ako nilalabasan.
Third year College ako nang inisip ko na baka may sakit ako, na baka may sapak ako sa kukote, ngunit nanahimik ako, kasama ang mga disoriented kong egg cells, at ako’y nanatiling mas malamig pa sa frozen corpse na matagal nang nakaimbak sa isang morgue ref.
Naniniwala ka ba sa engkantada?
Eight years old ako nang makaramdam ako ng matinding lungkot at pangungulila. Gusto kong makita si Mama o kahit marinig lang ang boses niya, gustong gusto ko ng yakap ng isang Ina nang mga oras na iyon, ngunit wala si Mama kaya sinarili ko na lang ang lahat.
Alas diyes ng umaga, sabado, 1991, pumunta ako nang St. Peter and St. John Parish na nasa Orange Road ng Malabon. Oo nga’t hindi ako mahilig magdasal ngunit kapag nasa estado ako ng kalungkuta’y simbahan ang unang lugar na naiisip kong puntahan.
Pagpasok ko ng gate ay dumiretso ako sa Balcony ng simbahan, doon tanaw ko ang dikit dikit na bahay ng Vanyas at ang malawak na kangkungan ng Araneta. Mula sa kinauupuan ko’y nakarinig ako ng maliliit na tawa ng isang batang babae. Sumilip ako sa baba at sa bakanteng lote sa gilid ng simbahan ay natagpuan ko siya. Nakaupo siya sa mga lumang naglalakihang bato katabi ng isang basag na rebulto ng anghel na madungis. May hawak siyang maliit na basket na gawa sa iba’t ibang kulay na straw, sa loob ng basket ay mga bulaklak ng gumamela at bougainvillea. Napakaputi niya, para siyang kumikinang sa kaputian. Tumatawa siya habang pinagmamasdan niya ang dalawang paro paro na lumilipad lipad sa ibabaw ng palad niya. Nilapitan ko siya.
Nag-usap kami, alam ko na nag-usap kami ngunit kahit anong gawin kong piga sa memorya ko’y hindi ko na maalala kung ano ang pinag-usapan namin. Ngunit naaalala ko ang tinig niya, malamig na parang humuhukay sa lupa, ang tinig niyang umuukilkil pa din sa utak ko hanggang ngayon nang sabihin niya sa akin ang pangalan niya.
“Mirasol.”
Oo, Mirasol ang pangalan niya. Hinawakan niya ang kamay ko at inaya ako sa kung saan. Pupunta daw kami sa hardin ng bahay nila. May malaki daw silang bahay. Malaki, malaking malaki.
Tinahak namin ang kalye papunta sa Duryan street at sa harapan nga ng isang malaking bahay na may mahabang terrace na kulay pula’y pumasok kami sa isang makipot na daan na sa magkabilaang gilid ay punong puno ng halaman at bulaklak. Pagkapasok ko’y hindi ko matanaw ang langit dahil sa mga matatabang ugat na gumapang pataas at nagsilbing bubungan, puno din iyon ng mga bulaklak. Akit na akit ako sa buong lugar, habang si Mirasol ay nagtatakbo papasok. Huminto siya at lumingon sa akin, nakangiti niya akong kinawayan at inaya papasok. Humakbang ako, ngunit nang pagkatitigan ko ang hardin ay napansin kong para siyang walang katapusang eskinita. Parang napakahaba niya at hindi maabot ng tanaw ko ang pinakadulo nito. Bigla akong tinamad. Tumalikod na ako at lumabas, bago ako tuluyang makalabas ay nilingon ko si Mirasol, nakatayo lamang siya doon, wala na ang ngiti sa kanyang labi. Kumaway ako sa kanya ng pamamaalam at tsaka ako tuluyang umalis.
Ipinangako ko sa aking sarili na babalik ako dito mamayang hapon. Babalikan ko siya.
Ngunit napansin ko na madilim na ang paligid. Nagmamadali akong naglakad at sumuot sa VMN Compund, may shortcut kasi doon papunta sa street namin at nakita ko si Ate Oli at Ate J, nang maispatan nila ako’y mabilis nila akong nilapitan. Hinawakan ni Ate J ang kamay ko samantala nama’y pinapagalitan ako ni Ate Oli na may bonus pang kurot at pingot.
Pinalo ako ni Ate Oli nung gabing iyon. Halos buong araw daw akong nawala at hinanap na nila ako kung saan ngunit hindi nila ako makita. Gusto kong sabihin na saglit lang naman kaming nagsama ni Mirasol. Ngunit nanatiling tikom ang bibig ko.
Hindi ako pinalabas ni Ate Oli ng bahay nung Linggo at mula sa bintana namin ay tinatanaw ko ang Krus sa tuktok ng simbahan ng St. Peter and St. John Parish, at ibinubulong ko sa hangin na babalikan ko si Mirasol, babalikan ko siya.
Twenty one years old na ako nang una kong malasap ang unang bugso ng orgasmo. Kay Hazel. Kaya ko siya siguro minahal noon ng todo todo, kaya siguro siya ang unang babaeng inibig ko, dahil siya ang unang taong nakabasag sa pader na itinayo ko palibot sa sarili ko.
Siya din ang unang taong pinagkwentuhan ko ng lahat lahat ng kaletsehan ko sa buhay.
Sa mga nauna kong naging partner ay napakadali para sa akin ang mameke ng orgasm, sa pinakaperpektong paraan, ngunit mahirap palang makipag sex sa isang Psychologist. Noong una naming gabi’y sinimulan ko agad ang ritwal nang pakikipagkantutan. Katulad nang nakasanayan kong gawin, inumpisahan ko iyon sa mahihinang ungol, pinilit kong maramdaman siya, pinilit kong makiliti o malibugan sa mga halik at haplos niya, ngunit katulad noong mga nauna sa kanya’y wala ding nangyari, dahil sa habang umuungol ako at ginagampanan ng katawan ko ang papel ng isang karakter na na tu-turn on sa sex mate niya’y biglang pumasok sa isip ko kung naipasok ko ba ang mga sinampay sa loob ng bahay, kung napakain ko ba ang mga alaga kong love birds, ang mga grade ko sa school na kailangan kong ayusin dahil baka hindi ako maka graduate, ang libro ni Anne Rice na matagal nang natutulog sa kabinet ko… at naramdaman niya iyon. Dahil pagkatapos namin ay titig na titig siya sa akin.
“You are sick.” ang sabi niya. “You don’t know how to fake your orgasm properly.” Tumawa lang ako at tumayo. Nagbihis at gumawa ng egg sandwich.
Sa mga sumunod naming make out scene ay nagpatuloy kaming bigo. Hindi tumatalab sa akin ang kanyang mga maneuver, ang kanyang mga technique at gayon din ako sa kanya. Hindi tumatalab ang talento ko sa kanya. Ang mameke ng orgasm.
Pinag-usapan namin iyon ni Hazel. Madami daw akong sexual fantasies na hindi ko inilalabas. Huwag daw akong mahiya pagdating sa sex. Maging malaya daw ako at huwag kong limitahan ang sarili ko. Pagkatapos nang pag-uusap naming iyon ay ilang gabi din akong hindi nakatulog. Nakahiga lang ako sa kama ko at nakatitig sa kisame. Ang sabi niya subukan ko daw magsarili kahit minsan lang, ngunit hindi ko iyon magawa kahit kailan.
Ngunit kailangan ko ng lumabas sa aking libingan. Matagal na akong nakalibing, kailangan ko ng harapin ang katotohanan. Kaya’t nang puntahan ko siya noong gabing iyon sa bahay niya, mahigpit ko siyang niyakap at lumuluhang (iyon ang unang iyak ko sa harapan ng iba) bumulong sa kanya; “Love me, please, I want you to love me…”
At kahit alam kong nagkukunwari lang siya na mahal niya ako noong mga sandaling iyon, nilabasan ako, ibinigay niya sa akin ang isang mind numbing orgasm na hindi ko kailanman naranasan sa iba, at iyon ang unang pagkakataon na tinawag ko ang mga naganap na hindi sex, kundi love making.
Dahil sa ka una unahang pagkakataon sa buhay kong pinuno ng lamig at takot, hinubaran ko ang kaluluwa ko’t ipinakita sa kanya ang kahinaan ko, at ako’y umibig. Umibig ng labis labis.
Seven years old ako nang mag-alaga ako ng hermit crab na pinangalanan kong Luchie, kahit na hindi ko alam kung ano ang kasarian niya’y inisip ko pa din na babae siya. Bakasyon noon, mula sa isang linggong pananatili ni Ate J sa La union ay iyon ang ipinasalubong niya sa akin. Tuwang tuwa ako. Halos buong hapon ay hindi ako lumabas ng bahay, nakaupo lang ako doon sa balkonahe namin sa likod bahay at pinagmamasdan siyang gumagapang sa palad ko, papunta sa braso ko. May dalang kiliti ang mga galamay niya at si Luchie ang unang nilalang dito sa mundo ang sinabihan ko ng; “I love you”
Nang dumating si Luchie sa akin ay nakalimutan ko ang paglabas ko ng bahay tuwing alas kwatro para makipaglaro, nakalimutan ko ang pagpunta namin sa Kang kungan sa Araneta, nakalimutan ko na ang holen, ang goma, ang tansan, ang paper doll, ang habulan sa Garahe. Nakalimutan kong lahat iyon at ang tanging nasa isip ko ay si Luchie.
Inilagay ko siya sa isang fish bowl na hiningi ko sa kalaro kong si Gieann. Nilagyan ko ito ng buhangin at mga batong kinuha ko pa sa riverside. Araw araw ko siyang pinapakain at naging maligaya kaming magkaibigan at magkalaro.
Ngunit bago magtapos ang bakasyon ay iniwan ako ni Luchie.
Isinama kaming magkakapatid noon ng Tita ko sa Mindoro at isinama ko si Luchie. Naisip ko, matutuwa siya kasi makakakita siya ulit ng dagat. Nagswimming kami sa Naujan Beach. Nakaupo ako sa buhangin at nasa kamay ko si Luchie. Inilapag ko siya sa buhangin at mabilis siyang naglakad palayo sa akin. Huli na para kunin siya ulit dahil humukay siya sa buhanginan at sumuot doon at hindi ko na siya nakita. Kahit na hinukay ko pa ang buhanging pinagsuotan niya’y hindi ko na siya nakita pa. Iniyakan ko si Luchie. Dahil isinawalang bahala niya ang masasaya naming pagsasama, kinalimutan niya ang pag-aalaga ko, ang pagmamahal ko…
Nang tanungn ako ni Ate J kung nasaan na si Luchie, ang tanging nasabi ko ay; “Bumalik na siya sa mundo niya. Iniwan niya na ako.” na sinagot naman ng kapatid ko ng isang yakap at gusot sa buhok. “Huwag ka mag-alala, marami pang luchie ang darating sa buhay mo.”
Tama si Ate J. Maraming Luchie ang dumating sa buhay ko.
paloalto- Last Way Out Of Here (Paloalto)
Hightide sa Malabon I
Ang Unang pagbaha: hanggang bukong bukong.
Kanina pagkagising ko’y hindi sinasadyang nakurot ko ang kaliwang utong ko. Masakit pala, at naisip ko, iyon na siguro ang pinakaweird na paraan para umpisahan ang araw ko at ang sulating ito.
Sa Malabon ako lumaki. Hindi naman binabaha ang lugar namin na Boundary na ng Caloocan-Malabon. Sa loob ng childhood years ko, wala pa akong naaalalang prinoblema namin ang baha, kaya nga ako ma’y nag-iisip kung bakit ito ang napili kong titulo ng isinusulat kong ito.
Mamaya, tutuklasin natin.
Iilang tao pa lang ang nakakaalam ng kakapiranggot na kwento ng buhay ko. Ang unang paglalakas ng loob kong i-kuwento ito sa pamamagitan ng panulat ay noong bagong Miyembro pa lang ako ng Filipino Writer, December iyon, 2008. Binigyan ko ito ng isang titulong nagpapakita ng kay raming childhood hang ups; “Dalawampu’t limang taong tulog si Santa Clause.” Maraming nag comment d’un, at nakatanggap din ng marami raming views, Pero last May lang ay binura ko na. Hindi ko alam kung bakit, basta, binura ko na siya.
Isa ang Childhood memories ko ang iniiwasan kong maging subject ng mga isinusulat ko, ngunit sa buhay ng isang nangangarap na maging writer, isa iyong bagay na hindi maiiwasan. kailangan mo itong balikan, at ang pagbabalik doon ay hindi nangangailangan ng pacute, patweetums na proseso, lagi itong mahirap, lagi itong malupit, lagi itong masakit.
Totoo naman ang laging pumapasok sa isip ko, hindi excuse ang ginawang kagaguhan sa iyo ng mundo para piliin mong maging tarantado. Totoo din na kahit ilang beses ka pang kantutin ng tadhana sa paraang kinasusuklaman mo’y hindi excuse na manggagagahasa ka na din ng buhay ng may buhay.
Isa iyong malaking kaululan.
Talentado ako. Alam ko ‘yun dahil iyon ang katotohanang ipinagsisigawan sa akin tuwing nakaharap ako sa salamin ng mga mata ng mga taong nakakaharap ko. Isang katotohanang may dalang sumpa dahil ang talento ko’y walang pagkakaiba sa isang walang kakwenta kwentang pelikulang ishinooting sa loob lamang ng isang linggo na kung hindi pa siguro nagpakita ng suso at pekpek at titi at mga nakahubad na katawang nagkakantuta’y malamang, nilangaw na ito sa takilya, pero dahil sa ginawa itong salsalan ng bayan, ayun, pinasok at pumatok at tumabo pa, saan ka?
Ito ang reyalidad ng buhay ko, isang katotohanang hindi ko tinakasan, hinarap ko ito kahit alam kong ako na ‘ata ang pinakaduwag na babae sa buong mundo. Ito ang reyalidad, kung paano ako nakipagtorohan sa kapalaran at nakipag one night stand sa mga estrangherong gabing hindi ko na mabilang.
Ito ang reyalidad kaya makinig ka. Makinig ka at mag imagine.
Noong bata pa lang ako’y tatlong bagay ang bumuo ng obsesyon ko. Butterfly, Barbie doll at ang Babae sa buwan.
Naaalala ko noon, madalas kaming pumupunta sa kangkungan sa Araneta, likod iyon ng squatters area sa Reparo. Malawak iyon, maraming puno, maraming taniman ng kangkong at madamo. Para sa amin, iyon ay isang magandang paraiso.
Kakatapos lang noon ng ulan nang takasan ko si Ate at lumabas ng bahay para maglaro, ayokong ayoko kasi ang routine namin noon na kailangan kong matulog sa katanghaliang tapat, iyon ang unang pagkakataong sinuway ko ang bilin sa akin ni Ate na pumirmi sa bahay at matulog.
Pumunta kami sa Araneta. Bago ka makarating doo’y kailangan mo munang sumuot sa masisikip na eskinita ng Vanyas, tapos ay aakyatin ang isang burol ng basura para makasampa ka sa pader, at sa likod ng pader na iyon ay ang aming paraiso.
Manghang mangha ako noon dahil sa napakaraming paro parong nagliliparan sa damuhan. Sumisikat na din ang araw at may bahagharing nakapinta sa kalangitan.
Inggit na inggit ako kay Duday dahil nakakahuli siya ng paro paro na inilalagay niya sa bote, inggit na inggit din ako kay Aya dahil dinadapuan siya ng paro paro sa ulo, sa kamay at sa balikat, samantalang ako’y nilalayuan ng mga ito. Hindi nagtagal ay dumami na ang mga bata na nagdatingan, nagtatakbuhan sila sa damuhan, nanghuhuli ng paro paro at nagtatawanan. Pinilit kong manghuli kahit isa lang, ngunit hindi ko magawa.
Ang parteng ito’y ginawa kong simula ng isa kong kwento: Kaya nagalit ako, galit na galit ako sa mga paro paro, ayaw kasi nila sa akin. Hindi sila nagpapahuli sa akin, samantala, ang halos lahat ng kalaro ko ay nakakahuli ng paro paro na inilalagay nila sa bote ng meyoneys kasama ang mga bulaklak ng santan at gumamela.
Ayaw nila sa akin, kaya ayoko na rin sa kanila.
Kumuha ako ng patpat at naupo sa damuhan. Naghintay, nag-abang.
Lagot ka sa akin, tang ina ka ha, lagot ka sa akin, makikita mo…
Isang kulay puting paro paro ang lumipad lipad. Pinigil ko ang aking paghinga. Hindi ko nilubayan ng tingin ang paro paro at dahan dahan itong dumapo sa mga maliliit na ligaw na bulaklak malapit sa aking harapan. Itinaas ko ang patpat at ito ay humampas sa hangin…
Iyon ang unang krimen sa kalikakasan ang nagawa ko. At alam kong hindi iyon ang magiging huli.
Sabi ni Ate, ako daw ang pinakamabait sa aming magkakapatid, dahil ako ang talagang sumusunod sa kanya. Iyon nga lamang at may ilang pagkakataon daw na naisip niyang abnormal ako, dahil may mga araw na nakaupo lang daw ako sa isang sulok at nagda-drawing o kaya’y nagsusulat o kaya’y nagkukulay at naggugupit gupit, minsan naman daw ay nakatingin lang ako sa labas ng bintana at kailangan pa akong kurutin para lang masigurado nilang buhay pa ako.
di urong daw ako noon. Kapag nakaupo daw ako sa shig at nagkataong naglilinis si Ate ng bahay ay binubuhat niya ako at iniuupo sa sofa o kaya’y inuurong para makapagwalis siya.
Ako lang ang nakakaalam kung ano ang naglalaro sa utak ko noong mga sandaling iyon. Ako lang at wala ng iba, at wala akong maaalalang ibinahagi ko na iyon o ikinuwento kahit kanino.
Grade one ako nang unang beses kong marinig ang salitang “Autistic” Unang araw ng klase iyon, ako ang pinakabata sa amin. Limang taon lang ako noon at gulat na gulat si Teacher kasi marunong na akong magbasa at magsulat, at hindi lang pangalan ko ang kaya ko nang isulat noon, at hindi lang Abakada ang kaya kong basahin. Si Ate kasi, magaling magturo, pinipingot niya ako at kinukurot sa tagiliran kapag hindi ako nakakapagsulat at nakakabasa ng maayos. Bago magpasukan ay tinuruan niya ako, buong bakasyon noon, wala kaming ginawa kundi iyon at naaalala ko na tuwing sabado at linggo lang ako nakakapaglaro, kaya naman tuwang tuwa ako noon pagnatapos na ang Connie Reyes on Camera na paborito niyang panoorin tuwing sabado at Lovingly yours helen naman tuwing Linggo dahil iyon ang hudyat na makakalabas na ako ng bahay at pwede ko ng tigilan ang aking pagtutulug tulugan.
Sandali, naligaw na ako, ikukwento ko pala ‘yung unang araw ng klase ko noong grade one.
Tinanong kami ni Teacher noon kung ano ang Talent namin, iyong mga kaklase ko hindi sumasagot, kasi hindi nila alam kung anong ibig sabihin ng talent, kailangan pang ipaliwanag iyon ni Teacher ng word by word, pero wala pa din sa kanila ang sumagot kaya nagmalaki ako at sinabi ko na kaya ng kaliwang kamay ko ang magdrawing habang ‘yung kanan naman ay kayang magsulat. Gulat na gulat siya noon sa sinabi ko, inutusan pa niya ako na ipakita sa kanya iyon kaya ginawa ko iyon sa blackboard. Tuwang tuwa ‘yung mga kaklase ko at si Teacher, ibinilin niya ang klase namin sa katabing Teacher at pumunta kami sa Guidance Counselor. Narinig ko na sinabi ni Teacher na baka daw Autistic ako.
Kung alam ko lang ang ibig sabihin ng Autistic nung mga panahong iyon, marahil namura ko si Teacher mula ulo hanggang paa.
Hindi ko alam, ngunit hindi ako mahilig magdasal noong bata ako. Basta ang alam ko, bago ako matulog, pilit kong hinahanap ang buwan sa bintana namin, o kaya’y umaakyat ako sa bubong namin (na madalas maging dahilan kung bakit ako pinapalo ni Papa) para lang makita iyon, at pagnakita ko na siya, kakaway ako sa kanya o kaya’y mag fa-flying kiss at tsaka ako bubulong ng Goodnight.
Uwian. Hatak hatak ko ang stroller ko nang mapadaan ako sa tindahan, iyong mga kaklase ko, nagkakainan ng ice drop. naiinggit ako, kaso wala akong pera. Si Henry, iyong mayabang kong kaklase, na madalas mang-asar sa akin ng; “Ano, nakakain ka na ba sa Jollibee? hindi pa, wala ka pala eh!” na sinasagot ko naman ng; “Siguro nakakabobo ang Jollibee, kasi bobo ka eh!” na ikinapipikon niya at iniiyakan, nakatitig siya sa akin at iniinggit niya ako ng dinidiladilaan niyang ice drop. Hindi ko siya pinansin. Nang mapadaan ako sa Morning Breeze Church, pumasok ako doon, hindi para magdasal. May malaki kasing electric fan at gusto kong magpahangin at maupo saglit. Sa harapan ko ay may isang matandang babae na nagdadasal. Lumapit ako sa kanya at kinalabit ko siya.
“Bakit ka nagdadasal?”
“Kasi may ipinapakiusap ako kay God.”
“Nasaan ba si God?”
“Nasa heaven.”
“Patay na siya?”
“Hindi, buhay siya.”
“Eh bakit nasa heaven siya? ‘di ba patay lang ang nasa heaven?”
“Paglaki mo,maiintindihan mo.”
“Hindi ka niya maririnig kung bumubulong ka.”
“Bakit naman?”
“Ang layo layo kaya ng heaven.”
Niyakap ako nung ale at hinalikan sa noo. sabi niya, bibo daw ako. pero tingin ko, masama lang talaga ugali ko.
Pagkaalis nung ale’y lumuhod din ako at nagdasal. “Papa God,gusto ko ng ice drop, bigyan n’yo ko ng ice drop.” Iyon ang unang dasal ko. Tumayo na ako at palabas na ako ng simbahan nang makita ko iyong isang babae na umiiyak. Nakatayo siya sa paanan ng rebulto ni Jesus Christ na nakahiga na nasa loob ng box na gawa sa salamin. Ipinasok niya ‘yung kamay niya sa butas na bilog at nagdasal.
Naisip ko, siguro kailangan ko ding umiyak at ipasok ‘yung kamay ko d’un sa butas, baka sagutin ni Papa God ang dasal ko. Hinintay kong makaalis ‘yung babae. Nang wala na siay’y inilabas ko lahat ng libro ko sa stroller ko, pinagpatong patong ko sila at tinuntungan. (hindi ko kasi abot ‘yung butas) Umiyak ako, (syempre drama lang ‘yun) at nagdasal, tapos ipinasok ko din ‘yung kamay ko d’un sa butas. May nakapa akong bilog, kinuha ko iyon at nagulat ako na may piso akong hawak hawak. Tuwang tuwa ako, kasi naisip ko, binigyan ako ni Papa God ng pambili ng ice drop.
Inisip ko noon na sinagot agad ng Diyos ang dasal ko.
092 Paloalto - The World Outside (Paloalto)
Bitter
August 12, 2011
Hindi ito isang kumpetisyon,
kung sino ang mas masaya sa bago nating
relasyon,
Kung useless lahat ng memories,
at fantasy lamang ang lahat nang
naganap na intimacies,
ayoko na ding isipin pa na ang lahat
ng iyong status,
ay isinulat mo habang ako ang
umiikot ikot sa chubibo ng
utak mong parang circus,
at huwag ka na ding mag-aksaya
pa ng iyong precious time,
na i-tag sa akin ang mga notes
mong hindi kumukupas na parang floorwax
mag rain man or mag shine,
Enough na ang salitang ibinagsak
ko sa pagmumukha mong maputla,
na “I’m happy for you” pagkatapos
kong isuka,
ang isang bote ng Gin na inubos ko
nang gabing sabihin mo sa aking
mahal mo siya,
habang nire-review ko ang examinations
ng mga signs na hindi ko naipasa,
siguro nga’y clit mo lang ang nakalabit
ng matatamis kong tula,
at puson ko lang ang sa mga animation
mo’y nakadama,
dahil ang affair natin ay isa lamang
disaster,
sabi mo nga’y mahirap mahalin
ang isang tulad kong writer,
dahil kami’y puno ng pagpapanggap,
at sinabi ko sa iyo na ikaw din ay
nagpapanggap
at nagtatago sa likod ng iyong make-up,
ang labi mong pinaitim ng usok ng
yosing iyong hinihithit
na lagi mong pinapupula gamit ang
waterproof mong lipstick,
na hindi nabubura kahit
idiin ko pa ang aking halik,
kahit na kagatin ko pa ito
na may kasamang pagkabwisit,
katulad ng ibang mga babaeng dumating
sa buhay ko,
ang break up scene nati’y pinuno mo
ng reklamo,
kesyo sa tula at kwento lang ako
makeso,
at wala akong binatbat sa reyalidad
nating uto uto,
kaya nga bigla kang nagbigay
ng disconnection notice,
at pinutol ang ilaw sa relasyon nating
akala ko’y isang masterpiece,
dahil habang ikinukumpara mo ako sa
isang volcano,
ayon sa iyo’y isa ka namang tornado,
at nagpacute ka pa sa akin habang
kinakanta mo ang Love the way you lie,
doon ko naisip kung bakit nga ba kita
ginawang parte ng aking buhay,
so, ngayong naubos na ang ating
mga drama,
paringgan mo man ako sa Facebook
mo’y hindi ko na ‘to alintana,
wala na din akong kiber kung may
bago ka bang kalandian,
o sino kaya ang babaeng
bago mong kinakatagpo sa katipunan,
Inuunday mo ngayon sa akin ang
ang lemonada ng iyong litanya,
at ako ang sinisisi mo kung bakit
tayo hindi naging isa,
dahil ikaw at ako ay dalawa,
at ngayo’y naging apat pa,
isama mo na sila.
Sabi mo’y marami akong ikinukubli,
at ang ishinare ko lamang sa iyo
ay kung saan ang aking mga kiliti,
sinakyan ko ang lahat ng drama mo
at kaartehan,
sinakyan mo naman ang inutil kong
angas at kayabangan,
at siyempre,
tayo’y naglaro ng masalimuot
nating kabayu-kabayuhan,
at ikaw ay biglang nag babayu,
kakantahan na lang kita ng blue bayou,
tinext kita na sana huwag mo akong
iku-kwento sa iba,
at nangako ka na hindi mo ako iguguhit
sa imaheng nakakatawa,
umarte ka pa at nagpavirgin na
huwag kitang tirahin sa aking mga tula,
at bruha kang mag ambisyon na sasayangin
ko ang genius ng aking pagiging makata,
para lang kitlan ka ng buhay sa pagitan
ng aking mga katha,
lakas mong magdemand, hindi ka naman
ganoon kaganda.
naaalala mo ba noong tayo’y mag beach,
at nag starbathe sa buhanginan
yakap ang balat mong iblineach,
sabi ko sa iyo’y ikaw lamang ang
aking iwiniwish,
kahit na noong gabing iyon ay wasted
ka’t mukhang witch,
huwag mo nang subukan pang paringgan
ako sa iyong mga comment,
dahil ang dating mundo nati’y isa na
lamang lumipas na moment,
moments of love bringing us closer
together,
hindi din, dahil ikaw ay nagsilbi
lamang na aking pacifier,
para saglit kong makalimutan
ang aking hunger,
dahil nang ika’y matagpuan ko noong
november,
swerte mo dahil ako’y tumigil na sa
pagiging heart breaker,
at huwag ka nang makipag unahan pa
sa akin na mag explain,
na kapwa tayo nakapag move on na
at hindi tayo in pain,
tama na siguro ang minsan na habang
iniisip kita,
ay busy ka naman sa pakikipag text
sa kanya,
nakakagulat lang na ang dali mo
akong nakalimutan,
saglit lang akong nawala’y
hindi ka na nagparamdam,
masakit nga sigurong sabihin na;
“We’re better off as friends”
dahil as lovers, hindi tayo nag be-blend,
ayokong isipin mo na nag s-sweetan
lang ako sa aking karelas ngayon,
para lang pasakitan ka at takpan
ang pait ng kahapon,
dahil sa totoo lang my dear,
nakalimutan ko na ang lahat ng aking
fear,
hindi ko na nga binibisita ang account mo
at blogsite,
dahil ayokong maalala ang huli nating fight,
kung saan sinabi mo sa akin na
alam mo nang sa ganito tayo magtatapos,
at pilit kong pinaiintindi sa iyo
na kapwa tayo nakagapos,
sa dati nating pag-ibig na hindi natin malimot,
at sa totoo lang, sawang sawa na
akong mag emote…
hindi man panghallmark ang ating naging
ending,
at hindi man tayo naging couple of the century
at naisapelikula ang lovestory natin,
huwag mo na sanang ipaalala pa ang
huling message mo sa akin sa YM,
na may kasama pang icon ni madonna na
may blingbling
niyari mo ako sa makabasag tinggil mong
pagmamalaki,
at kinatay kita sa nakayayanig kong
pagputok sa lobo mo gamit ang aspili,
dahil nang sabihin mo sa aking loser ako
dahil hindi kita natikman,
ang isinagot ko sa iyo’y epic fail ang strip dance
mong hindi man lang ako nagulantang,
pero ang hindi ko ma gets ay bakit nung
sinabi mo sa aking; “Don’t forget me.” at ito
ang iyong huling kahilingan,
ay sinagot kita ng;”Hinding hindi kita kakalimutan…”
“I’m happy for you…” is the last words of a bitter person.
(ito ay isang gawang fiction. Kung may pagkakatulad man sa totoong buhay, well, aksidente lamang po iyon at huwag mag-isip ng masama, at higit sa lahat… ng may malisya. hehehehe.)
adele_-_someone_like_you
GEORGIA
Kinasabwat ang inaaglahing kislap ng alitaptap,
mga prestihiyosong ambon at ang bawat nitong patak,
kinatigan ng malamlam na tukso’t liwanag,
ng buwang nagre-reyna sa bantulot niyang pakpak…
Ang kidlat at kulog sa pusong nayayamot,
ang init ng tag-ulan sa katawang natutulog,
ang lamyos ng lamig, ang tag-araw ang nagdulot,
sa hilik ng magdamag, ako sa iyo’y maninikluhod…
Aking nanakawin ang bubog sa basag na gabi,
aabutin ang mga kristal na bituing sumusuyo sa iyong labi,
hihilahin ko ang mga along sa buhangin mo’y kumakandili
upang lisanin mo ng tuluyan ang nakaraan mong pagkasawi.
Damhin mo ang pinong kagat sa hinurno mong baywang,
ang pagdampi ng aking halik sa dibdib mo’t tadyang,
lulunurin ko ang sandali sa batis ng iyong kasingit-singitan,
lasunin mo ako ng tamis na hatid ng iyong pagdaramdam.
Madama mo sana ang pananabik sa aking pagkilos,
sa ibabaw ng iyong katawang memoryado ko ang pasikot sikot,
at kung ang aking mga daliri’y maging pangahas at malikot,
nais ko lamang ipabatid sa iyong ikaw lamang ang tanging iniirog.
Tatahakin ko ang kagubatan sa iyong anit at mga buhok,
susuyuin kita mula tenga hanggang sa iyong gulugod,
ibabaon ko ang aking labi sa bawat mong pagitan,
hanggang sa muling bumuhos ang tubig talon sa ating karagatan.
Ang ungol mo’y nagmistulang hilik nang bukang liwayway,
at ang mga bulong ang siyang saksi sa ating banyuhay
ang pagdidikit ng ating init at lamig ay nagsilbing dagitab,
sa kunyapit ng pag-asam na ako ang laman ng iyong pangarap.
Ikaw at ako’y tatangayin ng hangin sa kaitaasan,
itatago kita sa bagwis ng aking pusong hindi kailanman lilisan,
tayo’y palilibutan ng mga paro parong hangal at ligaw,
at sa pagsikat ng araw, ang umaga’y hindi ka sa akin maaagaw.
Sa tuwing ikaw at ako’y magkayakap att tuluyang nag-iisa,
ang mga planeta sa kalawak’y nagsasanib at tumutula,
ang bawat elemeto sa ating paligid ay nagiging talinghaga,
ang pait at sakit ay nagmimistulang kay gandang kataga.
Kaya’t nais kong muli mong lasapin ang init sa aking halik,
ang kapayapaang hatid pagkaraan ng ating pagsasanib,
sa ganitong paraan, ako’y mawawala at ika’y maglalaho,
dahilt sa loob ng nag-isa nating kaluluwa, tayo’y magtatago.
Saksi ang buong sanlibutan sa aking pag-ibig at pagsamba,
sa aking diwatang mortal na nagkukubli sa katawang lupa,
Abutin mo ang aking kamay sapagkat dito’y muli tayong magniniig,
limutin ang katotohanang tayo’y nagtatagpo lamang
sa aking panaginip…





